"Anong nangyari sa bayan?" tanong ni Martha sa anak nang makita niyang nakabusangot ito pagkadating na pagkadating sa bahay.
"Nakaharap ko si Hans, Ma," wika ni Isabelle matapos mapabuntong hininga.
"Binastos ka ba niya?" nag-aalalang tanong ng ginang.
"Hindi po. Pero tama lahat ng hinala ko sa lalaking iyon. Napakahambog niya at hindi siya nararapat na maging kabalyero. Isa siyang malaking kahihiyan. Puro pagpapagandang lalaki na lang ang inaatupag niya, nasaan na napunta ang panunumpa ng isang kabalyero? Ma, kahit isang magandang katangian ay wala talaga siya!" naiinis na wika ni Isabelle. Kaya siya nagkakaganyan ay dahil mataas ang tingin ni Isabelle sa mga kabalyero. Dahil ang ama niya ay isang magiting na kabalyero na ginagalang ng lahat. Maraming kwento ang kanyang ina tungkol sa kabalyerya kaya ganun na lang ang himutok niya at may isang Hans Van Clyde na nahirang bilang isa.
"Anak, hayaan mo na. Sa tingin ko naman ay hindi siya mahihirang bilang isang kabalyero kung hindi siya karapat dapat. Siguro ay maaasahan siya sa mga misyon niya kaya siya nahirang. Maaaring ganyan lang talaga ang personalidad niyo ngunit malay natin kung mabuti pala siyang kabalyero," saad ni Martha.
Umismid na lang ang dalaga dahil hindi siya sang-ayon sa winika ng ina. Unang kita palang niya kasi dito ay kumukulo na ang dugo niya. Nang masilayan niya ang ngiti nito ay nainis siya agad. Dinadaan kasi nito ang lahat sa pagpapagwapo lang. Tila ba lahat ng bagay ay inaayos ng binata sa pagpapagwapo at sa paggamit ng karisma niya. Aminado naman ang dalaga na gwapo talaga ito ngunit hindi naman ipinagyayabang dapat ang pisikal na anyo. Dahil para sa dalaga, ang pisikal na kagandahan ay kumukupas ngunit ang kabutihang loob ay tumatagal ng panghabang buhay.
Samantala sa tinitirhan ni Hans, tulala ang binata sa kawalan. Nabagabag kasi siya sa dalagang nakita niya sa bayan. Kakaiba ito sa lahat ng mga babaeng nakilala niya. Halata rin ang talinong taglay ng dalaga at aminado siyang humanga talaga siya dito. Napakaamo ng mukha nito at ang ganda niya ay parang bukang liwayway sa tabing dagat na kaysarap pagmasdan. Hindi ito nakakasawa.
Nagtataka lang si Hans kung bakit ngayon niya lang ito nakita sa bayan. Palagi siyang umiikot doon ngunit ito ang unang beses na nakita niya ito. Bigla tuloy siyang napaisip kung saan nakatira ang magandang dalagang iyon.
Napabangon agad siya sa kanyang higaan at patakbong tinungo si Klaus sa kwadra.
"Klaus, kailangan ko siyang makita. Kailangan kong malaman kahit ang pangalan man lang niya. Hindi ako mapakali kakaisip," wika nito sa kabayo atsaka sumakay dito.
Tumungo silang bayan at naghanap-hanap sa mga lugar na maaaring naroroon ang dalaga. Ngunit hindi niya ito nakita. Nagtanong-tanong na rin siya sa mga tao doon ngunit hindi nila malaman kung sino ba ang babaeng tinutukoy ni Hans. Bigo ang binatang mahanap ito sa bayan at ganun na lamang ang pagkadismaya niya.
Naisip niyang dayuhin ang mga kalapit na lugar dahil baka makita niya ang babae doon ngunit bigo na namang siyang makita ito. Kahit anong paliwanag niya sa mga tao sa itsura ng dalaga ay hindi nila ito kilala.
Isang buwan. Isang buwan na hinanap ni Hans ang misteryosong babaeng iyon. Hindi niya maunawaan ang sarili niya kung bakit siya nagkakaganoon. Tila ba ay sinalamangka siya at hindi niya maalis sa isip niya ang dalagang nakatagpo niya sa bayan. Hindi siya makatulog nang maayos sa gabi kakaisip dito at tuwing pagtulog niya ay sa panaginip niya naman ito naglalagi.
Sa tuwing nakakakita siya ng mga babaeng may kayumangging buhok at asul na mga mata ay siya agad ang naiisip niya, siya agad ang nakikita niya. Ang mga mata at isip niya ay pinaglalaruan na ng babaeng iyon. Hindi niya lubusang maunawaan kung bakit ganito ang epekto ng dalaga sa kanya.
BINABASA MO ANG
When A Playboy Falls In Love
Short StoryA knight. A maiden. Then love happened. Cliché eh? Well... ©2015 Pearllypapers