Four__Intersecting Parallel Hearts

100 9 6
                                    

Isang buwan ang naging usapan nila Isabelle at Hans upang kilalanin nila ang isa't-isa. Isang buwan upang baguhin nila ang turingan sa isa't-isa. Isang buwan na nagpaikot sa mundo nilang dalawa. Isang buwan lamang ang kinakailangan upang mapagtanto nila ang tunay na nararamdaman ng mga puso nila.

Si Isabelle, marami siyang naisip na gawin sa loob ng isang buwan. Dahil nga nais niyang maipakita kay Hans ang totoong siya ay ginagawa niya ang palagi na niyang ginagawa.

Nag-aalaga ng mga hayop, naglilinis ng bahay, tumutulong sa kanyang ina at kapag wala ng ginagawa ay nasa lilim siya ng puno at nagbabasa kasama ng kanyang aso na si Coco. Ginawa niya ang lahat ng mga iyon kasama si Hans. Nais niyang malaman kung magiging interesado pa ba sa kanya ang binata matapos nitong makita na nakakabagot lahat ng ginagawa niya para sa isang taong kagaya ni Hans na puno ng kapanapanabik na bagay ang buhay.

Minsan din ay pumunta sila sa kaloob-looban ng kakahuyan upang mamitas ng mga prutas at manguha ng mga kahoy. Kasama si Hans noon at tumulong sa kanya. Hinayaan ni Isabelle na pasukin ni Hans ang simple ngunit makabuluhan niyang mundo. Hinayaan niyang ilabas niya ang pagiging siya. Tumatawa, ngumingiti, palakwento at malakas ang loob na suungin ang mga kakaibang bagay sa mundo. Naipakita ni Isabelle ang pagiging isang matapang na babae at ang kanyang taglay na talino.

Ang mga bagay na ito ang nagpalalim lalo ng nararamdaman ni Hans para kay Isabelle. Sino siya upang hindi tablan ng karismang taglay ng dalaga? Si Isabelle ay isang kahanga-hangang babae na may magandang personalidad, mabuting asal at talentado. Si Isabelle na nakilala niyang masungit at palaban ay isang simpleng babae na ang tanging hangad ay matulungan ang ina. Siya ang babae na may mabuting puso lalo na sa mga taong malapit sa kanya. Hindi man nakikita ng mundo ngunit isa siyang napakagandang nilalang. Tila kayamanan na dapat na ingatan. Ganoon si Isabelle para kay Hans. Kaya desidido na ang binata na mahal niya talaga ito at hindi na iyon mababago.

Samantalang si Hans naman, naipakita niya ang pagkatao niya na hindi niya pa naipapakita sa ibang tao. Ang kanyang pagiging tunay na maginoo. Alam ng lahat na dapat taglay talaga ng lahat ng kabalyero ang katangiang ito ngunit hindi nailalabas ni Hans ang pagiging sinserong maginoo. Dahil madalas ay pakitang tao lamang ito. Naging maginoo siya kay Isabelle. Andiyan yung kusa niyang pagtulong sa dalaga sa mga gawain nito. Ang pagiging sensitibo sa lahat ng aspeto, pagiging tapat sa nararamdaman niya at naipakita niya rin na may puso siya.

Naging bukas din si Hans sa pagkatao niya. Naikwento niya kay Isabelle ang pamilya niya. Ang mga magulang niya ay nasa kabilang ibayo ng bansa at may sariling negosyong pinamamahalaan. May isa siyang nakakabatang kapatid na babae na may sarili na ring pamilya. Naikwento rin ng binata ang hilig niya sa paghawak ng espada, sinanay kasi siya ng kanyang ama noong bata pa siya kaya nahalina siya dito. Mahilig din siya sa musika at sa magagandang tanawin kaya hilig niya ang maglakbay.

Inamin ng binata na lumaki ang ulo niya sa atensyong nakukuha niya sa lahat ng tao kaya natuto siyang maging babaero. Nasiyahan kasi siya na paglaruan ang mga babae dahil wala namang nagrereklamo sa ginagawa niya. Lahat din naman kasi ng mga babaeng nakakasama niya ay alam ang patakaran niya kaya nga nang magtagpo sila ni Isabelle ay ikinagulat ng binata ang pagsalungat nito sa kanya. Wala pa kasing sumasalungat sa kanya, wala pang may nagsabi sa kanya ng mga dapat niyang gawin. Pinapatakbo niya ang buhay niya sa paraang gusto niya, tama man o mali ay hindi na iyon mahalaga.

Sa mga bagay na ito ay nabukas ang isip ni Isabelle na masyado niyang hinusgahan si Hans. Totoo nga na hindi dapat hinuhusgahan ang tao sa kung anong nakikita mong ginagawa niya, husgahan mo sila kung nakasama at nakilala mo na sila ng lubusan. At doon ay napagtanto ni Isabelle na mali siya ng pagkakakilala kay Hans. Maaari ngang babaero ang binata at iyon ang kapintasan niya ngunit mabuting tao rin naman pala ito.

When A Playboy Falls In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon