Once upon a time, there was a beautiful kingdom with vast and bountiful land. Ruled by a very noble king, along with his beautiful wife, the queen and the two princesses.
Pero hindi sila ang ikikwento ko. Oo, hindi sila dahil ang kwento ko ay mag-uumpisa sa isang liblib na lugar ng kaharian. Kung saan nakatira ang isang simpleng dalaga na nagngangalang, Isabelle Harriet.
Si Isabelle ay lumaki sa pangangalaga ng kanyang ina na si Martha. Wala na ang ama niya dahil pumanaw na ito noong maliit na bata pa lamang siya. Ang sabi ng kanyang ina ay napaslang ito sa pakikipaglaban sa digmaan. Dahil ang kanyang ama ay isang magiting na kabalyero nang nabubuhay pa.
Payak lamang ang kanilang pamumuhay, ang kanyang ina ay isang mananahi at si Isabelle naman ang nagdadala sa mga natapos na trabaho ng kanyang ina sa bayan. Sa kabila ng pamumuhay nila ay hindi naman nagkulang ang kanyang ina na mapalaki siyang mabait at matalinong bata.
"Isabelle, 'wag mong kakalimutang daanan si Philipp na panadero sa bayan. Kumuha ako sa kanya ng dalawang tinapay. Bayad na ang mga iyon at kukunin mo na lamang," paalala ni Martha sa kanyang anak. Kasalukuyan namang naghahanda si Isabelle para sa pagpunta niya sa bayan. Ipapadala niya ang mga natapos nang tahiin ng kanyang ina sa mga kumuha nito.
"Opo, hindi ko po kakalimutan," magalang na tugon ni Isabelle. Isang magandang dilag ang dalaga. May taglay siyang asul na mata at kayumangging buhok. Maamo ang kanyang mukha na isa sa mga dahilan kung bakit maraming kalalakihan ang nahahalina sa kanya. Ngunit hindi niya iyon pinapansin dahil ang hangad niya sa buhay ay ang matulungan ang kanyang ina. Madalang lang kung lumabas si Isabelle dahil mas nais niyang manatili sa bahay, magbasa ng libro at matutong manahi kagaya ng kanyang ina.
"Mabuti kung ganoon. Dalhin mo na lang si Travis nang hindi ka mahirapan sa dala mo," wika ni Martha. Ang tinutukoy niya ay ang kabayo nila na nasa maliit na kwadra sa likod-bahay.
"Ma, mas mainam na po kung maglalakad na lang ako. Maaga pa naman at mas gusto kong makapag-ehersisyo naman ako," pagtanggi ni Isabelle sa alok ng ina. Pumayag na lang si Martha dahil mukhang pursigido ang anak sa kung anuman ang nais niya.
Dala-dala ang isang basket na sinidlan niya ng mga natahing damit ay tinahak ni Isabelle ang daan patungong bayan. Isang malawak na kapatagan ang tinahak niya hanggang makarating siya sa kakahuyan. Dito sa kakahuyan ay may malaking ilog na palagi niyang tinatambayan sa tuwing nadadaan siya dito. At yun nga ang ginawa niya, ninamnam niya ang hangin sa umagang iyong sa tabi ng ilog. Tahimik ngayon ito, indikasyon na mataas ang tubig. Nais niya sanang magtampisaw ngunit wala naman siyang dalang pamalit.
Kaya nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad hanggang makalabas siya ng kakahuyan. Doon ay tanaw na agad ang napakaabalang bayan ng kaharian nila. Nang marating niya ang bayan ay agad niyang inihatid ang mga damit na dala niya sa mga nagmamay-ari nito. Kumita siya ng dalawampung ginto sa walong damit na pinagpaguran ng kanyang inang tahiin.
Matapos iyon ay dumiretso na siya sa panaderya ni Philipp. Kukunin na niya ang tinapay na binili ng kanyang ina. Pagkapasok niya sa tindahan ay mainit siyang tinanggap ng isang matandang lalaki, iyon si Philipp. Magiliw ang matanda sa dalaga dahil parang apo na ang turing niya dito. Gustong-gusto kasi ni Philipp ang mga kwento ng dalaga tungkol sa mga magagandang libro na nabasa nito.
Samantala, sa kabilang panig ng bayan ay hindi magkamayaw ang mga kababaihan sa pagdating ng isang mala-adonis sa kagwapuhan na lalaki. Isa siyang magiting na kabalyero na kilala ng lahat lalo na ng mga babae. Sino ba namang hindi?
Itim na itim ang hanggang balikat niyang buhok, medyo maalon ito at kadalasan niyang tinatali na nakakapagdagdag ng dating sa kanyang napakagwapo ng mukha. Medyo kayumanggi ang balat, matangkad at makisig. Matangos ang ilong, perpekto ang pagkakadepina ng panga, mapupulang labi at nangungusap ang kanyang kulay abong mata. Sino ang hindi mapapanganga, tutulo ang laway at mababali ang leeg kakatingin sa kanya? Sino? Wala!
BINABASA MO ANG
When A Playboy Falls In Love
PovídkyA knight. A maiden. Then love happened. Cliché eh? Well... ©2015 Pearllypapers