Kabanata XI
Kinabukasan ay maaga akong nagising kahit na masakit pa ang ulo ko sa matinding pag-iisip. Katulad kahapon ay napapaso lamang akong tinitigan ni Psalm kaya naman hindi ko maiwasan ang masaktan. Sa paraan ng pagtingin niya sa akin ay pakiramdam ko ay iba akong tao sa paningin niya. Napabuntong hininga na lamang ako at walang ganang kumain ng almusal. Ikalawang araw ko na rito sa mansyon ng mga Reyes at hindi ako makakatagal kung ganitong may ilangan sa pagitan namin ni Psalm. Paano naman niya nasabi na ibang tao ako? Ako ito si Auldey, ang kababata niya.
Pinaglalaruan ko lamang ang pagkaing nasa harap ko at kung minsan ay nakikisalo sa kanilang usapan lalo na tungkol sa resort na siyang pakay ko kung bakit narito ako. Sa dami ng distractions ko ay nakalimutan ko na ang mga bagay na mas mahalaga at iyon ay ang trabaho ko. Napagpasyahan namin ni Aaron na kinabukasan na lamang magtungo sa lugar kung saan maaaring itayo ang hotel and resort na pinaplano nila Papa.
Nang matapos mag-almusal ay malamig na tumayo si Psalm at lumabas ng mansyon. Kinagat ko muna ang labi ko bago tuluyang sundan siya. I think I'm just being insecure to Clarisse. Iyan ang pinaniniwala ko sa ngayon kaya ako nagkakaganito. Posible naman iyon diba? Dahil siguro sa insekyuridad ko ay nais kong maging si Clarisse na lamang. Kailangan kong ipaliwanag iyon kay Psalm.
"Psalm! Kausapin mo ako!" marahas akong nilingon ni Psalm habang ako naman ay hinihingal. Sapo ko ang aking dibdib ng maabutan ko siya kaya naman bumakas sa mukha niya ang labis na pangamba.
"Namumutla ka Auldey!" mabilis akong umiling at hindi ininda ang nararamdaman. I need to talk to him! Hindi maaaring sumpungin ako ngayon kung hindi ay mawawalan na ako ng pagkakataong kausapin pa siya.
"Paano mo nasabing hindi ako si Auldey? Ako 'to Psalm! Siguro nakikita ko lang ang sarili ko kay Clarisse? Pwede naman iyon 'di ba?" pumikit si Psalm at nagbuntong-hininga at umiling. Paano niya nasasabi iyon? Pinaniwalaan ko lahat ng sinasabi nila tungkol sa pagkatao at ngayon sasabihin niyang hindi ako si Auldey? Sino ako? Bakit taglay ko ang mukha niya.
"Auldey, noon pa lang ramdam ko ng may mali sa iyo. Hindi ko alam kung paano? Sa buong durasyon mo sa hospital ay kasama mo ako! Umaga hanggang gabi! Hanggang ngayon naiisip ko pa rin kasama ko nga kita physically ngunit iyong Auldey na minahal ko ng dalawpung taon ay hindi ko mahanap! Pinaniwalaan ko rin na dala lang 'yon ng mahabang pagkakaratay mo sa hospital pero hindi mo maaaring kalimutan na mahal natin ang isa't-isa!" nanlalaki ang mga mata ko sa sinabi niya kaya naman napaatras ako. Kitang-kita ko ang pagpupuyos niya sa galit at panggigilid ng kanyang mga luha. Mahal namin ang isa't-isa? Pero wala akong maramdaman ganoon sa pagitan namin?
"Makakalimutan mo ang lahat pero hindi ang pag-ibig natin Auldey! Iyong pagtatago natin sa relasyon natin sa Papa mo. Pati ba naman iyon ay kailangan pang ipaalala sa iyo? Hindi ko alam kung paano at kung anong nangyari pero hindi ikaw si Auldey Gem! Kabaliwan nga siguro 'tong pinaniniwalaan ko." Sarkastiko siyang ngumisi at matalim na naman akong tinitigan kaya naman napaatras ako hanggang sa lumapat na ang likod sa may pader.
"Sino ako?" namamaos kong tanong sa kanya. Pinigilan ko ang paglandas ng aking mga luha kasabay niyon ang pananakit ng aking lalamunan. Takot at kalituhan ang pumaibabaw sa akin at mas lalo lamang akong nadismaya nang walang naging kasagutan si Psalm.
Napayuko ako at tuluyan nang napaiyak. Nasasaktan akong makita si Psalm na ibang tao ang tingin sa akin. Nadagdagan lang ang sari-saring katanungan sa pagod ko ng utak. Upang makatakas sa lahat ng ito ay minabuti kong takbuhin ang palabas ng mansyon. I need time to think! Ang manatili sa iisang lugar ay tuluyang magpapakabaliw sa akin.
Tumakbo ako ng tumakbo hanggang sa makarating ako sa may bukirin sa may likod pa ng mansyon ng mga Reyes. Tanaw ko pa ang pulang mansyon at one way lang naman kaya mas lalong lumakas ang loob kong tahakin pa ang mahaba at makipot na daan na sa tingin ko ay ang tinatawag nilang pilapil. Sa gitna niyon ay isang kubo kung saan namamahinga ang mga magsasaka sa tabi niyon naman ay isang malaking puno ng mangga na nagsisilbi ring silong. Nang mapagod sa pagtakbo at paglalakad ay napagpasyahan kong mamahinga muna sa may kubo.
BINABASA MO ANG
Midnight Lover Duology : Huling Sayaw (Sequel)
ParanormalNang makabalik si Victoria bilang si Clarisse ay wala siyang naging problema sa pagsasama nila ni Aaron. Tanggap siya ng ina nito, namumuhay sa karangyaan at malapit ng ikasal sa pinakamamahal nito. Ngunit ang pag-ibig na kinuha mula sa kasakiman ay...