Tahimik. Hindi niya alam kung paanong humantong ang lahat sa ganitong sitwasyon. Wala naman siyang matandaan na ginawang masama sa mga taong ito. Nanatili siyang nakatingin sa mga nakapaligid sa kanya. Walang imik, walang kibo sa loob ng ilang segundong tila taon na sa kanya. Ang mga titig ng mga ito, ang mga ngiting tila nanunuot sa kanyang kalamnan. Walang ibang hangad kundi ang makita siyang kahiya-hiya.
"Rona!" tawag ng may katabaang babaeng nakatayo sa harap ng pisara. Sa harap nilang lahat. Nakapameywang ito hawak ang isang manipis pero mahabang patpat. Nakatingin ito sa kanyang tila inip na inip.Napatitig siya sa bagay na iyon na hawak ng guro, matapos ay natunton ng mga mata niya ang latay na nasa kaliwa niyang braso. Napalunok siya.
"Rona Mae!! Bingi ka ba? Sabi ko pumunta ka rito sa harapan!" singhal nito sabay hampas sa pisara ng hawak na stick, turo sa mga nakasulat na mga numero sa abuhing pisara. Tila niyebe sa napapanuod niya sa cartoons ang unti-unting pagbagsak ng abo ng yeso sa sahig. Napasinghap siya. Nakaramdam ng matinding takot. Matagal na para kay Ginang Santos.
Tumayo siyang nangangatog at nagsimulang maglakad papunta sa harap. Habang nakayuko ang ulo ay nililingon niya ang mga kamag-aral sa loob ng klasrum na iyon. Pawang mga nagpipigil ang mga ito ng tawa, ang iba naman ay nagbubulungan. Ang iba naman ay tahimik lang na nakatingin sa kanya. Hindi niya alam ang nasa isip at ang isa, si Christine, nakita niya ang buka ng mga labi nito nang may binulong sa katabi.
"Patay nanaman si Uling... "
"What is the roman numeral for 14?" banggit ng babae sa kanya pagkalapit, habang turo ang isang parte ng pisara na kailangang sagutan. Itinaas niya ang hawak na yeso, itinapat sa blankong espasyo kung saan isusulat niya ang sagot na hindi naman niya alam. Muli. Nakarinig siya ng mga halakhakan at panga-asar, sumigaw ang guro para patahimikin ang mga kamag-aral at muling bumaling sa kanya. "Ang sagot mo! Dalian mo! " umigting ang litid nito. Nagpapalit-palit siya ng tingin, sa pisara, sa mga mukha ng mga kaklase, sa bagot na bagot na mukha ni Ginang Santos.
Sa takot na magkaroon muli ng marka ang katawan ay nagsulat siya, sinulat ni Rona ang kahit na anong nasa isip. Sinulat niya ang kahit anong imahe na naalala niya. Nang matapos magsulat isang malutong na tawanan ang narinig niya sa buong kwarto at bago pa siya makalingon may humablot ng kanyang buhok at malakas siyang inuuntog sa pisara.
"Ang bobo bobo mo!" sigaw sa kanya ng guro. Para sa kanya muli nanamang naging halimaw ang babae "Nagaaral ka ba?! Tanga!" hindi pa nakuntento isang pinong kurot ang handog nito sa kanyang tagiliran, napasigaw siya sa sakit.
"Hindi ko po talaga kasi alam..."
Hindi siya pinakinggan ng babae, isang malakas na hampas ng patpat ang ginawa niya sa likod ng kanyang hita. Halos mapaupo siya sa sakit. Naghahalakhakan parin ang mga kaklase, ang mga mukha ng mga ito ay matagal nang tumatak sa utak niya, matagal na siyang nilalait dahil sa kanyang kulay, sa kanyang itsura. Ayaw na sana niyang pumasok, ayaw na sana niyang bumalik. Ayaw na sana niyang pumasok dahil wala nang ibang ginawa ang mga kamag-aral kundi ang paglaruan at pagtawanan siya. Ayaw na sana niyang magpakita sa eskuwelahan dahil sa guro niyang naging libangan ang pamamalo sa mga estudyante niya. Kinamumuhian niya silang lahat. Lahat sila.
BINABASA MO ANG
Si Anino at ang mga Kinalimutan
Short StoryIsang simula. Ang susunod na mga tampok ay ilang koleksyon na naiwan lang nakatunghay matapos kong grumadweyt sa kolehiyo. Kaya ang ilan ay naisulat ko pa para sa editor ko sa school publication. Ang ilan ay hindi maaaring ilathala dahil na rin sa p...