PIRA-PIRASONG AKO

20 1 0
                                    

Malamig muli ang gabi tulad ng dati. Sumisimoy ang hanging dumadaan sa bawat bagay na siyang nagpapalamig lalo dito. Ilang araw ba akong nakatago sa lumang kuwartong iyon? Hindi ko na matandaan. Ngayon nandito na ako sa labas. Matutuwa na sana ako dahil muli ko nang masisilayan ang langit, pero nakakainis parin dahil hindi ko makita ang mga bituin. Ramdam ko na lang ang lamig ng hinihigaan ko. Makati dahil maraming langgam na nagwewelga sa daan nilang hindi mapuputol ng kahit anong barikada. Masakit din ang sikip at gasgas ng dahil sa sako.

Pero tanggap ko na.

Sa mga sandaling iyon, hindi ko na maramdaman ang tibok ng puso ko, maging ang mga kamay at paa ko. Alam kong magiging maayos din ang lahat. May narininig akong humihingal. Mabilis. Makatapos ay biglang biglang magdadahandahan. Malakas ang pagtapon ng mga bato. Maingay na pagkaskas sa aspalto.

Muling sumigaw ang hangin. Sumayaw ang mga dahon ng puno sa liblib na lugar na iyon. Kami lamang dalawa. Pinagmasdan ko siya dahan-dahan, tumulo ang luha ko pero hindi ko maramdaman ang anumang tubig sa mga mata ko. Nasaktan ako sa nasaksihan ko kahit wala na talaga akong maramdaman. Kitang-kita ko ang nanghihina niyang mga mata. Ang pag-ulan ng pawis sa kanyang katawan. Pagod na pagod na siya gusto ko siyang patigilin dahil mukhang hindi na niya kakayanin ang gingawa. Pero pipi ako't walang dila sa oras na iyon.

Tuloy-tuloy ang pagbaon ng pala sa lupang hinuhukay. Ang hanging naihip, hindi sapat upang ibsan ang pagod ang na dulot nito sa kanya. Ilang sandali pa ay huminto siya sa pagpalo sa lupa. Tiningnan ako. Titig na hindi mo makikitaan ng kahit anong emosyon. Nilapitan niya ako, lumuhod upang lalo akong maabot. Hinaplos niya ang mukha ko. Nais kong ngumiti pero hindi ko magawa.

May kinuha siya sa tabi ko at mabilis na hinagis sa hukay na ginawa. Sumunod ang isa, may isinunod pang mga piraso ng mga bagay na patuloy niyang hinahagis sa ilalim. Tila may mga pinagaalayang mga sandali. Iniisa-isa. Sunod-sunod na pagtapon. Nang wala nang maihagis sa hukay, ako na ang binalingan. Laking gulat ko, bigla itong umiyak. Hinaplos niya ako. Natuluan ang mukha ko ng luha niya. Nais ko siyang yakapin at halikan, ibsan ang lungkot na kanyang nararamdaman. Pero matapos n'on, bigla itong tumawa ng malakas.

"Dapat lang sa iyo to!" wika nito sabay hagis sa akin sa libingang iyon. Unti-unti. Pinagmasdan ko siya mula sa ibaba. Tahimik siyang kumilos, kinuha ang pala, kuntento na ako sa kinalalagyan. Unti-unti, binabalot niya ako ng lupang siya rin ang humukay.

Ngumiti ako kahit na alam kong hindi niya nakikita. May mga salita na gusto kong bitawan para sa kanya. Gusto kong marinig niya iyon. Pero alam kong hindi na maari iyon. Pero pinilit kong ibigkas, kahit para sa kawalan nalang. Ang mga katagang.

"Patawad sinta..."

Si Anino at ang mga KinalimutanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon