DYORNAL

16 1 0
                                    

7:00 AM/ AUGUST 22

"Sa tingin mo tol 'san ka mapupunta kapag namatay ka?"

Tanda ko pa non kung pa'no niya tinanong sakin iyon. Nakain kami ng tanghalian sa karinderya ni Ate Bing. Tinapunan ko lang siya ng tingin, tingin na akala mo ay nakagawa na ng pinaka-nakakadiring bagay, matapos ay tumawa ng malakas. Sa pagkakakilala ko kasi sa kaibigan kong iyon, kalokohan ang mga ganoong tanong. Pero sa mga oras na iyon, ibang Isko ang nakita ko. Seryoso siyang nagbitiw ng mga ganoong salita habang nakatitig sa lumang telebisyong nakatuntong sa istanteng lagayan ng mga plato at kaldero. Tipikal na araw para sa amin, tipikal na araw para sa karinderyang iyon. Wala na sa akin ang tingin niya, pero ako nga ang kausap.

"Ano bang klaseng tanong iyan?"

Sinulyapan ko ang palabas sa t.v, pero nakita kong walang palabas ang may kaugnayan sa tanong niya. Pero sumagot na rin ako para sa ikakatapos ng usapan.

"... sa langit masarap daw dun eh" kibit-balikat, tinuloy ng pagsubo.

Inakalang tatawa ito ng malakas katulad ng normal nitong halakhak. Pero natahimik lang ito, kasabay ng pagdampot ng bote ng softdrink sa harap at humigop. Tuloy-tuloy. Tila muling nag-isip.

"Ikaw sa tingin mo? Saan ka mapupunta?" bawi ko sa tanong niya dahil mukhang hindi sang-ayon ang araw niyang iyon sa biro.

"Hindi ko alam, baka sa langit na rin. Ayoko sa impiyerno, dito ko na nararanasan iyon eh, may impiyerno na dito sa lupa... pareho lang. Langit naman para maiba."

"Bakit mo naman kasi biglang naitanong? Seryoso ah" natatawa ko muling tanong sa kanya.

"Wala. Para maiba lang din" Sabay tawa nito. Natawa nalang din ako. Sa isip-isip ko baka hindi pa ito busog sa kinain. Pero hindi. Nang matama ko siyang tingan, kita ko kung gaano kaseryoso ang mukha niya kahit natawa. At hindi pala siya nakatingin sa t.v., tagos ang mata nito doon at kita kong wala doon ang atensyon nito.

"tol, magextra rice ka pa" pero dumighay na ito.

12:34 AM/ AUGUST 25

Malakas na katok ang gumising sakin para agad kong buksan ang pintuang kahoy ng bahay. Kitang-kita ko si Isko, nakasandal sa dilim, inaabot ng ilaw mula sa poste ng meralco sa 'di kalayuan. Kita ang tubigan niyang mukha at basa niyang damit sa pawis. Habol din nito ang hininga na tila tumakbo ng milya-milya. Bakas sa mukha ang takot. Pero nagsalita itong tila pinupuno ng katapangan ang butas na didbdib.

Huminga ito ng malalim bago nagsalita.

"Tol p'wedeng makitulog dito?" sing liit ng tansan ang pangsahod sa tapang na sabi nito "Ngayong gabi lang"

Hinayaan ko siyang pumasok. Pero isang oras matapos ang bumalik sa pagkakatulog, nagising ako sa isang malakas na pagbuntong hininga. Laking pagtataka ko ng makitang hindi pa ito natutulog at wala ito sa sofa kung saan ko siya iniwan. Bagkus nakatayo ito, tulala, nakaharap sa dingding ng bahay.

6:01 AM/ AUGUST 27

Tinawagan niya ako sa telepono dalawang oras bago ang pagkikita namin para sabay pumasok sa opisina. Akala ko sasabihin niyang hindi siya makakapasok. Pero tahimik lang siya. Hindi nagsasalita no'ng una. Matapos ang makailang ulit na pagtatanong ko, narinig ko nalang siyang humihikbi. Nagulat ako. Hindi pa siya umiyak sa tanang buhay na magkakilala kami. Nang oras na iyon, naisip ko, iba na to talaga. Ang sinabi lang niya sa ay takot siya. Takot na takot.

"Ano bang problema pre? Bakit ka ganyan at umiiyak ka diyan bigla?"

Nangalay na ang tenga ko sa pagdiin ng awditibo.

"Basta ang alam ko, tama ang gagawin ko. Hindi ako magsisisi sa sasabihin ko"

Wala akong naintinihan hanggang sa tuluyang binaba nito ang telepono. Kahit dial tone na lang ang kausap, naiwan sa tenga ko ang hikbi niya.

3:15 PM/ SEPTEMBER 2

Hapon na. Nauna pa akong humilata sa araw. Day off. Buong maghapon akong nakasalampak sa sofa habang nanunuod sa t.v, pasado alas tres ng makatanggap ako ng text mula kay Isko. Hindi ko masyadong natingnan ang text dahil nakatutok ang atensyon ko sa kakapasok lang na flash report sa telebisyon.

"Napatay sa isang engkwentro ang anak ng Mayor ng San Catalina na si Mayor Arturo Villador na si Monsi Villador, matapos makipagpalitan ng putok sa mga alagad ng batas nitong umaga sa harap ng kanilang tahanan sa Quezon city. 'Di umano aarestuhin ang binata sa salang pagpatay nito sa isang sibilyan sa kalye ng Kalayaan nitong ika-20 ng Agosto. Nakipagpalitan ng bala ang suspek ng tumanggi itong sumama sa mga pulis. "

Sa pagkatutok ko sa balitang iyon ay isang salita lang ang naalala ko sa text ng kaibigan na hindi sinasadyang na-delete ko agad ...

"Salamat".

4:30 PM/ SEPTEMBER 10

Nagtataka ako kung bakit hindi na siya nagpakita simula nung huling beses na nagtext ito. Natapos na ang buwan at wala parin akong balita sa kanya. Hindi ko na ito makontak at wala na rin sa bahay niya ng subukan kong puntahan. Tanggal na ito sa trabaho pero wala parin ni anino nito sa paligid. Ayokong magisip ng kung ano, pero may nangyari na kaya sa kanya? Sana nagkakamali ako.

7:30 AM/ SETYEMBRE 24

Mag-isa nalang akong nakain sa karinderya ni Ate Bing. Kaharap ang nagpapaypay na babaeng abala sa panunuod ng telebisyong nakatuntong sa isang istanteng lagayan ng mga plato at kaldero. Wala na akong balita sa kaibigan kong iyon simula nung huli kaming magkita. Inisip kong umuwi na ito ng probinsya, o kaya may tinatakasang utang o babae. Sana ganun nalang kababaw. Matapos kumain ay agad akong nagbayad at tumayo para pumasok sa trabaho. Naglakad na ako palayo pero rinig na rinig ko ang pagpasok ng balita sa telebisyon.

"Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa estero ng Ermita kagabi pasado alas onse, dahilan para mabulabog ang mga residenteng naninirahan malapit dito. Di-umano, umaalingasaw na sa baho ang ng matagpuan ito ng isang residente, palutang lutang katabi ng kanyang bahay. Tinitingnang angulo ng mga pulis na ang biktima na nagngangalang Isko Baltazar ay produkto ng salvage o tortyur patunay ang sa mga taglay nitong mga sugat at pasa sa katawan. Ang biktima ay matatandaang naging Star witness sa kaso ni Monsi Monteberde sa pagpaslang nito sa isang sibilyan nito lamang...."

Hindi ko na rin natapos pakinggan ang balita. Wala na kasi akong narinig.

Habang dahan-dahan kong nililingon ang karinderya ni Ate Bing, kita ko ang bibig at dalawa niyang mata nakanganga sakin.

Si Anino at ang mga KinalimutanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon