EKLIPSE

25 1 0
                                    

Tila kinuryente siya nang magmulat ang mga mata niya ng umagang iyon. Hindi niya makapa si Anino sa kanyang tabi. Mabilis siyang napabalikwas ng higa nang masigurong wala sa katreng hinihigaan ang alaga. Hinanap niya sa lahat ng sulok ng kuwarto pero hindi niya ito makita. Tinalon niya ang katre at sumilip sa ilalim, wala. Sumilip sa ilalim ng aparador, wala rin. Sa likod ng kurtina, sa balde ng labahan, sa lagayan ng kanyang mga laruan, sa likod ng pintuan, wala. Walang anino. May kumatok na kaba sa dibdib niya.

Mabilis niyang sinilip ang bintana ng kuwarto, tanaw mula doon ang likod ng kanilang bahay. Sa tanda niya, may narinig siya mula doon kagabi. Alam niyang si Anino ang tumawag mula doon. Nakaramdam siya ng takot.

Doon rumehistro sa utak niya ang narinig niya mula sa tatang no'ng nagdaang gabi, oras bago sila matulog. Hindi niya napansing tumatak sa isipan niya ang mga narinig. Pati ang kulay sa paligid ng tatang, dulot ng liwanag ng dilaw na bumbilya sa kuwarto nila at ang nagtatago nitong anino sa kanilang likuran ay naiwan sa isipan niya. Kaharap ang nanang na abala sa pagaayos ng buhok nitong nilugay matapos ang buong araw na pagkakapusod. Habang papahiga, hindi ng mga ito tanto na naroon siya sa may pintuan, bitbit ang arinolang lalagyan sana ng tubig.

At sa narinig ang paguusap ng magulang na parang ingat na ingat na hindi niya marinig.

"Natatakot ako sa pusang yan. N'ong isang gabi nagising ako nasa tabi ko na nakaupo't nakaharap sakin. Aba'y nakatingin! yung mga mata eh nakatitig talaga parang buong magdamag eh nakatingin sakin at naroon lang." banggit ng tatang niya.

"eh sabi ko naman sayo eh itapon mo na, sabi na nga ng nanay mo na malas daw sa bahay yan, hinayaan mo lang eh" sagot naman ng nanang habang inaayos ag sapin ng higaan.

Kailan ba naging malas ang isang buhay?

Hindi niya kayang isiping seseryosohin ng nanang ang suhestiyon ng iba na hindi naiisip ang nararamdaman niya. Bago siya matulog kada gabi ay naroon lang sa tabi niya ang alaga. Tila ayaw mahiwalay sa kanya. Alam niyang alam ng mga magulang niya kung gaano naging importante sa Anino sa kanya.

Unang alaga niya si Anino, kaya't hindi niya rin alam kung may kakaiba ba sa mga katulad niya. Halimbawa ang madalas nitong pagupo lang sa isang tabi. Nakatingin sa kung saang sulok. Tahimik. May tinititigang kung ano. Pero maya-maya ay makikita nang sa kanila na nakatitig. Matiim. Parang may gusto siyang marinig na lihim mula sa bawat isa sa kanila. Mula sa mga mata nitong kulay dilaw na may tigisang hiwang itim sa gitna, makikita doon ang mga pangungusap na tila sinasabing kaya niyang makita ang kahit ano sa dilim, dilim ng kahit saan; dilim ng buhay ng ninoman. Isa iyon sa mga dahilan kaya gustong gusto niya si Anino.

Walang maitatago sa kanya.

At doon, sa puntong iyon, Naramdaman niya ang sunod-sunod na pagpintig ng ugat sa ulo. Parang may nakulo, minsan naman parang may ahas sa bawat hibla ng ugat na mabilis na nagapang at tinutuklaw ang bawat daanan. Masakit. Lalo na kapag may isang haplos ng emosyong bigla-bigla nalang aatake at magiging kalmot sa huli.

Naisip niya na kaya siguro ito narinig na nagiingay nang dis oras ng gabi, iyong hindi ingay kapag naglalampungan ang mga uri nito o kaya kapag may kaaway na karibal sa teritoryo. Siya na pala ang tinatawag nito. Nakaramdam siya ng pagsisisi, dapat kahit antok na antok pa siya noo'y tumayo na siya para tingnan ito sa likod bahay nila.

Nagrerebolusyon na ang kanyang dibdib, iyong pakiramdam na may nagpapaalam sa kanya at alam niyang hindi na muling magbabalik pa.

Naisip niyang kahit kailan hindi siya iniwan ng alaga. Kahit saan siya magpunta, para na talaga itong isang anino na naroon at walang balak siyang lubayan. Madalas may tinititigan, pero palagian ay nahuhuli niya itong sa kanya nakatitig. Matapos nito'y gagantihan na lamang niya ng ngiti at masuyong hahaplusin ang ilalim ng nguso. Hindi niya alam, sa tuwing nasa tabi niya ang alaga, hindi niya maipaliwanag ang kagaanan ng loob. Parang may ibang humihinga para sa kanya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 23, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Si Anino at ang mga KinalimutanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon