Naniniwala ako sa aswang, lumaki ako na kinkwentuhan ng mga tiyuhin ko na galing Capiz at Aklan tungkol sakanila kaya oo, naniniwala ako sa aswang. Naniniwala ako na kaya nilang magpalit ng anyo Na dapat mapayapa ang aking dibdib na marinig ang pagpalatak ng bibig ng tiktik dahil pag malapit daw ang tiktik ibig sabihin malayo ang aswang. At oo malamang iniisip mo nababaliw na ako o napakadali ko namang mauto pero hindi ako nagsisinungaling. Naniniwala ako sa aswang. At naniniwala rin ako sa nuno. Naniniwala ako sa nuno, yung maliliit na nilalang na nakatira umano sa mga punso. Na posibleng nandiyan lang nagtatago sa likod ng puno at kinakagat ko ang daliri kong tuwing nalilimutan ko na ayaw nila ng tinuturo Dahil baka kunin nila ko sa gabi at tangayin sa kaharian nila. At oo, alam ko wala pa kong kilala na kinuha nila pero mahirap ng sumugal. Kapag ako ay nagturo sa isang masukal na gubat kinakagat ko agad ang aking hintuturo dahil madali akong maniwala at naniniwala ako sa mga nuno at tutal rin lang sinasabi ko na sa'yo ang kalokohan na 'to. Siguro, panahon na rin para malaman mo. Ang dami pang mga bagay na walang basehan ang pinaniniwalaan ko. Katulad ng kapag tayo'y magkasama, kumakain tayo ng magkasama at kailangan mong umalis ng maaga, ay iniikot ko ang mga plato para hindi ka mapahamak sa kalsada. O kapag kumakain ako ng mag isa at nalaglag ang aking tinidor o kutsara ay hinihiling kong susurpresahin mo ako sa iyong pagbisita. nakagat ko ang aking dila kanina at binigyan ako ng numero na sakto sa unang letra ng pangalan mo At inisip ko na sana nasa isip mo ako. At oo, kung nakagat mo ang dila mo kanina malamang kasalanan ko yun dahil nasa isip kita. Nasa isip kita sa umaga, kapag nakita ko kung anong oras na, iniisip ko kung nakarating ka na ba sa opisina. Nasa isip kita sa tanghali, alam kong nagtitipid ka pero kumain ka naman ng sapat para hindi ka nagugutom sa trabaho diba? Nasa isip kita sa hapon,malamang pagod na pagod ka nanaman sa dami ng pinapagawa nila sa'yo na hindi mo kayang tapusin bago magdilim At nasa isip kita sa gabi, Saan ka pupunta pagkatapos ng trabaho. Nagbabakasakali na baka pwede tayong magkita dahil, pasensya na. Huwag ka sanang mairita pero gusto kitang makita dahil maniwala ka, gusto kita makita dahil minsan nakakasawa na, na nasa isip lang kita. Oo, siguro nga hindi ito ang tamang panahon para sabihin ko sa'yo 'to bilang puro maligno tsaka lamang lupa yung kaninang mga binabanggit ko. Pero intindihin mo, kung kaya ko maniwala sa mga bagay na walang basehan katulad ng mga 'to. Bakit ako hindi maniniwala sa'yo, sa atin, sa tayo. Kapag nginingitian mo ako naniniwala ako. Kapag hinahawakan mo ang kamay ko, naniniwala ako. Kapag inaakbayan mo ako, naniniwala ako. Kapag hinahalikan mo ako, naniniwala ako. Naniniwala ako dito. Naniniwala ako dito. Hindi ito laro. Hindi 'to hanggang dito na lang at maraming salamat. Naniniwala ako na kaya natin ito. At naniniwala ako na kung maging masakit man. Kung pagdating sa dulo ay patayin man ako sa sakit ng saya na ibinibigay mo. Magiging sulit ang lahat dahil naniwala ako sa'yo. Oo, ikaw ang tinuturo ko At hindi ko kakagatin ang daliri ko dahil gusto kong tangayin mo ako sa kung saan mang kaharian o kagubatan mo gusto. Oo, ikaw ang sinisigaw nitong dibdib ko at hindi ako matatakot kung lalapitan mo ako dahil naniniwala ako sa'yo. Naniniwala ako dito. Naniniwala ako na kaya natin ito. At naniniwala rin ako sa karma na kung ano mang ibigay mo sa kalawakan ay siyang ibabalik sayo na may interes pang kasama. Ilang beses ko na lang isinilid ang puso ko sa garapon at itinapon ito sa dagat sa pag asa na may magbabalik nito sa akin na buo pa pero ang tagal na at wala pa kong nakukuha. Kaya kung sakali lang, na makita mo ang puso ko na inaanod sa Aplaya. Iniisip kung anong gagawin sakanya. Itatapon, itatabi o ipagsasawalang bahala. maghihintay ako sa desisyon mo. Maniwala ka. Maghihintay ako. Ibalik mo sana.