Parati kong naririnig ang dalawa sa mga uri ng pag-ibig:
Ang tamang pag-ibig ngunit maling panahon at
Tamang panahon ngunit maling pag-ibig.
Hindi ko alam kung alin tayo sa dalawa.
Kung tama pa bang may tayo o kung mali na.
Nasaan ka na ba?
Hindi na ba tayo magkakatagpo?
Dahil kung ito ay tagu-taguan
Hindi ko alam kung sino sa atin ang taya
At kung sino sa atin ang nawawala.
Napakaliwanag ng buwan ngunit hanggang ngayon
Hindi pa rin tayo magkakitaan.
Hindi ko alam kung sino sa atin ang nagtatago
Dahil matagal ng tapos ang isa hanggang sampu.
At matagal na rin akong lumabas sa aking pinagtataguan.
At ngayon, patuloy na naglalakad sa kawalan na dati ay kalawakan.
Kalawakan na sabay nating pinagmamasdan
Sa ilalim ng nagniningning na mga bituin
Kasama ng mga alitaptap na sumusulyap sa pag-ibig natin.
Ngunit sino nga bang nagtatago?
At sinong naghahanap?
Lumalalim na ang gabi
Ngunit hanggang ngayon wala ka pa rin sa aking tabi.
Kaya’t sabi ko, hindi na ko pwedeng maglaro.
Hahanapin kita kaya’t ako'y tumayo.
Wala akong pakialam kung ako ma'y madapa o kung ako ma'y mataya.
Isinantabi ko ang takot ko sa dilim at kung anuman ang nasa likod ng dilim.
Mahanap ka lang, makita ka lang.
Dahil kailangan kitang bawiin sa tadhana.
Di ko alam kung pano.
Bahala na.
Basta hahanapin kita.
Kahit nasaan ka pa.
Hahanapin kita.
Hahanapin kita.
At nakita na nga kita.
Nakita na kita.
Natagpuan kita sa pagitan ng gabi at umaga.
Hindi alam kung magpapatuloy pa.
Kung nanakawin pa ba ang mga tala para sa akin
Dahil ang sabi mo kahinaan ko ang mga bituin.
Natagpuan kita sa pagitan ng laban at paalam.
Nakikipagdigma sa tadhana
Dahil ang sabi mo yun ang tama.
Natagpuan kita sa pagitan ng ngayon at bukas.
Masaya ngunit lumuluha.
At hindi ko alam kung anong paniniwalaan ko
Kung ang ngiti mo ba o ang luha mo.
Natagpuan kita sa pagitan ng “mahal kita” at ng “minahal kita”
Ngunit nagdurugo ka na.
Patawad.
Patawad dahil kung minsan mas nauuna pa ang bibig kong pumutak kaysa mag-isip ang kulubot kong utak.
Patawad dahil kung minsan mas nauuna pa ang pagmulat ng aking mata kaysa sa pagtibok ng puso kong hinahapo na.
Patawad dahil kung minsan binabalewala ko ang tenga mong di napapagod sa pakikinig sa bawat pantig na niluluwa ng aking bibig kahit madalas wala naman talagang kwenta ang mga binibitawan kong salita.
Patawad kung naging isa ako sa dahilan ng pagsikip ng iyong mundo.
Kung ang dating payak ay naging kumplikado, patawad.
Patawad.
Patawad kung isa ako sa nagbaon ng takot sa loob mo
Na unti-unting lumaki at ngayon ay inaanib.
Patawad kung mas pinili kong magtago para lang hanapin mo.
Kahit na alam kong mas dapat mong hanapin ay ang sarili mo.
Naging makasarili ako.
Kaya’t heto, nagkasalisi tayo.
Sabay tayong naghanap pero sabay din tayong nagtago.
Nakakapagod rin pala ang laro.
Buong akala ko kasing simple lang ng pagbilang mula isa hanggang sampu
Ngunit hinde.
Hindi pala.
Kaya’t patawad dahil hindi na kita kayang makitang nagdurugo pa
Sa pagitan ng gabi at umaga,
Ng laban at paalam,
Ng ngayon at bukas,
Ng mahal kita at minahal kita.
Hindi na kita kayang makitang nasasaktan pa.
Kaya’t mahal, malaya ka na.
