MABILIS na humulagpos ang mga kamay ni Adrian mula sa dibdib ni Craig. Humakbang ito palapit sa kanya. Nanatili siyang nakatayo."Ikinalulungkot kong natuklasan mo ang isang bahagi ng pagkatao ko sa ganitong paraan, Helen," Adrian said with regret.
Humugot ito ng malalim na hininga bago tinitigan siya. "Pero heto na ako at wala akong magagawa."
Wala siyang mahagilap na sasabihin. Kinapa niya ang dibdib sa anumang damdaming maaaring umahon. Tulad ng pait at sakit, ng pagkabigo. Subalit ang naroon ay pagkamangha... panggigilalas..... disillusionment. Hindi ito ang lalaking pinangarap niya mula nang una niya itong makatagpo.
"Tulad ng narinig mo, Helen, nakahanda akong pakasalan ka..."
"At inaasahan mong tatanggapin ko ang alok mo, Adrian?" she asked softly.
"I'll give you everything you want, Helen. Sa mismong araw na ito'y ipinamana na sa akin ng tiyo at tiya ko ang kalahati ng kanilang kayamanan."
"Hindi mo ako kailangang pakasalan para lang maitago ang pagkatao mo, Adrian." Sinulyapan niya si Craig. Bahagya siyang umismid. "Ang lalaking iyan mismo ang magbubulgar sa iyo sa sandaling hindi mo na kayang tustusan ang luho niya."
"Hindi niya kayang ubusin ang salapi ko," patuloy nito. "I'm thirty-six. In one way or another, kailangan kong magkapamilya... magkaanak. Ikaw ang babaeng napili kong maging ina ng aking mga anak, Helen. Hindi ka mangangailangan ng kahit na ano. Sa sandaling magkaanak tayo'y mapapasaakin ang buong pag-aari ng mga Tiyo Horacio at Tiya Corazon."
May ilang sandaling tinitigan niya ito. Naroon ang pag-asa sa mga mata nito. Pero marahan siyang umiling. "I'm sorry, Adrian." Pagkasabi niyon ay tumalikod siya.
"Helen," habol nito. "Huwag ka munang magdesisyon. Pag-isipan mong mabuti ang alok ko. I know you love me."Hindi siya lumingon. Tuloy-tuloy siya hanggang sa puno ng hagdan. Naroon pa rin si Roy, nakaupo sa baitang. Walang kibong nilampasan niya ito.
"I TRIED to warn you," ani Roy nang makabalik sila sa mesa nila sa may sulok na bahagi ng pool.
"W-who was that man?" nanginginig ang tinig niyang tanong.
"My cousin Craig. Bago pa man ay naghinala na ako, Helen. It takes one to know one. Pero hindi ko gustong isipin. Baka mali ako dahil nagde-date kayo. Pero nang sabihin mong wala naman kayong ibang pinag-uusapan tuwing lumalabas kayo'y nagsimula akong magduda."
Sumubo siya ng cold cuts mula sa pinggang nasa mesa. "Paano mo nalaman?" The taste was sweet and cold.
"Dumating si Craig sa bahay isang gabi..." simula nito, "ipinagyayabang sa akin ang bago niyang condo. Nagsisimula pa lang siya sa modeling niya at hindi pa niya kayang kumuha ng condominium. Pero siya na mismo ang nagkuwento sa akin. Boss ko raw ang nagbabayad ng condo niya. Hindi ako makapaniwala pero detalyado ang impormasyon ni Craig. I tried to tell you about it pero nauwi sa iba ang usapan bukod pa sa hindi ko tiyak kung paniniwalaan mo ako..."
"I don't believe this..." hindi makapaniwalang usal niya. Hindi niya kayang isiping si Adrian ang nakita at narinig niya. Ang kagalang-galang na si Adrian; ang hinahangaan ng lahat; ng fans.
She shook her head incredulously. Nang sa paglinga niya ay napadako ang mga mata niya kina Gene at Charlotte na nasa mesa at sumisimsim ng juice-o kung ano man iyon sa iisang mahabang baso. Magkadikit ang mga pisngi.
She took a deep breath a few times. May palagay siyang kakapusin siya ng hininga. All of a sudden she felt like bursting into tears. Hindi niya kayang pakitunguhan ang nangyayari. Ang pagkatuklas ng tunay na pagkatao ni Adrian at ang tanawing nakikita niya kina Gene at Charlotte.
YOU ARE READING
Ang Lalaking Ni Hindi Ko Pinangarap
RomanceNaghihintay na lang si Helen na gawing pormal ni Adrian ang relasyon nilang dalawa. Na sa malaon at madali'y ihahayag nito na magnobyo sila. Subalit mula sa kung saan ay biglang sumulpot pagkatapos ng labintatlong taon ang nakatutuwang kahapon sa ka...