Kabanata 5

3.2K 66 9
                                    

Kabanata 5

Mimi

Malakas na tugtog ang narinig ko nang makarating ako sa bukana ng baryo kung saan ako nakatira. Malayo pa lang ako ay nakikita ko na ang makukulay na ilaw. Malamang na may kasiyahan na naman sa bahay ni Aling Myrna.

Siya lang naman dito sa baryo ang kahit papaano ay nakaangat dahil nasa ibang bansa ang kanyang dalawang anak. Alam mo na nagpadala ang anak niya kapag may videoke, disco ball at inuman sa tapat ng bahay niya. Ayan, tuwang-tuwa na naman ang mga tambay.

Liliko na sana ako sa kanan para doon na lang dumaan dahil ayokong masabit sa kasiyahan nila. Marami pa akong gagawin at tinatamad ako na makisalamuha sa mga tao ngayon ngunit saktong pagliko ko ay nakita ko ang tatlong bata. Sina Baste, Amy, at Jojo. Mga makukulit na bata na akala mo naman ay ako ang nagluwal para inisin ako tuwing nakikita nila ako.

“Uy! Si Ate Mimi!” sabi ni Amy.

“Ate Mimi! Tamang-tama! Nandyan ka na!” si Jojo. “Sabi na, e. Alam ko oras ng pag-uwi mo.”

“O, bakit? Anong meron?” Medyo masungit na sabi ko.

“Hinahanap ka ni Aling Myrna.” Humawak si Baste doon sa may bike ko kaya muntik na ako mawalan ng balanse. “Tara na, dali! Kanta ka na.”

“Oo, nilagay na namin iyong mga paborito mong kantahin sa videoke tapos shot na raw.”

“Anong shot na?” Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Jojo. “Oy, Jojo! Ang bata bata mo pa. Otso ka pa lang tapos shot shot.”

“Bakit? Naririnig ko sila tapos si Tatay sabi shot daw. Pinatikim nga ako ni Tatay ng alak noong isang araw. Ayos naman lasa. Gusto ko pa nga—aray! Ate Mimi naman. Nambabatok.”

Gusto talaga nitong mga batang ito ay minumura ko sila. Hindi man ako ganun kahilig sa mga makukulit na bata ay may puso pa rin naman ako. Kahit na badtrip tong tatlong ito ay may concern pa rin ako lalo na’t puro tambay ang mga ama nila.

“Sinabi ko na nga na huwag iinom, ‘di ba?” Bumaba ako sa bike tapos sinermunan itong si Jojo. “Ang kulit.”

“Ate, alam mo naman na sasaktan ako ni Tatay kapag hindi ako sumunod,” sagot niya.

Natahimik ako. Bwisit! Gagawa ng bata tapos hindi naman aalagaan nang mabuti. Mga walang kwenta! Kaya ayoko rin magkaroon ng anak kasi alam ko naman na hindi ko maaalagaan. Wala akong pasensya sa bata tapos alam ko sa sarili ko na hindi ako magiging mabuting ina. Mabuting tao nga hindi ko pa magawa, nanay pa kaya.

“Okay, sige. Pero sa susunod kapag alam na umiinom ang Tatay, huwag na kayong pakalat-kalat sa paningin nila, pwede?” paalala ko. “Siya, tara na nga.” Napilitan na sabi ko. “Anong pagkain nila Aling Myrna?”

“Marami,” sabi ni Amy. “May cake nga sila! Hinihintay ko na magbigay si Aling Myrna kaso ayaw naman. Ang damot. Display lang yata cake nila para mang-inggit.”

“Huwag ka na manghingi kay Aling Myrna. Di bale, kapag sumahod ako ay bibilhin ko kayo ng cake,” ani ko habang papunta na kami sa bahay ni Aling Myrna.

“Yehey! Promise, Ate Mimi?” Nagliwanag ang mukha niya sabay talon.

“Oo. Teka—” Hinatak ko ang braso niya. “Ano na namang nangyari dito? Bakit may pasa ka?”

“Uh, na–nadapa ako, Ate,” sagot niya.

Tumingin ako kay Baste at Jojo. “Nadapa ba talaga?”

Hindi sila makasagot kaya alam kong nasaktan na naman ng nanay niya si Amy. Asar! Gusto ko na i-report lahat ng tao dito sa baryo para sa mga katarantaduhan na ginagawa nila pero hindi ko naman magawa. Alam kong malaking gulo rin kapag nagkataon tapos wala naman ako sa posisyon para makialam.

CASA VALLE #2: Caught by DaybreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon