Chapter 7

657 11 0
                                    

CHAPTER SEVEN

SUNUD-SUNOD ang pagtambol ng dibdib ni Madeline nang takbuhin ang bintana sa harapan ng bahay at hinawi ang kurtina. Natanaw pa niya ang pagtalon ni Keith mula sa convertible nito at pagkatapos ay umikot sa passenger seat at inabot ang isang pamilyar na duffel bag sa passenger seat.
Hinintay niya ang pagpasok nito sa gate at saka siya lumabas sa may pinto at may pananabik na sinalubong ito.
"Hi," bati nito.
"H-hi." Isang alanganing ngiti ang pinakawalan niya. Nakita niyang may gasa ang ilong nito.
Tuluy-tuloy ito sa loob ng bahay. Sumunod siya at muling binalikan ang puwesto sa may tapat ng bintana.
"I brought your duffel bag." Inilapag nito iyon sa sahig. "Galing ako sa inyo at wala ka roon."
"Hindi pa ako natatagalang dumating," she said. "It's been months since I last came here. I missed the place." Tumingala siya at inikot ng paningin ang kabuoan ng bahay.
Tumango ito. "Me, too." Lumakad ito patungo sa tabi niya at sumandal sa pasimano.
"Bakit ka nagpunta sa bahay? Wala roon si Lotti. Makapananghali ay umalis na siya. Akala ko nga'y magkasama kayo." She struggled for casualness. Na hindi niya kailanman nararamdaman sa tuwing si Keith at si Lotti ang napag-uusapan.
"Ikaw ang sadya ko, Maddy. Hindi si Lotti. Gusto kitang kumustahin. At para isauli na rin ang bag mo. Nakita ko iyon sa lupa pero hindi ko na naihabol sa iyo."
Hindi na niya naisip iyon nang tumakbo siya bagaman nitong nakaraang araw ay sumagi sa isip niya kung ano na ang nangyari sa mga gamit niya. Natitiyak niyang nasa loob na rin ng bag niya ang dalawang librong bitbit niya nang gabing iyon.
"S-salamat, Keith. Kung... kung hindi mo kami nakita ay baka napahamak na ako..." Her voice broke.
Nag-init ang sulok ng mga mata niya nang muling pumasok sa isip ang nangyari. She hated herself for it. Hindi siya crying baby. Kung may mga suliranin mang dumarating sa murang edad niya'y tinatawanan lang niya. Pero ang muntik nang mangyari sa kanya'y hindi niya makuhang bale-walain lalo at sa mga mata ng iilang estudyante ay siya ang may kasalanan.
They started to brand her as a tease. May mga estudyanteng lalaking inuuyam siya dahil doon. At mas masakit isiping ang nagpasimula ng ganoong usapan ay ang pinsang si Lotti. Ang mga taong higit siyang kilala ang hindi naniniwala sa mga bulung-bulungang ikinakalat ni Lotti.
"They are the ones that mattered, Madeline..." Iyon ang sabi ni Molly sa kanya. Sapat upang muling bumalik ang tiwala niya sa sarili.
Umiwas siya ng tingin at nilingon ang mga halaman sa labas ng bintana. Nagpangyari iyon upang hindi sinasadyang maihantad niya sa paningin ni Keith ang kabilang pisngi niya. Nangingitim na ang bahaging sinampal ni Dante.
Sa pagkagitla niya'y inabot ni Keith ang mukha niya at iniharap dito. Kapagkuwa'y sunud-sunod na litanya ng pagmumura ang lumabas sa bibig nito. For a moment, Madeline marveled at the creativity of the invectives. The bad boy was very good at it.
May ilang sandaling pinalipas ni Keith ang galit bago nito hinawakan ang mukha niya at sinipat ang nangingitim niyang pisngi.
"Ginawa ni Dante sa iyo ito?"
Napatango siya. "N-nang magpumiglas ako at tumangging sumakay sa owner niya. Ipinagpapasalamat kong iyan lang ang nangyari sa akin, Keith."
Again, Keith muttered a series of invectives. Nakita niyang nag-igting ang mga bagang nito at ilang beses humugot ng hininga. Itinukod ni Keith ang isang braso sa hamba ng bintana at ang isa'y sa pasimano. Nakulong siya sa loob ng mga bisig nito.
"Inihihingi ko ng paumanhin ang nangyari sa iyo, Maddy..." Tila ito may sipon kung magsalita. Dala marahil ng nangyari sa ilong nito.
"Hindi mo kasalanan ang ginawa ni Dante, Keith."
"Anak siya ng stepmother ko. Pamilya na rin. But if it's of any consolation, nasa ospital pa rin hanggang ngayon si Dante."
Wala sa loob na tumaas ang kanang kamay niya at dinama ang gasa sa ilong nito. Napangiwi si Keith. Agad niyang binawi ang kamay.
"I... I am sorry. It must have hurt so much. Nakita ko nang suntukin ka niya. Hindi ko inakalang sa ilong ka tinamaan."
He twitched his lips in a wry smile. "Bale-wala iyan sa inabot niya sa akin. Cracked ribs, broken nose, black eye, he'd lost a tooth, musarga ang nguso, at kasalukuyang ini-scan for internal damages."
Napangiwi si Madeline. "Hindi ko gustong matuwa sa nangyari sa kanya pero hindi ko kayang isipin kung—"
"Kalimutan mo na iyon, Madeline," he said, may bahid ng galit ang tinig. "Ipagpasalamat nating hindi niya nagawa ang binalak niyang gawin."
Tumango siya at pagkatapos ay tumingin dito. "Thanks to you. Pero hindi ko naiintindihan kung bakit pinatakbo mo ako palayo sa lugar na iyon. I could have told them the truth."
Keith sighed deeply. "Kung inabutan ka ng mga tao at mga pulis doon ay hindi mo kakayanin ang maraming tanong nila sa iyo. Tila ka insekto sa ilalim ng microscope. Mapapabalita ka sa buong SIC at sa buong bayan dahil malalagay ka sa tabloid."
Nanghilakbot siya sa eksenang ipinipinta nito sa isip niya. "But you took the blame again. Natitiyak kong ikaw na naman ang may kasalanan sa nangyari!"
He gave her that heart-melting lopsided smile. "I can take care of myself, sweetheart. Masyado ka pang bata para pakiharapan ang maraming usisa at tanong ng mga tao. At karaniwan na ang mga tao'y gumagawa ng sarili nilang opinyon at mabilis na humuhusga. Mapapahiya ka dahil hindi aaminin ni Dante ang binalak niyang gawin sa iyo...
"Na naroroon ka dahil gusto mo, iyon ang litanya niya kay Leticia at sa lahat ng taong nakakausap niya. At tetestigo si Jeff na ako ang nagpasimuno ng gulo. And knowing my reputation in this town and my obvious dislike for my stepbrother, nobody will ever believe our side of the story. I don't care much what they say about me. Ikaw ang inaalala ko."
Napatango siya nang marahan. Naiintindihan niya. Ang sarili niyang pinsan ay siya ang sinisi sa pangyayari. Ang lola niya na bata pa siya'y kilala na ang buong pagkatao niya'y pinagdududahan siya. Lahat ng iyon ay dahil lang sa umano'y batik na iniwan ng inay niya maraming taon na ang nakaraan. Na kung tutuusin ay hindi niya matiyak kung may katotohanan o wala.
"Ayokong ikaw na naman ang masisisi—"
Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil tumawa ito. Pagkatapos ay bumaba ang isang kamay nito mula sa hamba ng bintana, then he ruffled her hair, na tila siya isang bata.
"I always love to be your hero, sweetheart."
There was that certain gentleness in his tone that made her heart swell and her eyes sting.
"At least, sa iyo man lang ay iyon ang papel ko," idinagdag nito.
You will always be my hero, Keith... she wanted to say but didn't have the courage. Instead, she blinked back her tears, tumanaw sa bintana upang hindi nito mapuna iyon.
He fingered her shawl. "Hey, this is nice. I've never seen you wear this shawl before."
Tipid siyang ngumiti. "Sa inay ko raw ito, sabi ni Itay noong nabubuhay pa. Kinuha ko mula sa lumang taguan ng mga gamit nila ni Itay." Pinigil niya ang sariling sabihing kailangan niya ng gamit ng magulang para kahit paano ay makadama siya na hindi siya nag-iisa. That it was like having her mother's arms around her.
"Wear that shawl often. Nang nakadamit, tulad ngayon." Hinagod siya nito ng tingin. Hindi siya naka-jeans at sa halip ay naka-puting cotton blouse na natatakpan ng balabal, at bulaklaking cullotes.
Sinuri nito ng tingin ang tirintas niya. Ilang hibla ng buhok ang kumawala sa pagkakatirintas na inilipad ng malakas na hangin kanina. Keith softly fingered the locks of hair.
"Kahit ang pagkakatirintas mo'y bumagay sa ayos mo. You look like a lady from the forties or fifties, Maddy. Very classic."
"Pero sana'y kasingganda ako ni Lotti." Huli na para bawiin niya ang sinabi.
Keith frowned. His eyes studied her face for a moment, then, "May sarili kang ganda, Madeline," he said with conviction, na para bang gustong itatak sa isip niya ang katotohanang iyon at dapat niyang paniwalaan. "Walang paghahambing na kailangan. You have a serene beauty. Gandang hindi mo pagsasawaang titigan."
She cleared her throat, suddenly feeling self-conscious. Tumingin siya sa labas ng bintana. "It's... getting dark, Keith. Gusto ko nang umuwi."
"Madeline."
"W-what?"
May maikling sandaling naghinang ang mga mata nila. It was Keith who broke eye contact first. Sighed. "Let's go," he said. Pagkatapos ay inakbayan siya nito at inakay palabas, closing the door behind them.
Sa landing sa itaas, sa may barandilya ay naroon ang hardinero at si Lilac.
"Sa palagay mo ba, mahal ko, mabibigo tayo?" wika ni Lilac sa malungkot at nag-aalalang tinig.
"Sana'y hindi, mahal ko. Kung magagawan ko ng paraan ay gagawin ko. Pero hindi natin hawak ang mga pangyayaring dumarating."
ALAS-SAIS ng hapon at katatapos lang niyang magluto para sa hapunan. Wala si Lotti at malamang na hahatinggabihin na naman ng uwi. Walang kontrol ang lola niya sa pinsan niya at hindi na sinusubukan ng abuela niya na alamin pa kung saan-saan ito nagpupunta at hinahayaan na lang sa gustong mangyari.
Dala ang notebook para mag-review sa exam nila sa susunod na araw ay nagtungo siya sa swing sa may gilid ng bahay nila. Bagaman kaharap ng gate nila ang bahaging iyon ng swing ay hindi agad mapupuna kung may tao roon lalo kung papadilim na dahil natatakpan iyon ng malalagong puno ng gumamela at ng kung anu-ano pang matatandang halaman.
Hindi pa siya natatagalang maupo sa swing nang marinig niya ang pagparada ng Camaro ni Keith sa tapat ng bakuran nila. Mula sa siwang ng mga malalagong halamanan ay nakita niyang tila nagpapaligsahan sa pagbaba sina Keith at Lotti mula sa sasakyan. Si Lotti ay nagmamadaling makapasok sa gate.
Akma nitong isasara ang gate na kawayan nang abutan ni Keith at marahas na itulak iyon. Hinawakan nito sa braso si Lotti at sapilitang iniharap.
"Dammit, Lotti!" sigaw ni Keith dito. "Hindi ka man lang ba magpapaliwanag sa akin?"
Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na narinig niyang sinigawan ni Keith si Lotti sa loob ng anim na buwang pagiging magnobyo ng mga ito.
"Ano ang gusto mong marinig, Keith?"
"The decency of breaking it up with me before jumping to bed with another man!" he said angrily. Subalit bago makasagot si Lotti ay dinugtungan ni Keith ang sinabi. "Kunsabagay, anong decency ang hahanapin ko sa iyo? You are nothing but a cheap whore in a student's uniform!"
Umangat ang kamay ni Lotti para sampalin ito subalit naagapan iyon ni Keith. "At si Dante pa ang napili mong patulan? Kailan n'yo pa ako niloloko, Lotti?"
Bahagyang umatras si Lotti at nakita ni Madeline ang takot sa mukha nito. Marahil dahil totoong galit si Keith at kinakabahan itong baka kung ano ang gawin nito rito. Though she didn't believe for one moment that Keith was capable of hurting Lotti or any woman for that matter.
"Hindi mo ako masisisi!" ganti ni Lotti na sinisikap maging matapang. "Responsable si Dante at nakahanda akong pakasalan."
"Well, that's a relief," he said, his voice a mixture of anger and insult. "At least, may sense of responsibility naman pala si Dante."
"May trabaho si Dante. And he's—!"
"Trabaho?" Puno ng pang-uuyam ito. "Ipinagma-malaki mo ba sa akin ang trabaho ni Dante sa feed store na pag-aari ng aking ama?"
"Sinabi sa akin ni Dante na sa malaon at madali'y itataboy ka ng papa mo palabas ng bahay ninyo, Keith, dahil sa mga patung-patong mong kalokohan at kahihiyang idinulot sa pamilya ninyo. Your father will disinherit you! Sinabi mismo ni Dante sa akin iyon!"
May ilang sandaling manghang nakatitig si Keith kay Lotti. Disbelief on his face. Kapagkuwa'y isang halakhak ang umalingawngaw sa kadiliman ng gabi.
"My god, Lotti! You are showing your true color," ani Keith makaraan ang ilang sandaling pagtawa. "Pinaniwala ka ni Dante na itataboy ako ng aking ama? Na hindi ako pamamanahan?"
"Dahil iyon ang totoo! Ang ginawa mong pambubugbog kay Dante was the last straw. Hiyang-hiya ang papa mo sa mga tao na ang sarili niyang anak ay hindi niya madisiplina!"
"Not that I care about the inheritance," he said. "Pero nakakaawa ka." Umiling ito at muling bumalik ang galit sa mga mata. "Sinasabi ni Dante iyon upang mabaling ang atensiyon mo sa kanya. To get back at me! Gusto niyang gantihan ako sa pamamagitan mo dahil sa ginawa kong pambubugbog sa kanya."
"You're wrong, Keith. Dante loves me!"
"Yeah." He smirked. "I really wish he does, Lotti. For your sake. Bagay naman kayong dalawa." Tumalikod na ito at bumalik sa kotse nang huminto ito bago sumakay at nilingon ang ex-girlfriend. "Next time na may sabihin si Dante sa iyo ay tiyakin mong totoo. You just made a huge blunder, my dear."
MAY ILANG sandali nang nakaalis ang sasakyan ni Keith ay nanatiling nakatayo roon si Lotti. Then she turned and walked towards the house. Kung napuna siya nito o alam nitong kanina pa siya naroroon ay hindi matiyak ni Madeline. Huminto ito sa tapat ng swing at pinanlisikan siya ng mga mata.
"Kahit kailan ay lagi ka na lang nanunubok sa amin, Madeline!"
"Kanina pa ako rito, Lotti," she said defensively.
"Hindi ka dapat nakinig nang marinig mong nagtatalo kami! Umalis ka na lang dapat! Pero dahil may gusto ka kay Keith kaya ka nakinig!"
Napasinghap siya sa sinabi ni Lotti. "H-hindi totoo iyan..."
Isang ismid ang pinakawalan nito. "Huwag ka nang magkaila! Kahit bulag ay alam ang damdamin mo. Kitang-kita diyan sa pagmumukha mo sa tuwing tititigan mo si Keith! Ilusyunada ka, Madeline. Kahit break na kami'y hindi mapapasaiyo si Keith!"
"Hindi ka man lang ba nag-aalalang muling magpang-abot ang dalawa, Lotti? Na baka magkasakitan silang muli?"
"And of course, you are worried for Keith?" Lotti taunted. "And you should be, my dear Miss Goody-Two-Shoes. Dahil sa pagkakataong ito'y nakahanda si Dante at ang ilang kaibigan niya!"
Bago pa siya may maisagot ay padabog nang pumasok si Lotti sa kabahayan. Napapitlag pa siya sa lakas ng pagkakahampas ng pinto pasara.
Kapagkuwa'y natuon sa maaaring paghaharap nina Keith at Dante ang isip niya. Pinagtaksilan ni Lotti si Keith at natural lang na masaktan at maghimagsik ang damdamin ni Keith. At dahil lamang sa pride kaya mas idinaan nito sa galit ang sakit ng damdamin.
Ganoon na lamang ang kaba ni Madeline. Hindi siya mapalagay. Natatakot siya na muling magpang-abot sina Keith at Dante. Dahil kahit siya man ang nasa kalagayan ni Keith ay gayon ang kanyang gagawin. Wala pang dalawang buwan mula nang mangyari ang away ng dalawa dahil sa kanya. At dahil hindi pa halos nakakabawi si Dante sa pinsalang tinamo nito ay tiyak na may mga kasama ito at nakahanda kay Keith tulad ng sinabi ni Lotti.
"Ano ang gagawin ko?" tanong niya sa kadiliman.

Someone To Watch Over Me - Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon