Chapter 5

616 12 0
                                    

CHAPTER FIVE

INABOT na si Madeline ng gabi sa daan. Kung bakit naman kasi kapag ganitong labasan ng panggabing klase sa SIC ay punuang lahat ang tricycle. Habang tumutulong siyang magligpit ng mga bagong dating na mga paninda sa canteen para bukas ay hinunta pa ba naman siya ng canteen concessionaire. Tuloy ay nawaglit sa isip niya ang oras.
Kaya heto at wala pang kinse minuto siyang nahuli sa paglabas sa compound ay malaking bagay na. Napabuntong-hininga siya. Kung sana'y katulad siya ng pinsang si Lotti na full-time student. Wala naman siyang reklamo sa pagiging working student niya, ang hindi lang niya gusto ay iyong ginagabi siya nang ganito paminsan-minsan sa pag-uwi niya.
Nang magsimula siyang magkolehiyo ay nagpasaring na rin sa kanya si Lola Benita na wala na halos kinikita ang pagtitinda ng kakanin nito sa palengke dahil na rin sa nagsulputang mga kakompetensiya. Kaya naman minabuti niyang pagkatapos ng klase niya ay magtrabaho sa main canteen ng SIC bilang tindera at kahera na rin.
Ang trabaho niya'y mula alas-singko ng hapon hanggang alas-otso y media ng gabi. Katunayan ay hanggang alas-siete y media lang naman ang canteen pero tumutulong pa siyang magligpit ng mga paninda at maglinis na rin. At kahit paano ay hindi na siya mapapasaringan ni Lola Benita dahil part-time scholar siya at kung pama-pamasahe at gastos sa project niya ay hindi na siya humihingi rito.
Binilisan niya ang lakad sa wala nang taong kalye. Kailangan niyang makarating sa main road para doon mag-abang ng jeepney pauwi sa kanila. May kadiliman na sa bahaging iyon ng daan dahil ang poste ng ilaw ay hanggang sa may gate lang ng SIC.
Sandali siyang nagmabagal nang sa may luma at hindi na ginagamit na waiting shed ay may natanaw siyang dalawang lalaki na nakasandal sa poste. Kumikislap sa dilim ang sigarilyo ng mga ito. Marahil ay mga estudyante at naglakad-lakad hanggang sa waiting shed sa pag-aabang din ng tricycle.
Nilakasan niya ang loob at nagpatuloy sa paglakad. Naisin man niyang tumawid sa kabilang bahagi ng daan ay hindi niya magawa dahil higit na madilim sa kabila at puro talahib ang bahaging iyon.
"Hey!" tawag ng isa sa kanya nang nasa tapat na siya ng mga ito. "Aba, at ang pinsan pala ni Lotti," dugtong nito nang makilala siya. Pinitik nito sa dilim ang upos ng sigarilyo kasabay ng pag-angat ng likod nito mula sa kinasasandalang poste. Lumapit ito sa kanya.
Kung kilala siya ng isa sa dalawa ay malamang na kakilala rin niya. Nakahinga siya nang maluwag lalo na nang makitang ang isang lalaking nanatiling nakasandal ay estudyante rin sa SIC kung ang pagbabasehan ay ang puting polo shirt na suot. At nang aninagin niya ang mas mataas na lumalapit sa kanya ay nakilala niyang si Dante. Keith's stepmother's son.
Sa pagkakaalam niya'y nagtatrabaho ito sa isa mga tindahan ng poultry supply ng mga Montecillo. Hindi nga lang niya matiyak kung ano ang ginagawa nito sa lugar na iyon kasama ang isang estudyante.
"H-hi..." aniya. Hindi sila magkaibigan subalit kilala niya ito at ganoon din ito sa kanya.
Una, dahil anak ito ng asawang kauli ng mayor sa bayan nila; Pangalawa, dahil guwapo ito at nababalitang palikero na malimit ikagalit ng ina nito at sinusugod ang sino mang babaeng napapaugnay rito; Pangatlo, mayabang at arogante ang lalaki; Pang-apat, nakita na niyang minsang inihatid nito si Lotti sa bahay nila.
"Nagmamadali ka ba?" ani Dante sabay hawak sa braso niya na ikinasinghap niya. "Huntahan muna tayo."
Napalinga siya sa paligid. Walang tao ang kalye dahil pasado alas-nueve na ng gabi. Kung may mangilan-ngilan mang tricycle na nagdadaan ay mabibilis ang takbo at may mga pasaherong sakay hanggang sa likod ng driver.
"G-gabi na. Tiyak na hinahanap na ako ni Lola. M-mahirap kasing sumakay." Pilit niyang binabawi ang braso subalit humigpit ang pagkakahawak ni Dante roon.
"Ano ka ba naman, Dante," wika ng kasama nitong estudyante na tumawa. "Sa dami ng nahuhumaling sa iyong babae, pati ba naman bata'y gusto mong patulan."
Nakangising nilingon nito ang kasama, nakahawak pa rin sa braso niya nang mahigpit at nasasaktan na siya. "Hindi pa ako nakakatikim ng spring chicken, pare. At may hitsura ang batang ito. Kahit payat ay may korte ang katawan. Nakakasawa na ang matanda."
"Bitiwan mo nga ako, Dante!"
"Jamming lang tayo sandali, Madeline," anyaya nito.
"Ayoko, Dante. Hahanapin ako ni Lola." Muli siyang luminga sa paligid, umaasang may darating na sasakyan. Kahit na tricycle na may laman ay paparahin niyang talaga upang kuhanin ang atensiyon.
"Huwag ka ngang pakipot, Madeline. Kung hindi ko pa alam na halos lumuwa iyang mga mata mo sa pagtitig sa akin nang minsang ihatid ko ang pinsan mo sa bahay ng lola ninyo!"
"Kaya kita tinitigan ay dahil inihatid mo ang girlfriend ng kapatid mo!"
"Kapatid?" Humalakhak ito, patuya. "Alam mong hindi kami magkadugo, Madeline." Hinila siya nito patungo sa owner-type jeep nito na nakaparada ilang dipa mula sa waiting shed. Noon lang niya napansin ang sasakyan nito.
"Dante, ano ba! Sisigaw ako!"
"Di sumigaw ka. Kung may makaririnig sa iyo." Sinundan nito ang sinabi ng halakhak.
"Ayokong sumabit, pare," wika ng kasama nito sa kinakabahang tinig. "Ayoko ng ganyan. Sibat na ako. Bahala ka diyan." Pagkasabi niyon ay tumalikod ang lalaki.
"Huwag mo akong iwan, please!" sigaw ni Madeline. "Tulungan mo ako!" Subalit tila walang narinig ang kasamahan ni Dante at tuluyan nang nawala sa dilim.
Nagpumiglas si Madeline na nilukuban na ng takot. Isang sampal ang ibinigay sa kanya ni Dante nang sumigaw siya at pagkatapos ay kinaladkad patungo sa sa owner-type jeep. Inubos niya ang lakas upang hindi siya nito maisakay. Kinalmot niya ito sa mukha sabay tadyak sa binti nito.
"'Tang 'na kang babae ka!" Tumaas ang kamay nito at marahil ay upang undayan siya ng suntok nang mula sa kung saan ay tumama sa kanila ang nakasisilaw na liwanag ng dumarating na sasakyan. Napalingon doon si Dante.
"Sumakay ka kung ayaw mong masaktan!" banta nito.
NAKADAMA ng pag-asa si Madeline nang makita ang paparating na sasakyan. Desperately, nagpakawala siya ng isang malakas na sigaw at sadyang iniharap ang sarili sa sasakyan at itinaas ang mga kamay at kumaway-kaway. Kung sino man ang driver niyon ay natitiyak niyang makikita nito ang takot sa mukha niya dahil natutuunan sila ng liwanag mula sa headlights ng sasakyan nito.
Subalit mabilis ang takbo ng sasakyan at lumampas iyon sa kanila. Nanlumong napahagulhol siya ng iyak kasabay ng paglukob ng takot sa dibdib niya.
Isang imbing tawa ang pinakawalan ni Dante. "Masasaktan ka lang, Madeline. Sakay na. I feel so horny. Sawang-sawa na ako sa matandang inahin. Kailangan ko ng batang tulad mo!"
She wouldn't be raped by this monster. Mamamatay na muna siya bago... Nawala ang kung ano mang dinadaloy ng isip niya nang marinig ang malakas na ingit ng gulong sa unahan ng kalsada. Halos mabali ang leeg niya sa marahas niyang paglingon sa unahan.
Huminto ang sasakyan! At ilang sandali pa'y humahagibis iyong umatras pabalik sa kanila.
Tuluy-tuloy sa mabilis na pag-atras ang sasakyan at huminto sa gilid ng daan at sa mismong tapat nila.
"Anak ng...!" pagmumura ni Dante at muli siyang hinatak patungo sa passenger side ng owner jeep. "Pasok, Madeline!"
Ang pag-asang naramdaman ay nagbigay kay Madeline ng panibagong lakas at marahas na nagpumiglas at pinakawalan ang sarili. Sa kabila ng dilim ay pamilyar sa paningin niya ang convertible gold Chevy Camaro. Ni hindi pinatay ng driver ang makina ng kotse at hindi rin binuksan ang pinto. Sa halip ay patalon itong bumaba.
It was Keith!
"Sabi ko na nga ba't ikaw, Dante." Sinulyapan nito si Madeline bago ibinalik ang naniningkit na mga mata kay Dante. "Pati bata'y hindi mo pinapatawad."
"Huwag kang makialam dito, Keith!"
Tumakbo siya palapit kay Keith. "Huwag mo akong iwan!" she cried, nangingibabaw ang panic at takot sa tinig niya. "Pilit niya akong isinasakay sa jeep niya!"
"Sinungaling!" singhal ni Dante sa kanya. "Ikaw itong halos parang tuko kung yumakap sa akin at kahit dito sa dilim ay gusto mong—"
Hindi natapos ni Dante ang sasabihin dahil isang suntok ang tumama sa mukha nito mula sa kamao ni Keith.
Sindak na napaatras sa kotse si Madeline at tila kandilang nauupos na napatalungko sa gilid niyon at humagulhol ng iyak. Sa harap niya'y nagpambuno ang dalawa. Isang suntok ni Dante ang tumama sa mukha ni Keith na ikinasigaw niya. She started screaming hysterically.
Hindi na niya nakitang minsan lang tumama si Dante at nalugmok na ito sa sunud-sunod na suntok at sipa ni Keith dito. Nang mag-angat siya ng mukha'y nakita niyang gulapay nang nakahandusay sa lupa si Dante pero inuundayan pa rin ni Keith. Napatayo siya bigla at tinakbo ang dalawa.
Inubos niya ang lakas para awatin ang muling pagbaba ng braso nito. "Tama na, Keith! Tama na! Baka mapatay mo siya!"
Natigilan si Keith, tila nahimasmasan. "Get out of this place, Madeline. Malapit na lang ang main road at tumakbo ka roon. May mga pampasaherong jeep doon!" Humihingal nitong sabi. "Lakad na!"
"P-pero paano ka?" pahikbing tanong niya.
"Huwag mo akong intindihin. Now, run!"
Napilitan siyang bitiwan ang braso nito at lakad-takbo ang ginawa patungo sa main road.
"KEITH, what happened?" bulalas ni Juano Montecillo matapos nitong hawiin ang kurtina sa ER at makitang nakaupo siya sa gurney at naroroon ang doktor at dalawang nurse na nilalagyan ng benda ang ilong niya.
"Good evening, Mayor," bati ng doktor na sinundan ng mahina at ganoon ding bati mula sa dalawang nurse.
"Matagal pa ba iyan?" Keith asked the nurses insolently. Tinitiis ang sakit ng ilong niya. Ni hindi niya tinapunan ng tingin ang ama.
"Ano ang nangyari sa ilong ni Keith, Doc?" baling ni Juano sa doktor nang makitang wala siyang balak na sagutin ito.
"A slight broken nose. But nothing that will not heal nicely in time. At mapapadali ang paggaling kung hindi mo gagalawin, Keith." Seryoso ang tinig ng doktor nang sabihin nito ang huling salita at tinitigan siya.
"How long will I have this damn thing on my nose?" he asked rudely.
"At least for a week. Bumalik ka rito makalipas ang tatlong araw at titingnan ko." Kapagkuwa'y kinuha nito ang reseta na ipinatong nito sa isang mesa sa loob ng ER at iniabot kay Juano Montecillo. But he grabbed it from the doctor's hand and rammed it in his pants' pocket.
Nanlulumong napatingin sa kanya ang ama. Ang doktor ay nagbuntong-hininga. "Ang una'y antibiotics, Keith, na kailangan mong inumin tatlong beses maghapon. Ang ikalawa'y pain reliever. Kapag nakaramdam ka ng sakit ay uminom ka niyan."
"Am I done?" tanong niya sa nurse na kasalukuyang tinatapos ang ginagawa sa ilong niya. Kasabay niyon ay muling bumukas ang kurtina sa ER at iniluwa si Leticia.
"Ano ang ginawa mo sa anak ko?!" hiyaw nito at sinugod siya at akmang sasampalin subalit naagapan niya ang kamay nito at marahas na ibinalya. Muntik nang matumba si Leticia kung wala ang nurse na umalalay sa braso nito.
"I have never hurt a woman in my whole life, Leticia!" he said furiously. "Kung saka-sakali ay ikaw ang una. Huwag mo akong bigyan ng kasiyahang gawin sa iyo iyon!"
Leticia gasped. May takot na gumuhit sa mga mata at nilingon ang asawa. "Binastos ako ng anak mo, Juano. Hindi mo man lang ba pagsasabihan?"
"Gusto mo siyang sugurin at saktan, Leticia," ani Juano na nagbuntong-hininga. "Inawat ka lang niya."
"Muntik na niyang mapatay si Dante!" she shrieked hysterically. "Ano ang ginawa mo kay Dante, walanghiya ka?"
"Your precious son tried to rape a girl." Parehong napasinghap ang doktor, nurse, at si Juano Montecillo. "Kung hindi ako napadaan ay baka kung ano na ang nangyari..."
"That girl was a slut! Ang sabi ni Dante ay talagang sasama sa kanya ang babaeng iyon kung hindi ka dumating at basta na lang nanakit!"
Hindi makapaniwala si Keith sa kontrol na nagawa niya sa mga sandaling iyon. "I'll forgive you one time, Leticia..." His voice held warning and menace. "Say another word against Madeline and I won't be responsible for what I will do to you!"
"Madeline?" usal ni Juano. "Ang anak ba ni Lucila Ocampo ang tinutukoy mo, Keith?"
Nilingon niya ang ama sa naniningkit na mga mata. "Yes, Papa. Paniniwalaan mo bang kayang gawin ni Madeline ang sinasabi ng mag-inang iyan?" Naghahamon ang tinig niya.
Nilingon ni Juano ang asawa. "Kilala namin si Maddy mula pagkabata, Leticia. She is my wife's favorite pupil when—"
Hindi pinatapos ni Leticia ang sinasabi ng asawa. "Wife?" She was furious. "Ako ang asawa mo, Juano. Baka nakakalimutan mo. At iyang anak mo'y wala nang ginawa kundi kahihiyan ang dulot sa atin! Hindi mo ba kayang disiplinahin iyan? Muntik na niyang mapatay si Dante!"
"And tell your son never to come near Madeline again, Leticia. At baka hindi lang iyon ang abutin niya sa akin! And believe me, I will enjoy doing it to him."
"Juano..." ani Leticia sa ama niya. Sa pagkakataong iyon ay gumamit ng nagsusumamong tinig at nagmama-kaawang mga mata.
Keith felt sick and glared at his father hatefully. Hinawi niya ang kamay ng nurse at tumayo mula sa gurney. Hinablot ang jacket niya at padabog na lumabas ng ER.
"Keith, hijo," tawag ni Juano.
Hindi siya lumingon at tuluy-tuloy sa paglabas.

Someone To Watch Over Me - Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon