CHAPTER ONE
Lumilipad ang isip ni Ariana Villaroel habang inaayusan siya ng limang katao. Dalawang oras na lamang at ikakasal na siya. Kung may paraan lang sana ay pahihintuin niya ang oras para hindi na niya kailangang maglakad sa altar kasama ng isang lalaking hindi niya kayang mahalin.
"'Ayan," sabi ng makeup artist pagkatapos nitong mailagay ang belo sa kanyang ulo. "Tayo ka. Let's see how you look."
Tumayo siya at tiningnan ang sarili sa kaharap niyang lifesize mirror. Nakapusod ang kanyang buhok sa likod ng kanyang ulo na lalong nag-emphasize sa hugis-puso niyang mukha. Dahil sa mascara ay mas kumapal ang mahahaba niyang pilik sa paligid ng kulay kape niyang mga mata. Maputi ang kanyang kutis na minana niya sa mestiza niyang ina kaya bumagay sa kanya ang pink lipstick. Sa ganoong anyo ay nagmukha siyang mas bata sa edad niyang twenty-four.
"Ikaw ang pinakamagandang bride na nakita ko," ani Benita na lumapit sa tabi niya. Naluluha ito sa ligaya habang pinagmamasdan ang kanyang mukha. "Kung buhay pa siguro ang mama mo, siguradong proud na proud siya sa 'yo."
Pinilit niyang ngumiti at niyakap ang yaya niyang mula pa noong magkamalay siya ay lagi nang umaalalay sa kanya. Nang mamatay ang kanyang ina noong siya ay doce años pa lamang ay ito na ang tumayo niyang ina, kahit nang muling mag-asawa ang kanyang ama.
Chief of police ang pinanghahawakang tungkulin ng kanyang ama kaya madalang niya itong makita. Ang stepmother naman niya ay isang kagalang-galang at magaling na abogado. Sa dami ng mga kliyente nitong matataas na mga tao ay halos hatinggabi na ito umuuwi.
Ganunpaman, si Benita ang pumuno sa pagkukulang ng mga magulang sa kanya at sa pitong taong gulang niyang kapatid sa ama na si Abby, at maging sa mga stepsisters niyang sina Lea at Veronica. Ang huli na mas matanda sa kanya ng limang taon ay sinundan ang yapak ng kanilang ina at nakapagtapos din ng abogasya. Isang abogado rin ang napangasawa nito at sa kasalukuyan ay mayroon nang dalawang taong gulang na anak na babae.
Noong isang taon lamang ay nag-top si Lea sa board exam para maging ganap na physician. Isang magarbong pagdiriwang ang inihandog ng kanilang mga magulang sa tagumpay na iyon na dinaluhan pa ng ilang mga kilalang politiko. Balita niya ay nililigawan daw ito ng anak ng congressman.
Dahilan ang mga iyon para ma-pressure si Ariana sa katayuan niya. Simula't sapul ay wala na siyang narinig sa mga tao kundi ang pagkukumpara sa kanya at sa kanyang mga stepsisters. Hindi siya bobo. Sa katunayan ay Dean's Lister siyang nakapagtapos ng Architecture, subalit hindi raw iyon sapat para ma-impress ang mga taong nakapaligid sa kanya. Dapat daw ay kahit nag-cum laude man lang sana siya.
Hindi rin siya nagtagumpay bilang isang arkitekto. Dahil isa siyang babae ay parang walang tiwala ang mga tao sa kanyang kakayahan. Siguro nga ay nagkamali siya. Kung sinunod sana niya ang advice ng ama na kumuha na lamang ng medicine o kaya ay business management, siguro ay mataas na rin ang tingin sa kanya ng mga tao sa lipunang ginagalawan nila.
Masyado siguro siyang nagpaapekto kaya hinangad niyang tumaas ang status niya at tinanggap ang proposal ng bar topnotcher at anak ng business tycoon na si Attorney Michael Navarro. Kapag naging Mrs. Ariana Navarro na siya ay irerespeto siya ng mga tao at hindi na muling mapag-uusapan ang kawalan niya ng lugar sa pinakapipitagang pamilya ng Villaroel.
"Ate, it's time to go na raw."
Ang mahinang boses ng half-sister niyang si Abby ang nakapagbalik sa kanyang isipan sa kasalukuyan. Para itong munting anghel sa suot na puting bestida bilang flower girl.
"You look like Cinderella, Ate."
Tumawa siya at niyakap ito. "You, too," pabulong niyang sagot at saka hinalikan ito sa pisngi.
Inalalayan siya nito palabas ng kuwarto hanggang sa kotse. Akala niya ay kinakabahan lamang siya dahil sa bilis ng kanyang pulso. Ngunit habang papalapit sila sa simbahan, pakiramdam niya ay sa impiyerno ang kanyang patutunguhan. Natutukso siyang pahintuin sa pagmamaneho ang driver para matakasan niya ang kasalang iyon.
"Nagsisisi ka ba?" tanong ni Benita na nasa tabi niya. Kahit hindi niya sabihin ay napansin nito ang kanyang pagkabalisa.
Umiling siya at tumingin sa bintana nang maramdaman niya ang kamay nitong pumisil sa kanyang balikat. Nilingon niya ang kanyang yaya at nginitian siya nito.
"Tama ang ginawa mo, Ariana. Para ito sa kinabukasan mo at ito rin ang nais ng ama mo para sa 'yo. Nakita mo naman kung gaano siya kasaya kanina, di ba? Walang ibang hangad ang mga magulang kundi ang makita ang anak nilang maikasal sa simbahan sa isang taong may kakayahang magtaguyod ng pamilya. Napakasuwerte mo na magkaroon ng asawang kagaya ni Michael."
Pinilit niyang ngumiti at tumango. Dati ay iyon din ang naisip niya. Nakilala niya si Michael noong nag-aaral pa siya sa university. Mabait ito at mapagkumbaba, kaya nagtagal ang relasyon nila nang ilang buwan. Nagkahiwalay sila nang kumuha ito ng abogasya at wala nang sapat na panahon para sa kanya.
Ilang taon din silang hindi nagkita, hanggang sa sinorpresa siya nito ng mga bulaklak noong nakaraang taon. Nagkabalikan sila, ngunit malaki na ang ipinagbago nito. Arogante at seloso na ito ngayon. Kapag nakita siyang nakikipag-usap sa sinumang lalaki ay bigla na lang itong susugod na para ba siya nitong pag-aari. Napalampas niya ang mga iyon, ngunit nang nakaraang linggo lamang ay lumabas na ang sungay nito. Naaalala pa niya ang mga salitang binitiwan nito sa kanya nang tumanggi siyang makipagtalik dito.
"Bakit? Ayaw mong malaman ko na hindi ka na virgin? May lalaki ka siguro, ano?"
Birhen pa siya kung iyon ang gusto nitong malaman. Sa buong buhay niya ay si Michael lamang ang naging kasintahan niya, at dahil bantay-sarado siya ng kanyang yaya ay hindi siya kailanman nagkaroon ng pagkakataong maglandi. Subalit sa mga ipinapakita ng nobyo ay nakikinita na rin niya ang impiyernong titiisin niya habambuhay, kapalit ng respetong inaasam niya mula sa kanyang mga kamag-anak.
Ibinaba ni Benita ang mahaba niyang belo para matakpan ang kanyang mukha, at saka may nagbukas ng pinto ng sasakyan at inalalayan siya palabas. Habang inaayos nila ang mahaba niyang strapless gown na humapit sa makitid niyang baywang at dumaloy pababa sa kanyang mga paa ay pumikit siya at iniwasan ang malaking pinto ng simbahan.
"You don't look very happy for a bride."
Iminulat niya ang mga mata at nakita niya ang isang binatang nakatayo sa harap niya. Sa suot nitong malaking sunglasses ay halos hindi niya makita ang mukha nito. Hindi ito gaanong matangkad ngunit may hitsura, at sa tingin niya ay mas bata ito ng dalawang taon sa kanya.
"If you want..." Lumapit ito sa kanya at bumulong sa kanyang tainga. "I can take you out of here. Let's pretend I've abducted you."
Gulat siyang naparalisa sa kinatatayuan. She did not realize how tempted she was to accept his offer until he walked away.
"Sino 'yun?" tanong niya kay Benita.
"Kaibigan siguro ng mga pinsan mo," walang interes na sagot ng yaya niya. Pag-akyat nila ng hagdanan ay sinalubong siya ng kanyang ama na tuwang-tuwang yumakap sa kanya. Humalik sa pisngi niya ang stepmother niyang si Sophia.
Nag-umpisang nagmartsa ang mga sponsors. Pinilit niyang kalmahin ang sarili habang naghihintay, ngunit nang patugtugin ang bridal march ay hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Napakalakas ng kalabog sa kanyang dibdib at halos naiiyak na siya sa takot na hindi niya maunawaan. Mali ang kasalang iyon. Hindi na dapat iyon matuloy, ngunit ano ang kanyang magagawa?
"Let's go," aya ng kanyang ama at kumapit siya sa braso nito. Nakakatatlong hakbang pa lang siya nang muli niyang makita ang misteryosong binata. Nakatayo ito malapit sa pintuan.
Sinubukan niyang hindi ito pansinin, ngunit ito lamang ang makakatulong sa kanya. Tumitig siya sa mukha nito, titig na nagsusumamong ilayo siya nito roon. Ngumiti ito sa kanya na parang naintindihan ang kanyang mensahe, at bigla nitong hinatak ang braso niya. Mabilis nitong pinalibot ang isang braso sa kanyang baywang at tinutukan ng punyal ang kanyang lalamunan.
"Walang gagalaw," anito na ikinagitla ng lahat. Maging ang ama niyang pulis ay pinangunahan ng takot.
Marahan siya nitong hinila paatras. Natakot siya sa punyal ngunit mas nanaisin niyang sumama rito kaysa matuloy ang kasalang iyon.
"Bitiwan mo ang anak ko, ngayon din!" mariing utos ni Francisco, ngunit hindi nagpatinag ang binata.
"Move a step closer and I'll cut your daughter's throat," babala nito na ikinatakot ng lahat. Walang sinumang nangahas na lumapit hanggang sa nakarating sila sa nakaparadang kotse. Binuksan nito ang pinto niyon at siya na mismo ang nagkusang pumasok.
"Kapag sinundan n'yo kami, mamamatay ang babaeng ito!" sigaw nito bago umupo sa driver seat at pinaharurot ang kotse. Nakita niyang nag-iiyakan ang kanyang mga kamag-anak, ngunit kalmado pa rin ang ama na marahil ay nag-iisip ng paraan para iligtas siya.
May limang minutong nagmaneho ang lalaki, hanggang sa itirik nito ang kotse sa gilid ng highway at tumakbo sila papasok sa maliit na eskinita. Tumatawa ito na parang demonyo at siya naman ay nakahawak sa laylayan ng gown habang nakasunod dito. She felt like an eagle soaring up in the sky. She had never felt this free in her whole life. Batid ni Ariana na magdudulot ng iskandalo ang ginawa niyang iyon, subalit hindi niya iyon pagsisisihan.
"Saan tayo pupunta?" hinihingal niyang tanong. Malayo na ang tinakbo nila at nagtitinginan na ang mga tao sa paligid.
"Sasakay tayo sa taxi. Siguradong sinusundan na nila tayo ngayon."
Pinara nito ang paparating na cab at nagmamadali silang sumakay. Hindi niya alam kung bakit siya tinutulungan ng lalaking ito. Sa sandaling napakadilim ng kanyang mundo ay may anghel na ipinadala ang kalangitan para gabayan siya sa tamang lugar.
YOU ARE READING
A Stranger's Love - Rebecca Rosal
Romance"Listen," pilit na kumbisi ni Ariana Kay lawrie, "kasalanan ito ng kapatid mo, so it's either you surrender your brother to the law or marry me." Magkasalubong ang mga kilay nito nang lumingon sa kaya. "Do you honestly want to marry me?