ALAS-SYETE na ng umaga ngunit madilim pa rin ang kalangitan at tila nagbabadya pang umulan. May mga pulis at mga nangungunang awtoridad ang nangunguna sa imbestigasyon sa lugar kung saan namatay si Kristina.
Halos ipagkanulo ng ina ni Kristina ang kaitas-taasan nang makita niya mismo ang kanyang anak na wala ng buhay. Kung tutuusin ay para lamang itong natutulog. Hiyaw at iyak ang tanging maririnig sa lugar at kasama na roon ang hindi makapaniwalang si Merce.
Para siyang naninigas mula sa kanyang kinatatayuan at hindi magawang tingnan ang bangkay ng kanyang pinakamamahal na kaibigan. Bigat na bigat ang kanyang loob at hindi pa rin matanggap na patay na si Kristina. May galit sa kanyang puso na kung bakit kinitil ni Kristina ang sarili nitong buhay na wala man lang laban.
Hindi man alam ni Merce ang nangyari at naging rason ni Kristina ngunit isa lang ang kanyang sigurado. Malaki ang tiwala niyang nag-iwan ng sulat ang kanyang kaibigan at ang kailangan niya lamang gawin ay ang hanapin ito. Ganoon naman lagi si Kristina noong nag-aaral pa lamang sila ngunit hindi niya ito itinatago sa madaling makita ng kung sino man.
Walang pigil ang pagluha ni Merce habang pinapasok ang bahay na para bang nakikita at nararamdaman niya ang bigat na kalooban ng kanyang kaibigan.
"Bakit? Bakit bigla ka namang agad sumuko?" bulong niya sabay haplos sa salaming bintana.
Napakalamig nito na animo ay naging nyebe na. Kita niya rin ang isang boteng alak na nakapatong sa maliit na mesa. Iyon ang alak na siyang paboritong inumin ni Kristina, ang Bella Rosa Black Wine.
Tila natigilan naman si Merce at napalingon kung mayroon mang tao sa kanyang paligid. Nang masiguro niyang wala namang nakatingin sa kanya ay agad siyang nagtungo kung saan halos nakalagay ang mga inumin ni Kristina. Kumakabog nang husto ang kanyang dibdib dahil para bang naghahalungkat siya ng isang malaking sekreto ni Kristina.
Nang makarating siya sa kusina ay agad niyang hinanap ang bagay na dapat niyang hanapin. Ilang minuto rin ang kanyang itinagal sa paghahanap hanggang sa mawalan na siya ng pag-asa nang may makita siya sa isang sulok kung saan may mga boteng halos wala ng laman. Agad niyang hinawi ang tila manipis na board at hindi nga siya nagkamali. Mayroong isang papel na nakailang tupi para lang magkasya roon.
Agad naman itong ibinulsa ni Merce nang may narinig siyang papalapit na mga yabag ng mga paa.
"Ma'am, hindi po kayo pwede rito," wika ng isang binatilyong pulis at nagkibit-balikat lang naman si Merce at kunwaring may kinukuhang alak.
"Sorry, gusto ko lang sanang kunin itong isang alak na siyang paborito ni Kristina at ito na lang magiging memorabilia ko sa kanya," wika naman niya saka nilagpasan ang binatilyo.
Dali-dali namang naglakad papalabas si Merce nang makita niyang hindi na siya sinusuyuran ng tingin ng binatilyong pulis. Nang makalabas na siya ay ang siya namang pagkita niya kay Marco na halos tuod na nakatayo lamang at halos walang ipinapakitang emosyon gaya na rin ng kanilang anak na si Celestine, ngunit nang magtama ang kanilang mga mata ay tila parang may mga mahika itong nagpalit agad ng anyo.
Hindi niya ito pinansin bagkus lumapit si Merce sa mga magulang ni Kristina. Iyak pa rin ng iyak ang ina ni Kristina, si Mrs. Loisa Razon. Alam ni Merce kung gaano kamahal ni Mrs. Razon, ang kanyang anak dahil siya pa nga mismo ang gumawa ng paraan nang maipit na mismo si Kristina sa pagitan ng mga Ayala, ang pamilya ni Marco. Kung tutuusin ay mas mayaman ang pamilya ni Kristina, ang mga Razon ngunit hindi lamang talaga nila ito ipinagsisigawan hindi gaya ng mga Ayala.
"Magpahinga na po kayo, Tita," pag-aalo ni Merce kay Mrs. Razon. Tumango naman si Mr. Razon na kahit siya ay tila nagpipigil lamang ng kanyang mga luha dahil kailangan mismo ng masasandigan ng kanyang asawa.
BINABASA MO ANG
Everything She Ever Wanted (SOON TO BE PUBLISHED)
RomancePAGKATAPOS NG ilang taong pagsasama ninyo ng iyong asawa at nagkaroon na rin ng sari-sariling mga buhay ang inyong mga anak ay ano naman ang mangyayari sa'yo pagkatapos? Sabi nila pagkatapos mong magawa lahat ng mga responsibilidad bilang ina at bil...