CHAPTER 6

338 9 1
                                    

HINDI PA rin makapaniwala si Kristina sa kanyang mga nakikita. Kasalukuyan siyang nasa harapan ng eskwelahan kung saan siya papasok . . . kung saan nagsimula ang lahat.


Kung hindk siya nagkakamali ay mas gusto niya ang mukha ng eskwelahan ngayon kaysa sa hinaharap. Isang ngiti ang namutawi sa kanyang mga labi nang makapasok na siya sa loob. Pagkapasok nang pagkapasok niya pa lang ay agad naman siyang sinalubong ni Merce na siyang ikinagulat niya naman.

Tama, natatandaan niyang sinalubong nga siya ni Merce at aayain siya agad nitong kumain sa bagong bukas na kainan sa labas.

"Kristina! Kanina pa kita hinahanap! Akala ko ay maaga kang papasok kaya napaaga na rin ako tapos ikaw din pala 'tong late sa ating dalawa," salubong ni Merce sa kanya at hindi naman mapigilan ni Kristina ang kanyang sarili at agad niyang niyapos ng yakap ang kanyang kaibigan.

Nagtataka naman si Merce sa inakto ni Kristina ngunit sa halip na magtanong ay niyakap niya na rin ito nang mahigpit. "Na-miss mo ba agad ako? Alam mo ba na may bagong bukas na kainan sa labas? Isang coffee shop. Naku! Balita ko ay maraming dumadayo roon lalo na 'yong taga-kabilang school at sa pagkakaalam ko ay puro mga guwapo ang naroroon, Kristina!" masiglang wika ni Merce na ngiting-ngiti.

Tumango na lamang si Kristina at naglakad patungo sa kanilang magiging silid. "Pupunta tayo roon pagkatapos ng klase, Merce," ani niya at kita naman niya ang pagsimangot agad ng kaibigan.

"Teka, saan tayo pupunta? Pumunta muna kaya tayo sa registrar para makita kung anong room tayo." Pigil ni Merce at doon naman natigilan si Kristina.

Tama, hindi pa dapat alam ni Kristina kung anong silid sila papasok.

"Nakalimutan ko," pagrarason na lamang ni Kristina saka naman siya inakay agad ni Merce.

Malapit na sila sa registrar nang salubungin naman sila ni Ysabel, ang step-sister ni Kristina. Tila nakalimutan agad ni Kristina ang tungkol sa kanyang step-sister. Nang mag-asawa kasi siya ay si Ysabel naman ay nangibang bansa at pinursige ang pagiging modelo nito.

"Kristina," salubong sa kanila ni Ysabel at inirapan naman siya nito ni Merce, hindi naman iyon ikinabahala ni Ysabel.

Noong una pa lang ay hindi na talaga gusto ni Merce si Ysabel dahil na rin daw sa ugali nito. Alam namang lahat iyon ni Kristina at ilang beses na siya nito kung ipahiya. Ngunit sa pangalawang buhay niya ay hindi na iyon mangyayari. Ang buong akala ni Kristina noon ay magkakasundo sila ni Ysabel ngunit isang malaking pag-aakala lamang pala iyon.

Tipid na ngumit si Kristina. "Ysabel," tawag niya rin dito.

"Ano'ng room kayo? Para naman mabisita kita kapagka may oras din ako. O di kaya ay uuwi tayong sabay," wika nito dahilan upang maalala ni Krsitina ang pangyayari noon.

Ipapahiya kasi siya nito dahil madadapa siya sa kanilang pag-uwi nang banggain siya nito nang pagkalakas-lakas.

"Obvious ba na pupunta kami sa registrar para nga titingnan kung ano kaming room? O medyo di ka lang brainy talaga ngayong araw?" asik naman ni Merce at kung noon ay pinagsasabihan ni Kristina ang kanyang kaibigan ngayon ay hahayaan na lamang niya ito dahil sa tingin niya ay iyon naman ang nararapat.

Isang pilit na ngiti naman ang iginawad ni Ysabel at ramdam ni Kristina na medyo naiirita rin ito kay Merce. "Tara, samahan ko kayo," ani naman ni Ysabel saka ipinulupot ang mga kamay nito sa braso ni Kristina.

Gustuhin mang waksiin ni Kristina ang pagkakahawak ni Ysabel sa kanya ay mas pinili niya na hayaan na lamang ito.

Nang nasa registrar na silang tatlo ay agad namang tsinek ni Merce ang kanilang mga pangalan. Agad namang nakita ni Merce ang kanilang classroom at nalulunglot ang kanyang mga matang napatingin sa gawi ni Kristina.

"Hindi tayo magkaklase," malungkot na wika ni Merce na siyang ikinakunot naman ng noo ni Kristina dahil sa pagkakaalam niya ay magkaklase sila sa taong ito. Pinasadahan naman ni Kristina ang kanilang mga pangalan at tama nga ang kanyang kaibigan. Magkahiwalay sila ni Merce ng silid.

Napatatanong si Kristina sa kanyang sarili habang sinusuyod pa rin ng tingin ang papel na nakapaskil sa harapan ng registrar. Hindi niya alam kung bakit hindi na sila magkaklase.

'May nagbago ba?' Isip-isip niya at bigla naman itong nawaksi nang magsalita si Ysabel.

"I got to go, guys. Nandoon na yata ang nga kasanahan ko sa classroom," wika ni Ysabel atsaka agad na tumalikod at naglakad papalayo.

"Buti naman umalis siya," basag ni Merce sa kanilang katahimikan at kahit si Kristina ay nagpapasalamat din.

Naguguluhan at may mga tanong na tumatakbo pa rin sa isipan ni Kristina kung bakit hindi sila magkaklase ni Merce. Magkatabi pa nga dapat ang kanilang pangalan sa listahan. Posible nga bang ang ibang mga pangyayari ay mag-iiba rin? Pagkatapos nilang makita ang kani-kanilang classroom ay naghiwalay na sila ni Merce. Kailangan din nilang pumasok para makilala nila ang kani-kanilang mga kaklase at kung sino ang head ng kanilang department.

Entrepreneurship kasi ang kinuha ni Kristina gayundin naman si Merce. Malaki ang mga negosyong hinahawakan ng mga magulang ni Merce kaya hindi na rin nakapagdududa kung papag-aralin siya ng kanyang mga magulang sa larangan ng negosyo.

Nalulungkot si Kristina dahil ang buong akala niyang makakasama niya pa rin ang kanyang kaibigan ay tila hindi na mangyayari. Bukod doon ay magkaiba pa sila ng oras sa bawat iskedyul nila. Nang makapasok si Kristina sa kanyang klase ay pinili niya ang upuan na kung saan malapit sa bintana. Nasa second floor kasi ang kanyang silid kaya mas maigi rin na malapit siya sa bintana upang makalanghap ng sariwang hangin kung papalarin o makatanaw-tanaw man lang sa labas. Fully-airconditioned naman ang kanilang silid.

Nakaupo na ng maayos si Kristina at nakatanaw lamang sa labas habang nagmumuni-muni. Wala ring balak si Kristina na makipagkaibigan sa kung sino man dahil sa pagkakaalala niya ay ang lahat ng kanyang kaklase ay halos anak ng mga kilalang tao.

Mayaman din naman ang pamilya ni Kristina, mas higit pa nga sa kanyang nga kaklase ngunit hindi niya kayang makipagsabayan sa mga ito.

Habang nagmumuni-muni ay tila may narinig siyang isang napakapamilyar na boses na nakapagbagabag sa kanya. Tila huminto naman ang pag-ikot ng kanyang mundo at tila lahat ng ingay sa kanyang paligid ay biglang nawala. Nakapukol lamang ang kanyang mga tingin sa lalaking nasa pintuan.

"Marco," mahina niyang sambit at lihim na napakuyom ng kanyang mga kamay.

Hindi niya aakalaing nahulog siya rito at pinakasalan niya pa. Ang lalaking nagdulot sa kanya ng hinanakit sa puso. Ang lalaking pumatay ng kanyang sariling dugo't laman. Hindi halos maisip ni Kristina kung papaano nito nagawa ang lahat at isa lang ang ibig sabihin noon, hindi siya nito minahal. Higit pa sa lahat ay siya pa ang nag-alaga sa anak ng kanyang kinakalantari ng halos ilang taon. Mabuti sana kung minahal din siya ni Celestine ngunit hindi, isa rin itong pangahas.

Sa pangalawang buhay niya ay susubukan niyang alamin kung sino ang karelasyon ni Marco.

Bigla namang nagtama ang mga mata ni Kristina at Marco dahilan upang mag-iwas naman ng tingin si Kristina.

'Bakit ako ang umiwas? Iisipin siguro ng gunggong na ito ay pinagpapantasyahan ko siya.' Isip-isip niya at wala pang ilang segundo ay narinig niya ang mga yabag nito na tila papalapit sa kanyang direksyon.

"Hi, I'm Marco, and you are?" pagpapakilala nito sabay lahad ng kanyang kamay.

Imbes na tanggapin iyon ni Kristina ay nagpakilala na lang din siya bilang ganti. Pasasaan din at makikilala rin naman nila ang isa't-isa.

"Kristina, may kailangan ka?" sagot niya at tila napahiya naman ito dahilan upang bawiin nito ang kanyang kamay ngunit hindi niya ito ipinahalata. Alam din kasi niya kung papaano mahiya si Marco.

Umiling naman si Marco sa kanya. "Nagpapakilala lang. See you later," ani nito at agad na umalis pabalik sa kanyang grupo na kasalukuyang nakatingin din sa kanilang direksyon.

Nang makaalis si Marco ay lihim namang napangisi si Kristina dahil kahit papaano pala ay may alam siya kay Marco at marahil ay magagamit niya ito sa tamang panahon. Babaling na sana sa ibang direksyon ng tingin si Kristina nang may mga matang nakakuha ng kanyang atensyon. Tila nahagip naman ang kanyang paghinga nang makilala niya kung sino ito.

Si Rain, ang lalaking main hearthrob ng campus. Ngunit isa rin sa mga red flag kung tutuusin. Binansagan nga rin itong The Cold Prince dahil sa sobrang lamig sa mga kababaihan na nagpapakita ng motibo sa kanya. Marami na rin itong pinaiyak at kung hindi siya nagkakamali ay hindi niya maalalang magkaklase silang dalawa.

Rain Javier Montenegro, ang angkan nito ang pinakamayaman kahit na iilan lamang ang negosyo. Likas na rin silang mayaman noon pa man. Marami silang kalupaan at hindi na rin mabilang na mga hacienda. Sa madaling salita, they are an old money.

Ilang segundo rin silang nagkatitigan at naputol lamang ito nang pumasok na ang kanilang professor. Habang nasa diskusyon ang kanilang guro patungkol sa mga batas ng paaralan ay tumitibok naman nangg husto ang puso ni Kristina sa hindi malamang kadahilanan. Tila ba ramdam niya pa rin ang mga titig sa kanya ng binata.

Everything She Ever Wanted (SOON TO BE PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon