August 14, 2006
NANGUNGUNOT ang noo ni Kristina dahil tila ba nasisilawan siya ng sinag ng araw. Ramdam niyang tila nakahiga siya sa isang malambot na kama. Alalang-alala niya pa ang kanyang ginawa kahit na nakainom siya ngunit alam niyang hindi siya nalasing doon.
She committed suicide.
Iyon naman talaga ang kagustuhan niya sa mga oras na iyon.
'Buhay pa ba ako?' isip-isip niya ngunit hindi siya makapaniwala dahil napakataas ng kanyang tinalunan, imposibleng buhay pa siya. 'Baka may nakakita sa akin at agad naman akong isinugod sa ospital. Pero imposible dahil wala namang tao roon,' dagdag pa niya at pilit niyang iminumulat ang kanyang mga mata dahil nakaririnig siya ng tila sigaw sa loob ng kwarto."Kristina Marie Razon! Unang araw mo sa kolehiyo ay late ka? Aba! Kagabi lang ay sobrang excited ka na pumasok tapos ngayon tulog mantika ka naman," sermon sa kanya at tila pamilyar ang boses na iyon sa kanya.
Nang buksan ni Kristina ang kanyang mga mata ay lumantad sa kanya si Nanang Sabel, ang kanyang yaya.Napatulala naman si Kristina at hindi makapaniwala sa kanyang nasasaksihan. Ramdam niya rin ang kanyang pamumutla dahil baka binabangungot lamang siya ngunit patay na siya kung tutuusin. Patay na kasi ang kanyang Nanang Sabel, dahil na rin sa katandaan nito ngunit heto siya ngayon sa kanyang harapan.
Napatalon si Kristina mula sa kanyang kama at dumiritso sa salamin.
Hindi pa rin siya makapaniwala dahil ibang-iba ang kanyang mukha na nakikita mula sa kanyang repleksyon. Mas bata siya rito, hindi pa siya nakuntento at pinisil-pisil niya ang kanyang pisngi at kinurot na rin ang kanyang kamay.
Totoo nga ang mga nangyayari sa kanya. Napatingin siya sa gawi ng kanyang Nanang Sabel na para ring natatalinghagaan sa kanya. Dali-dali namang tumakbo si Kristina sa kanya at agad itong niyapos ng yakap na pagkahigpit-higpit.
Labis siyang nangulila sa pagkawala nito dahil siya lang mismo ang naging karamay niya sa lahat simula nang mamatay ang kanyang totoong ina.
Kung binigyan man siya ng kaitas-taasan ng isa o tatlong araw na mabuhay ulit sa kanyang nakaraan ay wala siyang karapatan upang magreklamo dahil ayon nga sa kanyang namayapang lola ay ang lahat ng mga nangyayari ay mayroong rason. Bagkus na magreklamo ay haharapin niya ang mga araw na ibibigay sa kanya.
Ngunit hindi pa rin siya makapaniwala. Isang malaking pagkasasala ang kunin ang sariling buhay. Ngunit heto siya ngayon at tila muling nabuhay.
"Ano bang nangyayari sa 'yong bata ka?" tanong ni Nanang Sabel saka siya hinarap.
Umiling naman si Kristina. "Maliligo na po ako," ani niya at tumango naman si Nanang Sabel.
"O siya, sige maiwan na kita rito ha at ipaghahanda pa kita ng makakain pero siguro baunin mo na lang ano? Late ka na kasi," wika niya saka napakamot ng kanyang ulo na bahagyang ikinatawa naman ni Kristina.
"Huwag mo kayong mag-alala dahil sa unang araw ng klase ay wala pa naman talagang klase. Ipaghanda ninyo naman po ako ng makakain sa baba at kakain po ako agad. Saluhan ninyo po ako ha," ani niya saka agad na pumasok sa banyo.
Tila natulala naman si Nanang Sabel sa tinuran ng kanyang alaga dahil tila may kakaiba rito sa kanya.
Alalang-alala pa ni Kristina ang kanyang naging unang araw noon bilang isang kolehiyala dahil sobrang aga niya noon na wala pang gaanong katao-tao. Ngunit ngayon ay magbabago ang lahat tutal naniniwala naman siyang pansamantalang oras lang naman ang ibinibigay sa kanya ngayon.
Napatingin siya sa kanyang repleksyon sa salamin at kitang-kita niya ang malaking pagbabago ng kanyang mukha. Batang-bata pa talaga siya at halatang alagang-alaga ng kanyang ina. Ngunit nang mamatay ito dahil sa isang trahedya ay si Nanang Sabel na ang pumuna ng lahat ng iyon para sa kanya. Isang taon ang lumipas simula nang mamatay ang kanyang ina ay nagkaroon ulit ng karelasyon ang kanyang ama at agad naman silang nagpakasal at iyon ay si Mrs. Loisa.
BINABASA MO ANG
Everything She Ever Wanted (SOON TO BE PUBLISHED)
RomancePAGKATAPOS NG ilang taong pagsasama ninyo ng iyong asawa at nagkaroon na rin ng sari-sariling mga buhay ang inyong mga anak ay ano naman ang mangyayari sa'yo pagkatapos? Sabi nila pagkatapos mong magawa lahat ng mga responsibilidad bilang ina at bil...