CHAPTER 7

259 8 0
                                    

UWIAN NA at hinihintay naman ni Kristina si Merce dahil sabay umano silang uuwi at pupuntahan daw nila ang bagong bukas na coffee shop.

"Hay naku! Kung alam mo lang, Kristina! Ayoko ng classroom ko na wala ka," pangunguso ni Merce habang sinisipa-sipa ang sahig na parang bata.

Natawa na lamang si Kristina at kahit siya ay gusto niyang maging kaklase si Merce. Ang hindi niya lamang maintindihan ay kung bakit tila nagbabago ang ilang mga sitwasyon sa kanyang naging nakaraan. Hindi naman niya kaklase si Marco noon at ganoon na rin si Rain.

Iyon pa lang naman ang mga napansin niyang nagbago ngunit hinihiling niya na sana ay hindi naman iyon makaapekto sa mga nais niyang malaman patungkol sa kanyang hinaharap. Malaki ang nawala sa kanya at ultimo sarili niya kaya hinding-hindi niya mapapatawad ang mga taong naging sangkot dito. Naniniwala siyang may iba pang mga taong nasa likod nito lalo na at alam na alam ito mismo ng kanyang biyenan at siya pa mismo ang naging utak ng lahat.

"Ano'ng oras na ba?" tanong ni Merce sabay tingin sa kanyang relo. Napasapo naman siya ng kanyang bibig at agad na napatingin kay Kristina.

"Naku! Mukhang hindi tayo matutuloy ngayong araw bes! Nakalimutan ko ngayon din pala ang meeting nila Papa at kailangan daw ay naroon kami ni Mama," wika nito at parang batang mangiyak-ngiyak. Hindi niya halos maisip na ganito si Merce noon kumpara sa hinaharap na sopistikada na ito at hindi na isip bata. "Bessy, sorry ha. Bukas na lang siguro tayo tutuloy. Mauna na ako ha? Papagalitan naman ako kapag huli na naman ako sa oras. Tutal naman ay wala naman tayong pormal pa na klase kaya ayos lang na umuwi ng maaga," dagdag pa nito.

Bigla niyang naalala ang liham na iniwan niya para kay Merce at hindi niya alam kung nakita ba niya ito o hindi. Ngunit malakas ang kutob niyang nahanap niya ito. Masakit at mabigat ang loob niya nang isinusulat niya ang mga iyon sa iisang papel. Naalala pa niyang ang ilang mga letrang natuluan ng kanyang mga luha. Sa mga oras na iyon ay hindi man lang sumagi sa kanyang isipan na hahantong siya sa kamatayan, na siya mismo ang kukuha ng kanyang buhay.

Ngunit heto siya ngayon at nabuhay sa kanyang nakaraan. Hindi niya man lubos maintindihan kung bakit ngunit hahanapin niya ang rason dito.

Tumango naman si Kristina at ngumiti. "Ayos lang, Merce. Ano ka ba marami pang mga araw. Gusto ko na rin ngang umuwi," ani niya saka napabuntong-hininga.

Gusto na niyang umuwi at pagpahingain ang kanyang sarili sa kaiisip. Kailangan niyang isulat lahat ng mga konektado sa kanya upang sa gayon ay malaman niya kung ano ang gagawin.

Aalamin niya rin kung ano ang ikinamatay ng kanyang ina. Hanggang sa tumanda kasi siya ay hindi niya man lang nalaman kung ano ang ikinamatay nito. Ang tanging alam niya lang ay nakainom daw ito ng nakalalasong kemikal kaya agad itong nalagay sa kritikal na kondisyon. Kailangan niyang maging mapanuri at naniniwala siyang may taong nasa likod ng pagkamatay ng kanyang ina.

Ngayon na nabubuhay siya ay may oportunidad siyang malaman ang mga lihim ng kanyang pamilya gayun na rin ang pamilya ng mga Ayala.

"Itong araw na ito alam mo may nasi-sense ako sa 'yo. Parang may iba tapos ngayon tulala ka na naman. Bakit? May problema na naman ba sa inyo? Si Ysabel na naman ang dahilan ano?" lintanya nito at umiling naman agad si Kristina.

Kung tutuusin ay tama pa rin naman si Merce dahil laging si Ysabel naman ang puno't dulo kung bakit lagi siyang napapagalitan ng kanyang ama at ang mas masakit pa ay ang ikumpara silang dalawa. Habang iniisip niya iyon ay nasasaktan siya dahil mismo niyang ama ay tila hindi na rin niya ramdam ang presensya nito sa kanya simula nang mamatay ang kanyang ina.

"Wala ito, bes. Pagod lang siguro ako at wala lang talaga akong gana pa kaya gusto ko na lang umuwi at magpahinga," sagot naman ni Kristina at tumango na lamang si Merce.

Walang ano-ano ay may dalawang sasakyang pumarada sa kanilang harapan na napakapamilyar kay Kristina.

"Ayan na pala ang sundo mo. Alam mo? Aksaya sa gasolina 'yang entitled mong step-sister ano? Hamakin mo ba namang dapat ay tig-isa kayong sasakyan na susundo. Siya na nga itong sabit lang sa pamilya tapos siya pa ang demanding. I wonder saan siya bumibili ng cream cement kasi ang kapal-kapal niya talaga," wika ni Merce at doon din napagtanto ni Kristina na sundo niya nga pala ang nasa kanilang harapan. Tila nakalimot pa siya sa bagay na iyon mabuti na lang din at ipinaalala iyon ni Merce sa kanya.

"Gusto mo bang ihatid ka na lang namin sa paroroonan mo?" tanong ni Kristina kay Merce at dali-dali naman itong umiling.

"Susunduin ako ni Mama kasi may bibilhin pa raw kami ngayon. Mauna ka ng umuwi," sagot nito na nakangiti at tumango naman si Kristina bilang sagot.

Papalapit na sana si Kristina sa sasakyan upang pagbuksan ito nang dali-dali namang sumulpot si Ysabel sa kanyang harapan. "This is mine. Ayun ang sasakyan mo." Turo ni Ysabel sa unang sasakyan at may kasa-kasama pala ito sa kanyang likuran na puro babae at kung hindi siya nagkakamali ay grupo niya ito kung tawagin ay 'Spice Girls'.

Tumango naman si Kristina at umatras ng kaunti upang bigyang espasyo si Ysabel. Walang ano-ano rin ay pumasok ang mga kaibigan ni Ysabel sa loob bago ito.

Binagsakan lamang siya nito nang isinara ni Ysabel ang pinto at hindi naman nabigla pa roon si Kristina dahil inaasahan na rin naman niya iyon. Hindi niya na muna ito papatulan dahil alam niyang may oras din ito sa kanya. Nanag makaalis ang sasakyan nila Ysabel ay ang siya namang pagbasag ni Merce ng katahimikan.

"O! Kita mo? Mas okay nga na mauna siya, mauuna siya sa empyerno. Naku! Kung hindi lang talaga kita kaibigan Kristina Razon, matagal ko nang pinatay 'yang babaeng 'yan!" asik ni Merce at napapasuntok sa hangin na bahagyang ikinatawa naman ni Kristina.

"O siya sige, mauna na akong umuwi ha. Text-text na lang tayo," paalam ni Kristina kay Merce.

NASA biyahe na sila nang madaanan nila ang ospital kung saan idinala ang kanyang ina at kung saan din ito namatay. Kilala niya ang kanyang drayber at isa ito sa mga pinagkakatiwalaan noon pa man ng kanyang ina. Matanda na rin ito at kung hindi siya nagkakamali ay nasa edad singkwenta na siguro ito. Ang driver naman ni Ysabel ay mas mabata-bata dahil iyon ang kanyang gusto.

"Mang Damien," tawag ni Kristina rito mabuti na lang din at naaalala niya pa ang pangalan nito.

Lumingon naman si Mang Damien sa kanya sa salamin. "Bakit po Ma'am Kristina?" tanong nito, kasalukuyan din sila ngayong natigil dahil sa trapik.

"Kristina na lang po ang itawag ninyo sa akin. Pwede po bang sumaglit na muna tayo sa St. Luke? May itatanong lang po sana ako roon," ani naman nito at tumango naman si Mang Damien at agad na iniliko ang kanilang sasakyan saka nagmaneho patungo sa nasabing ospital.

Kailangan niyang halungkatin muna ang lahat at magsisimula siya sa kung saan siya unang nadurog. Malakas ang kutob niya na mayroon pa dapat siyang malaman at siguro ay isa iyon sa mga rason kung bakit siya ibinalik sa kanyang nakaraan.

"Nandito na po tayo Ma'am Kristina," ani ni Mang Damien dahilan upang tingnan ito ni Kristina. "Kristina po pala. Pasensya nap o at medyo hindi pa po ako nasasanay. Okay lang po ba kaya at baka mapagalitan po ako ng mga magulang ninyo," dagdag pa nito at napaisip naman si Kristina.

"Ganito na lamang po, kapagka po ay nasa bahay tayo o kapag po ay naririyan sila ay tawagin ninyo po akong pormal pero kapag tayo lang naman po ay tawagin ninyo lamang po ako sa aking pangalan ano po?" suhestiyon naman ng dalaga at nakangiti namang tumango-tango si Mang Damien. "Sandali lang po ako sa loob. Hintayin ninyo na lamang po ako rito, Mang Damien," dagdag pa niya at tumango naman bilang tugon si Mang Damien.


Nang makapasok naman si Kristina sa loob ay agad siyang nagtungo sa information desk kung saan pwedeng mag-request ng medical certificate at medical abstract ng kanyang ina. Uunahin niya na muna ang madali niyang makikita baka sakali ay may makita siyang kasagutan sa kanyang mga katanungan. Isa lang naman ang dapat niyang tandaan at iyon ay ang huwag masyadong paniwalaan ang mga taong nakapaligid sa kanya lalong-lalo na ang kanyang mga magulang at ang mga Ayala.

"Good morning Ma'am," bati niya sa isang staff na nakaupo at tila abala ito sa pagtitipa sa selpon. Hindi pa yata siya nito narinig dahil hindi man lang siya nito nagawang lingonin. Tumikhim naman si Kristina at agad naman itong nakatawag ng pansin sa dalaga.

"Magandang umaga po," tila nahihiyang bati naman sa kanya ng dalaga dahil nahuli siya sa aktong abala sa ibang gawain.

"Gusto ko po sanang mag-request ng medical certificate at abstract ng isang pasyente," ani ni Kristina at tumango naman sa kanya ang dalaga.

"Sige po, bago ninyo po i-fill out ang form pwede ko po bang malaman kung anong pangalan ng pasyente at kung anong araw po siya nai-admit?" tanong ng dalaga sa kanya habang kumukuha ng papel sa isang sulok.

"Namatay po siya noong 1996, December po 'yon. Hindi ko rin po kasi makita ang death certificate niya kaya kung pwede rin po bang maka-request nun?" sagot ni Kristina at tila nabahala naman ang dalaga sa kanyang tinugon.

Masyado na kasing matagal na taon na nakalipas at nasa taong 2006 naman siya.

"Ang tagal na po pala. Sige po pero baka ho matatagalan bago po namin ma-release ang mga ito sa inyo. Sa mga panahon po kasing iyon ay wala pa pong recorded system at nakabase lamang po ang lahat sa mga charts. Bale po ang gagawin namin ay magre-retrieve pa po kami ng chart ng inyong pasyente. Ilang araw din po ang igugugol ng taong pupunta po na maghahanap. Bigyan ninyo po kami ng dalawa o tatlong linggo. Ayos lang po ba iyon sa inyo?" mahabang paliwanag ng dalaga sa kanya at tumango-tango naman si Kristina.

Ayos lang iyon sa kanya at naiiintindihan naman niya ang mga ito dahil masyado na nga itong matagal. Pagkatapos niyang bayaran sa billing ang kanyang pakay ay agad naman siyang nagpasalamat sa dalaga na nasa information desk.

"Next, kung sino ang babaeng lihim na itinatago ni Marco."

Everything She Ever Wanted (SOON TO BE PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon