Prologue

14 0 0
                                    


Tahimik ang gabi ngunit maingay ang kanyang bawat pagtipa. Mabibigat ang mga daliri niyang pinipindot ang bawat pyesa mula sa keyboard. Madilim ang kwarto niya at ang tanging nagbibigay liwanag sa paligid ay ang screen ng kanyang laptop.

Nagtatrabaho ang mga kamay niyang inihahayag ang mga damdamin at ala-alang nakakulong nang mahabang panahon.

"Apat na taon kitang hinanap. Hindi na kita pakakawalan", paulit ulit niyang litanya sa kanyang isipan. Dilat ang mga nanlilisik niyang mata habang maigting na nakatingin sa  nagliliwanag na screen, sinusundan ang paggapang ng mga letra sa bawat salitang nabubuo niya kasabay ng pag-alala sa huling araw na nakasama niya ang kanyang mahal. 

Hindi niya maitatanggi ang lungkot na matagal niya nang dinadamdam. At hindi pumasok sa isip niyang magiging mahirap pala ang nagdaan. 

Paulit-ulit na nagpa-flash sa isipan niya ang gabing bumago sa dati niyang masayang mundo. At lumilipad na nga ang isip niya sa nakaraan, parang isang pelikulang nagpe-play sa utak niya.

Kagaya ngayon, isa rin iyong tahimik na gabi. Tandang-tanda pa niya ang lamig ng simoy ng hangin, gayundin ang sabik na naramdaman niya nang sumilip siya sa bintana ng isang maliit na kwarto kung nasaan ang mahal niya.

"Flaire!", parating masigla kung tawagin niya ang magandang pangalan na iyon, kasabay nang biglaan niyang pagdungaw sa bintana. Madalas niyang nadadatnan ang babaeng 'yon na nakaupo sa kanyang kama at nagsusulat. Gusto-gusto niya ang akda nito  dahil tungkol 'yon sa mga bagay na ginagawa nilang magkasama, bagay na pareho silang nasisiyahan. Si Flaire ang mundo niya kahit pa siya'y nasa kadiliman. 

Ang gabing iyon ay iba sa karaniwan nilang gabi  dahil nang tumingin siya sa kama, hindi natagpuan ng mata niya ang babaeng palaging nandoon. Nawawala si Flaire.

"Flaire!" 

"Flaire!"

Pinasok niya ang kwarto at tumalon mula sa bintana, tumingin siya sa ilalim ng kama, sa kabinet, sa lamesa at tsaka tumanaw  sa labas. 

'Flaire, 'wag mo 'kong taguan. It's our time na, the toy is waiting."

Patuloy ang pagtawag niya sa pangalan ni Flaire. Paulit-ulit-ulit-ulit-ulit na ultimo siya ay nabibingi na.  

Hindi niya mapigilan ang pangingilid ng luha niya nang mga oras na 'yon, at patuloy pa rin siyang pinapaiyak ng sakit na iyon, haggang ngayon, lalo na ngayong naalala niya ang mga ito. 

Sa pagbalik ng isip niya sa kasalukuyan, malagkit pa rin ang tingin niya sa screen. Para siyang isang robot, hindi pumipikit at patuloy ang pagtipa sa keyboard. Deretso ang tingin sa screen, at abala ang utak sa pag-alala sa nakaraan. 

At nang gabing iyon, naghanap siya nang naghanap. "Wala na rito si ate.", boses ng isang batang lalaki. 

Doon lamang siya natigalan. Alam niyang walang halong biro ang mga salitang 'yon ngunit hindi niya kayang paniwalaan. "Hindi ako basta-basta iiwan ni Flaire. Alam mo 'yan higit sa lahat."

"Wala na si ate.", walang emosyong muling sabi ng bata, Naguguluhan niyang inisip kung anong ibig sabihin nito. "Wala na si ate. Kalimutan mo na siya. Hindi ka nakabubuti para sa kanya", tumapang ang ekspreyon ng bata. 

"Hindi na dapat kayo magsama ni ate. Layuan mo siya!"

Ikinagulat niya ang biglang pagbulyaw. Wala sa sarili niyang ibinato ang kamao niya sa maliit ng mukha ng batang lalaki na 'yon.

"Hindi mo alam ang sinasabi mo." galit at madiin niyang sabi. 

"Umalis ka na!", sa kabila nang panghihina, malakas na loob na tumayo't sumigaw ang bata at hinarap siya. 

Hindi na siya nagsalita pa at tumalon na mula sa bintana ng kwarto ni Flaire. Palingon-lingon siyang naglakad, umasa na dudungaw sa bintana ang babaeng mahal niya, tatawagin ang pangalan niya, at sabay muli nilang paglalaruan ang buhay.

 Lumipas ang ilang linggong pag-iintay. Hindi bumalik si Flaire

At ang huling pagkakataon na nasilip niya ang bintana nito ay ang araw ng pagkasunog ng bahay nila, ng mundo nila. 

Kasabay sa panonood niya sa nagbabagang apoy  ay ang sumpang isinapuso niya. "Hahanapin at ibabalik kita."

Isang  malakas na pagtipa ang nagbalik sa kanya sa kasalukuyan nang malakas niyang pindutin ang 'tuldok' sa keyboard. Natapos na ang sinisulat niya. Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya at tahimik na binasa ang mga salitang nasa screen. 

Mahal, maghanda ka dahil magsisimula na ang lahat.

Ipagpapatuloy natin ang kwentong hindi natuldukan.

Ikaw ang aking nobela, ang aking akda,

Ang mga salitang bumubuo sa bawat talata.

Dugo mo ang tinta ng aking pluma.

Isusulat ko muli ang ating istorya.

Isang nakakikilabot na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi kasabay ang pagtanaw niya sa hinaharap. 

At dahan-dahan ngunit puno ng kasiguraduhan niyang ginalaw ang mouse kasunod ng pagpindot sa... 


"Publish..."


 (Ito pa lang ang simula.)

I am His BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon