U N A

10 0 0
                                    

Bughaw sa kanan. 

Kayumanggi sa kaliwa. 

Ito ang kulay na mga matang tumititig sa kanya pabalik. Mga matang namamaga, puno ng pag-alala at lungkot. 

Hindi alam ni Penelope kung gaano na siya katagal na nakatitig sa salamin, ngunit sigurado siyang hindi 'yon kasing tagal ng apat na taong paghahanap niya sa nawawala niyang ala-ala.

Mabigat ang bawat paghinga ni Penelope habang hinugusgahan ang babaeng nasa salamin. Kahit pa nasa katawan siya nito, pakiramdam niya ay nakatitig siya sa isang estranghero. Wala siyang nararamdaman kung hindi pagdududa. Hindi niya maramdaman ang mga ngiti nito, ang pagmamahal, pagpapahalaga, ang buhay. 

"Sino ka?", wala sa sarili niyang tanong sa babae at nakita niyang ginawa rin nito ang maliit na pagbuka ng nanunuyo niyang labi. Para na lamang siyang sirang plaka na gabi-gabing sinusubukang makakuha ng sagot. 

Wala namang sumasagot. Walang gusto magsabi. 

"beep...beep...beep", alarm clock. 

Napalingon sa bughaw na orasang nakasabit sa kabilang parte ng kwarto niya. 

'12:00 am. May 13th, 2022, Friday'

"Happy Birthday to me.", walang emosyon at mahina niyang bulong kasunod ng dahan-dahan niyang paglingon sa salamin. 

Nandon pa rin ang babaeng may kakaibang mata, at may itim na mahabang buhok. Tuloy-tuloy ang pagpatak ng luha niya. Hindi niya na alam kung saan pa niya nakukuha ang lakas para umiyak. Hindi na siya makahinga, animo'y may batong nakaharang sa lalamunan niya, at hindi rin tumitigil ang malakas na pagkabog ng dibdib niya.

'Ayaw ko na, tapusin na natin 'to', sigaw ng isipan niya. 

Mahigpit niyang hinawakan ang gunting na kanina pa nakakulong sa palad niya. Buo ang loob niyang  itinapat ito sa leeg niya, at dahan-dahang inilapit. 

'Hair holds memories', ito ang paniniwalang pinanghawakan niya sa loob ng apat na taon. Hindi ni isang beses niyang ginupit ito dahil umaasa siyang sa dulo  ng  bawat hibla ng buhok niya ay nakakubli ang mga ala-alang pinipilit niyang maibalik. 

Umalingawngaw sa kwarto ang kalansin ng gunting sa bawat gupit.

Gupit lang nang gupit nang gupit hanggang hanggang malaglag ang karamihan ng mahaba niyang  buhok sa sahig. Ang dati nitong hanggang pwetan na haba ay tuluyan nang pumantay sa kanyang batok. 

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya, kasunod ng mga hikbi mula sa kanyang  pag-iiyak. 

Iniangat niya ang ulo niya at taas noong tinititigan ang babaeng nasa salamin. Mata sa mata. Tahimik niyang itong pinagmasdan at dahan-dahang inilapit ang namamayat niyang kamay sa salamin, hinimas niya ang malamig at makinis nilang ibabaw. 

"Iiwan na kita.", bulong niya kasunod nang maliit ngunit tunay na ngiti. 

Matagal nang iniisip ni Penelope na gawin ito, ngunit para siyang nakikipagtalo sa sarili niya sa bawat sandaling sasagi sa isipan niya ang pagmo-move on. Ang pagharap sa kasalukuyan.

Unti-unti nanumbalik ang pakiramdam ni Penelope. Naramdaman niya ang pagod mula sa pag-iyak, gayundin na rin ang hirap ng paghahabol ng kanyang hininga. Naramdaman niya ang pagkalungkot para sa nawala niyang buhok, at ang mumunting kaginhawang nakuha ngayong iniwan niya na ang nakaraan. Kasunod ng isang buntong hininga ay ibinagsak niya ang sarili niya sa kama. 

Hindi niya naisip kung gaano kalambot ang kama niya noon dahil abala siya sa pag-iyak gabi-gabi. 
Apat na taon na nang mangyari ang aksidente na naging dahilan ng amnesia niya. Halos labing walong taon ng buhay niya ang bigla na lang nawala. Wala siyang childhood memories, ni hindi niya kilala ang sarili niya.

Nakatitig lamang si Penelope sa kisame, nakapako ang tingin niya sa imahe ng buwan na nakapinta roon. Hindi man kahit kailan pumalya ang buwan na pakalmahin siya. 

Malalim ang iniisip niya.

Ngayon ang ika-22 niyang kaarawan, at napagdesisyunan niya nang lumaban ulit sa buhay, magpatuloy at tuluyang iwanan ang nakaraan niya. Ngayon ang ikalawa niyang pagsilang.

"Kakayanin ko 'to." mahina ngunit madiin niyang bulong.

Nanatili siyang nakahiga at nakatitig sa kisame, lumipas ang ilang mga segundo na katahimikan lang ang namamayani sa paligid. Mas tumahimik na ang mga boses sa isip niya at sa wakas, naghahari  na ang tinig niya.

"ring...ring...ring..."

Isang tawag naman ang umalingawngaw sa loob ng kwarto.

'Sino ang tatawag ng ganitong oras?'. 
Unang taon na nasa isip niya.

Tinitigan niya lang ang cellphone na nakapatong lang sa bedside table. Nanghihina siyang tumayo at marahang naglakad para damputin iyon. 

"Unkown Number", basa ni Penelope sa cellphone niya.

Wala sa sarili niyang sinagot ang tawag. Siguro, iyon na ang isa sa mga hindi niya magandang desisyon. 

"Hello?", mahina niyang tanong. 

"Happy Birthday, Flaire.", isang malamig at malalim na tinig ang nagsalita sa kabila ng linya. Mahina ang boses niya, parang nakabulong ngunit malinaw ang bawat katagang sinabi niya.

Sa hindi malamang dahilan, gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Penelope. 

Bago pa man siya makapagsalita, binaba na ng caller ang telepono, at naiwan siyang naguguluhan. 

"Weird." iyon na lang ang nasabi niya at muling inihiga ang katawan niya sa kama. 

Sa isip-isip niya, "I don't have the energy to deal with that". 

Ipinikit niya ang mata niya, kasunod ng isang buntong hininga, umaasa na sana maging mahimbing ang tulog niya ngayon gabi. 


(Hindi pa 'to ang wakas...) 



I am His BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon