Chapter 5: She Paints

3 0 0
                                    

Sumunod ang mga araw at naging unti-unting mas na-curious si Dylan sa dalaga. Sa tuwing napapadaan siya sa bahay nito ay hindi niya maiwasang hindi mapalingon sa bintana kung saan palagi naman niya itong nakikita roon. Yun nga lang ay agad na umiiwas at nagtatago sa loob ng silid ang dalaga sa tuwing napapansin nito si Dylan.

Imbes na tumigil ay mas lalo lang mas gusto ni Dylan na makilala ang dalaga. Hindi man ito gumaganti ng kahit ngiti sa kaniya at nagtatago ay sa tingin naman niya ay mabait ito kapag nakilala na talaga. Ika nga, "don't judge a book by it's cover".

Hanggang sa isang beses na dumaan siya ay naabutan niya ito na nakatalikod sa gawi ng bintana habang abala sa pagpipinta sa isang canvas.

Napahinto si Dylan sa tapat ng bintana at napatitig sa ipinipinta ng babae. Sakto lang ang laki ng canvas para makita niya sa distansiya niya ngayon. Namangha siya sa gawa nito dahil sa ganda.

Ipinipinta nito ang isang scenery ng palayan kung saan makikita rin ang bundok, may iilang puno ng niyog sa paligid at may bahay. Hindi pa ito tapos at may ilang details pang patuloy na ginagawa ang dalaga.

Napangiti si Dylan habang nakatingin sa ipinipinta ng babae. Ang ganda ng pagkakapinta kahit hindi pa tapos. Tila nararamdaman niya ang tahimik at simpleng pamumuhay sa ganiyang klaseng lugar.

Nabaling na lang ang tingin ni Dylan sa babae nang huminto ito sa ginagawa at napalingon sa kaniya. Agad na kumaway si Dylan.

"Hi. Ang ganda," aniya.

Umiwas ng tingin ang babae at muling tumalikod sa kaniya. Sandali itong nakaganoon at saka biglang umalis sa kaniyang kinauupuan at iniwan ang ginagawa. Tila nagtago na naman ito sa loob ng kaniyang kuwarto.

"A-ay. Teka..." Napanguso na lang si Dylan nang hindi niya mapigilan ang babae.

Napabuntonghinga siya nang muling mapunta sa hindi pa tapos na painting ng babae ang kaniyang tingin. Saka siya umalis.

Nang kinagabihan sa kaniyang kuwarto, muli siyang nagsulat tungkol sa nangyari sa araw na iyon.

"Haays. Ang ilap niya," aniya habang nagsusulat saka sandaling napahinto.

"Pero ang galing pala niyang magpinta. Sayang medyo malayo ako doon kanina. Gusto ko sanang makita ng mas malapitan. Sana makita ko yun kapag tapos na niya."

Saka muli siyang nagsulat sa kaniyang notebook na tila nakangiti habang inaalala ang magandang pagpipinta ng babae kanina.

"Teka nga." Napakunot ang noo niya at saka huminto ulit sa pagsusulat.

Binuklat niya ang ilang pages na nasulatan na niya.

"Bakit nga pala ako sulat ng sulat ng tungkol sa kaniya? Luh. Parang diary tungkol sa kaniya."

Nakailang ulit siyang nagpalipat-lipat ng pages habang tila nasorpresa sa sariling isinulat sa loob ng ilang araw. Hindi niya ganoong namalayan ang sarili na ganoon na lang siya magsulat ngayon.

"Aish. Bahala na nga. Inilalabas ko lang itong mga thoughts ko. Tama. Inilalabas ko lang ang thoughts ko kasi hindi ako agad nakakatulog kung hindi ko ma-vent out ito. Tama. Ganun," pangkukumbinsi niya sa sarili niya.

Pagkatapos ay itinuloy niya ang pagsusulat hanggang sa matapos siya.

***

Sa mga sumunod na araw ay ganoon pa rin. Halos araw-araw siyang dumadaan sa bahay ng babae. Pero hindi lang nakakaisa o dalawang beses. Minsan ay nakakailang beses na sa isang araw. Minsan ay sinasadya na niya mismo para makita kung ano ang ginagawa ng babae.

Sa pagkakataong ito, papadaan na siya sa gawi kung nasaan ang bintana ng babae. Sinadya talaga ni Dylan na kunin ang cellphone mula sa bulsa ng kaniyang pantalon at nagkunwaring gumagamit nito habang mabagal na naglalakad. Wala naman talaga siyang ginagawa sa kaniyang cellphone. Nag-swipe-swipe lang siya sa mga applications nito at minsan i-o-open ang ilan at saka naman i-clo-close.

Nang nasa tapat na siya halos ng bintana ay pasimple na siyang lumingon sa deriksong iyon.

"Ming, ming, ming," malumay na tawag ng babae sa isang puting pusa na malapit sa bintana ng dalaga.

Napahinto si Dylan sa paglalakad at tuluyan nang nakatingin sa babae. Sa ilang araw na dumadaan siya rito ay ngayon niya lang narinig ang boses ng babae.

Nagpakurap-kurap si Dylan nang mapunta sa kaniya bigla ang mga tingin ng babae.

Nagkatitigan sila. Tila bumagal ang takbo ng oras sa paligid ni Dylan. Tila umihip din ang hangin sa kanila na naging dahilan ng tila marahang pag-alon ng mahaba't itim na buhok ng babae.

Ilang sandali pa silang nakatitig sa isa't isa.

Napakurap ang dalaga at napaiwas ng tingin. Tila nag-aalangan kung ano ang gagawin sunod pero hindi ito makatingin ulit kay Dylan.

Tila natauhan si Dylan at naisip na ito ang pagkakataon na makapagpakilala sa bagong ka-barangay. Kaso magsasalita pa lang sana siya nang umatras na ang babae mula sa bintana at pumasok na sa loob ng silid.

"Uhm... Ay."

Hindi man nakapagsalita ngunit nakangiti siya. Hinawakan niya agad ang magkabilang pisngi para pigilan na ang pagngiti at tumalikod na sa bintana saka mabilis na nalakad na palayo.

Nang makauwi siya. Deri-deritso lang siya papunta sa kuwarto niya.

Pagkasara niya sa pinto at sandali muna siyang nakatayo at inalala ang nangyari. Gustong i-proseso ng maayos sa kaniyang isipan. Napangiti siya ulit.

Marahan siyang umupo sa kaniyang upuan na kapares sa kaniyang desk.

Nakatingin sa sahig habang inuulit-ulit sa kaniyang isipan ang pagkakatitigan nila ng babae. Nakangiti lang siya na parang ewan.

Hindi niya ideni-deny sa kaniyang sarili ngayon na talagang napahanga siya sa dalaga sa maamo nitong mukha at sa sandaling pagkakataon na marinig niya ang boses nito. Wala namang mali na humanga, diba?

"Ay oo nga. Parang hindi ko pa siya nakita na nasa labas ng bahay simula nung lumipat sila doon," aniya nang ma-realize niya. "Aish. Lumalabas naman yun for sure. Natitiyempuhan lang siguro na sa tuwing dumadaan ako doon ay nasa loob siya."

Natawa si Dylan sa sarili dahil kinausap na niya ang sarili niya ngayon.

"Parang ewan ka naman, self. Kausap ang sarili."

Saka niya hinanap na lang ang notebook at kumuha ng ballpen.

Bago pa siya makapagsimula sa pagsulat ay sandaling napakunot ang noo niya.

"Eh? Susulat na naman ako?... Ay bahala na nga."

Paminsan-minsan ay napapangiti siya habang nagsusulat. Masaya lang siya ngayon dahil ito ang unang beses na nakatitigan niya ng ganoon ang dalaga. Hindi batid ni Dylan kung bakit ganoon na lang siya kasaya na tila isa itong new development sa isang process. Kaya itinuloy na lang niya ang pagsusulat sa kaniyang mga nasa isip sa ngayon.

*****

Charming HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon