Prologue

1K 8 0
                                    


Nakatungong pumasok si Feline sa loob ng classroom. Ayon sa schedule na binigay sa kanya ng registrar, alas otso pa ang simula ng klase niya. Pero dahil beinte minutos pa bago magsimula ang klase, wala pa ang teacher nila at marami pa sa mga magiging classmates niya ang nakatayo at nag-iingay.

Nilibot niya ang paningin sa kabuuan ng classroom. Doble ang laki niyon sa huling classroom na nagamit niya, pero kalahati lang ng bilang ng mga estudyante ang naroon kung ikukumpara sa bilang ng mga kaklase niya sa public school na pinanggalingan niya. May kanya-kanyang upuan at lamesa ang bawat estudyante, hindi katulad sa dati niyang paaralan na dalawang estudyante sa bawat upuan at yung iba ay sa lapag pa nakaupo. Apat din ang flourescent lamp sa kisame at hindi aandap-andap, at imbis na sira at kalawanging electric fan ay aircon sa harapan at likuran ng classroom ang naroon.

Nagsimula na siyang maglakad at naghanap ng mauupuan. Wala ni isa sa mga magiging kaklase niya ang lumingon sa kanya. Hindi niya alam kung abala lang ang mga ito sa pakikipagharutan o hindi lang talaga siya kapansin-pansin. Wala siyang ideya kung ano bang ugali mayroon ang mga estudyante ng private school dahil mula pre-school hanggang unang dalawang buwan niya sa first year highschool ay sa public school siya nag-aral. Pero dahil nagprisinta ang Tita Ofelia niya, kapatid ng mama niya, na ito ang magpaaral sa kanya matapos malugi ang maliit na negosyo ng mga magulang niya, ito rin ang nagdesisyon na ilipat siya sa Excelsior Academy, ang isa sa pinakasikat at exclusive school sa Pilipinas. Gusto kasi nito na sa iisang school lang sila nag-aaral ng pinsan niyang si Veneed.

Walang choice si Feline kundi umupo sa likod dahil doon na lang ang may bakanteng upuan. Tatlong magkakatabing upuan ang bakante at sa gitna siya umupo. Inalis niya ang pagkakasukbit ng bag niya sa kanyang balikat at inilapag iyon sa paanan ng table niya, ayon na rin sa naobserbahan niyang pwesto ng bag ng mga classmates niya. Kinuha niya ang libro ng unang subject nila at binuklat iyon para may pagkaabalahan.

Hindi niya pa natatapos basahin ang unang page ng libro nang maramdaman niyang may umupo sa magkabilang gilid niya. Hindi siya nag-angat ng tingin at nagpatuloy lang siya sa pagbabasa. Ramdam niyang nakatingin sa kanya ang dalawa. Lalo niyang itinungo ang ulo at itinuon ang pansin sa binabasa. Ibubully ba siya ng mga ito? Hindi lang ba sa public school ang mga bully, pati rin ba sa ganoon kasosyal na school may bully din?

Bago pa siya maiyak sa naisip ay nagsalita ang kaklase niyang tumabi sa kanya sa kaliwa.

"Hi there! Ikaw ba yung transferee?" masiglang tanong nito sa kanya.

Dahan-dahan siyang tumingin dito, nag-aalangan pa kung siya ba ang kinakausap. Nang makitang sa kanya ito nakatingin ay kiming tumango siya. Mukha namang hindi ito bully. Sa katunayan ay maamo ang mukha nito. Bagay dito ang itim na itim, mahaba at bagsak na buhok nito, pati na rin ang full bangs na kaunti na lang ay tatakip na sa mga mata nito. Kapansin-pansin ang kulay tsokolate nitong mata at ang mahahaba nitong pilik. Maliit ngunit matangos ang ilong nito na bagay sa maliit at hugis puso nitong mukha. Pero higit sa lahat, gusto niya ang ngiti nito. Maliwanag iyon at nakakahawa.

"Ako nga pala si Quintel. That's my twin brother, Quen" pakilala nito saka tinuro lalaking tumabi sa kanya sa kanan. Nilingon niya ang lalaki at nalaman niyang nakatingin din ito sa kanya. Hindi maipagkakailang kambal nga ang mga ito. Para bang male version ni Quintel si Quen, mas matapang nga lang ang facial features nito kaysa sa babae at lalaking-lalaki. Ang pagkakaiba lang ng kambal ay ang kulay ng buhok. Kung itim na itim ang kulay ng buhok ni Quintel, hazelnut brown naman ng may kahabaan at medyo magulong buhok ng lalaki. Ginantihan niya ang matamis na ngiti nito saka ibinalik ang tingin kay Quintel.

"Feline Lucena" mahinang pakilala niya.

Nagulat siya nang umabrisiete ito sa kanya. "Hey, don't be too shy, Feline. Masasanay ka rin dito. Don't worry, kami ni Quen ang bahala sa'yo. Right?" anito sabay tango kay Quen.

Forever Be YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon