UMARKO paitaas ang isang kilay ni antipatiko nang makita niya ako roon. Natigil pa siya roon sa tapat ng pinto. Ilang segundo lang ang dumaan ay nakita ko ang pag-angat ng gilid ng mga labi niya at nabahiran ng tuwa ang mukha na naging dahilan ng pagkakasalubong ng mga kilay ko.
Hindi naputol ang tingin niya sa akin nang magsimula siyang humakbang, tumigil siya sa harapan ko. At hindi na inis kung 'di pagkainsulto na ang naramdaman ko nang makita ko ang pagpasada niya ng tingin sa kabuoan ko.
"You work here?"
Nahimigan ko sa boses niya ang pang-uuyam bagay na mabilis na ikinainit ng ulo ko. Awtomatikong umangat ang isang kilay ko.
"So? Ngayon ka lang nakakita ng nagta-trabaho sa convenience store?" Halos umangat ang isang gilid ng labi ko habang nagsasalita. Pero ang isang kilay ko ay siguradong aabot na sa bunbunan ko. Nakuyom ko ang mga kamao. Ang sarap damputin ng magazine at ihampas iyon sa kanya para mabura ang tuwa sa mukha niya.
Tipid siyang natawa. "Gianna, huh," basa niya sa pangalan kong nakasulat sa name plate na suot ko. Umangat ang tingin niya sa akin, naroon na muli ang malapad niyang ngisi. "Iisipin ko sanang... pagmamay-ari ninyo ito kung sasabihin mong hindi..." Muli niya akong pinasadahan ng tingin. "Pero nagta-trabaho ka lang pala rito."
Bumibilis ang hininga ko dahil sa inis. Naka-iinsulto ang tingin at paraan niya ng pananalita. Mahirap kami, oo at hindi ko ikinahihiya iyon. At maski ang pagta-trabaho ko. Pero kapag katulad niyang mapag-insulto ang kaharap ko ay nanghihina ako. Dahil para bang napakababa ng tingin nila sa isang 'tulad ko.
"Ano ngayon kung nagta-trabaho lang ako rito? Mas gugustuhin ko na ito kaysa ang mawalan ng modo kapag may nagawang mali." Nakangiwi ako nang pasadahan ko ng tingin ang kabuoan niya. Nagdiwang ang kalooban ko nang makita ang pagsasalubong ng mga kilay niya. "It guts me to know that someone doesn't know how to say sorry. Impolite," pagdiriin ko sa huling salita.
Malakas siyang natawa. Humakbang siya pasulong. Nanatili ako sa kinatatayuan at hindi natinag maski ang talim ng tingin ko.
"And you know what? It guts me to know that someone thinks they're not at fault."
Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. At ano'ng ibig niyang sabihin? Na kasalanan ko rin ang pagkakabunggo niya sa akin? Siya itong tumatakbo! Kung hindi niya iyon ginagawa doon sa lugar na maraming dumadaan, hindi sana mangyayari iyon! Hindi siya marunong mag-ingat!
Napahakbang ako pasulong at reresbak pa sana pero naiiling na tinalikuran na niya ako at muli na siyang naglakad.
Sinundan ko siya ng matalim kong tingin nang magtungo siya sa dulong aisle kung nasaan ang mga drinks. Hindi ko matanggap na basta na lamang niya akong tinalikuran. Hindi ko matanggap na nasa kanya ang huling salita! Dinampot ko ang magazine at kagat-labi na inihambang ibabato iyon sa kanya. Kung hindi lang talaga baka ikatanggal ko iyon dito sa trabaho ay baka nga nagawa ko iyon sa sobrang inis.
Pumikit ako at ilang ulit na sumamyo at nagbuga ng hangin para pakalmahin ang sarili. Padabog akong naupo sa stool. Mabilis pa rin ang hininga at matalim pa rin ang tingin sa dinaanan niya. "Antipatiko," mariing sambit ko pa.
Ilang minuto pa lamang akong nakaupo nang lumabas siya sa pangalawang aisle na katabi ng pinasukan niya. May bitbit na siyang basket. Lumalim ang gatla sa aking noo nang mahagip ng paningin ko, bukod sa mga tsitsirya, ang ilang canned beer doon. Umikot siya sa pangatlong aisle kung nasaan ang mga biscuits pero wala namang kinuha roon. Bumalik siya at dumiretso na sa counter at ipinatong ang basket sa ibabaw.
Tiningnan ko siya, sunod ay ang mga laman ng basket niya. Higit sampung lata ng beer siguro ang naroon.
Kumatok siya sa ibabaw ng counter kaya muli kong na-i-angat ang tingin sa kanya. Itinuro niya ang basket gamit ang pagtango. "Add a pack of cigarettes," utos niya at itinuro ang likuran ko kung nasaan ang mga sigarilyo.
BINABASA MO ANG
Unyielding Hearts (Hearts Series #2)
Roman d'amourHindi naging madali ang buhay para sa isang Gianna Lopez na lumaki sa hirap. Mayroon siyang malaking pangarap para sa kanyang sarili at nangakong mabubuhay siya na walang lalaking makakapasok sa kanyang puso. Dahil para sa kanya ay isang napakalakin...