NANG sumunod na linggo ay agad na binawi ang naging pagsasaya namin sa nagdaang intramurals. Review week naman iyon dahil sa susunod na linggo ay final examination na.
Nakakatawa nga lang na noong preliminary exam ay roon sa convenience store ako nagta-trabaho. Noong midterm exam naman ay nasa hardware store ako at ngayong finals ay narito kay antipatiko. Huwag naman sana na sa susunod na examination ay sa iba na naman ako nagta-trabaho. Talagang hindi na 'yon nakakatuwa, 'no!
Anyway, dahil review week ay hindi ko maiwasang dalhin din ang pagre-review sa trabaho. Ako 'yong tipo ng estudyante na kahit saan ay nagre-review at hindi ko na iyon maaalis sa akin. Pero syempre, inuuna ko pa rin gawin ang trabaho ko. Naglilinis muna ako at nagluluto para pwede na akong tumunganga sa review sheets ko after. Pero ngayon kasi maaga akong natapos sa paglilinis. Nagsalang na ako ng kanin sa rice cooker. At habang hinihintay sa pagdefrost ang inilabas kong karne ay nagbabasa-basa muna ako ng notes sa sala habang nakalupagi rito sa carpented floor.
Limang minuto pa lang yata akong nakakaupo roon ay parang hinihila na pababa ang mga talukap ko. Wala na rin akong naiintindihan sa binabasa ko. Maalimpungatan ang diwa ko at ilang beses na ipipilig ang ulo para takasan akong muli ng antok pero ilang saglit lang ay ganoon na naman. Ilang gabi na rin kasi na late na ako nakakatulog at maaga namang nagigising. Madalas na inaabot lang ng apat o limang oras ang tulog ko. Ganyan naman ako basta may paparating na examination. Bumabawi lang ako ng tulog kapag tapos na.
Pero sa ngayon, hindi na yata makapaghihintay ang mga mata ko no'n dahil kahit ano'ng panlalaban ang gawin ko para huwag makatulog ay natatalo pa rin ako. Kusa na akong napasubsob sa braso ko na nakapatong sa center table. Hindi ko na nagawang labanan pa ang antok na tuluyang sinakop ang sistema ko.
Sige, iidlip lang ako. Fifteen minutes lang, sabi ko pa sa isip at nagpaubaya na sa dilim.
Hindi ko alam kung gaanong katagal akong nakatulog pero nagising ang diwa ko nang may maramdaman akong parang humaplos sa noo ko. Nasa diwa ko pa ang antok at namumungay ang mga mata nang magmulat ako. Sa pagmulat ay mayroon akong nakitang bulto sa sofa. Isa 'yong lalaking nakaupo at nakapangalumbaba habang matamang nakatingin sa akin. Madilim na ang paligid at tanging nakikita kong may liwanag ay nagmumula sa likuran ng lalaki na nagbibigay ng kaunting liwanag sa kinaroroanan namin.
Bumagsak muli ang mga talukap ko, ngunit sumilay ang ngiti sa labi ko dahil parang napangalanan sa isip ko ang nakita kong nakaupo roon.
"Antipatiko," inaantok na nasambit ko pa bago ako tinalo muli ng kadiliman ngunit habang nakapikit ay naproseso ng aking isip ang nakita. Mabilis na umalpas sa akin ang antok at agad na nabura ang ngiti ko nang mapagtantong si antipatiko nga iyon, kasabay ng mabilis na pagbangon mula sa pagkakasubsob sa braso ko.
"A-Antipatiko." Nanlaki ang mga mata ko nang makita nga roon si antipatiko. Parang nagulat pa ito sa naging kilos ko dahil nanlalaki ang mga mata nito at naalis sa pangangalumbaba at parang nanigas sa kinauupuan.
"What’s wrong?"
"K-Kanina ka pa? S-Sorry nakatulog ako."
Hiyang hiyang naigilid ko ang mukha at doon napangiwi. Inayos ko pa ang buhok ko. Pinasadahan ko rin ng kamay ang gilid ng labi ko. Mamaya niyan may tumutulo na pala roon.
"Akala ko kung ano," aniya na umayos ng upo. "It's okay. Kararating-rating ko lang din naman."
Iyon na nga, eh. Naabutan mo 'kong tulog!
Dumaplis ang tingin ko sa balkonahe. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang madilim na sa labas. Mabilis ang naging paglapit ko kay antipatiko at tiningnan ang oras sa kanyang relo. Halos isubsob ko ang mukha ko roon dahil sa dilim at hindi ko halos makita 'yon. Itinaas ko pa ang kamay niya at doon lang naliwanagan.
![](https://img.wattpad.com/cover/268135324-288-k137327.jpg)
BINABASA MO ANG
Unyielding Hearts (Hearts Series #2)
RomanceHindi naging madali ang buhay para sa isang Gianna Lopez na lumaki sa hirap. Mayroon siyang malaking pangarap para sa kanyang sarili at nangakong mabubuhay siya na walang lalaking makakapasok sa kanyang puso. Dahil para sa kanya ay isang napakalakin...