KAHIT hindi nila masabi kung sino ang lalaking kasama ni Sir Eadan ay may ideya na kung sino iyon. Agad akong nagpaalam sa kanila. Bago nila ako pinakawalan ay nagsabi pa sila ng mga bilin, na mag-aral akong mabuti at huwag nang isipin ang nangyari sa pagitan namin ni Cathy. At pumunta ako roon o tumawag sa kanila kung kailangan ko ng kahit ano'ng tulong.
Muntik pa akong maiyak. Mamimiss ko rin naman sila, ang mga ate at kuya ko sa loob ng halos dalawang buwan ko roon. Naging inspirasyon sa akin ng mga buhay nilang walang pagdadalawang isip nilang ibinahagi sa akin.
Tuluyan kaming nakaalis doon ni Olivia. Agad namang bumalik ang inis ko para kay antipatiko na saglit natabunan ng pakikipag-usap ko sa mga dating ka-trabaho. Kating kati na ang mga palad ko na mahigpit na nakakapit sa bag ko. Hindi na talaga ako magdadalawang isip na ihampas iyon sa antipatikong iyon oras na magkaharap kami.
Malas ka sa buhay ko, antipatiko ka! Kung bakit pa kasi kita nakabunggo nang araw na iyon! patuloy na himutok ko sa isip.
Sa halip na umuwi ay bumalik ako sa university. Ilang minuto lang ay naroon na kami. Papasok na sana ako sa gate nang pigilan ako sa braso ni Olivia.
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, Miss Gianna Lopez. Sino bang sinasabi ng mga ka-trabaho mong nagsumbong kay sir ninyo?"
Humalukipkip siya at tinaasan ako ng kaliwang kilay. Mukhang hindi kami makakaalis doon kung hindi ko siya sasagutin.
"Si antipatiko."
"Sabi na nga ba, eh." Napahilamos siya sa mukha at napatayo nang tuwid. "At paano naman niya 'yon nalaman?"
"Naroon siya kagabi. 'Wag mo ng tangkaing tanungin ako kung bakit dahil kahit ako hindi ko alam pero naabutan niya ang pag-aaway namin ni Cathy. Hindi ko pa sigurado pero ramdam kong siya 'yong nagsabi kay Sir Eadan. Siya lang naman ang nakakaalam ng nangyari sa pagitan namin ni Cathy."
"Lakas din talaga ng topak no'n, ano? Oh, siya, tara na. Sugod," aniya na itinuro pa ang loob ng unibersidad.
Wala nga kaming inaksayang oras. Dire-diretso ang lakad namin papasok at parehong taas-noo na akala mo'y may susuguring away. Well, mayroon naman talaga. Pero nang nasa gitna na kami ng daan ay pareho kaming natigilan.
"Saan natin siya pupuntahan?" sabay pa naming tanong sa isa't isa.
Inilibot ko ang paningin, nagbabaka-sakaling may makikita ako roong bakas ni antipatiko. Nga lang ay bigo ako. Para namang isang anghel si de Silva na biglang sumulpot. Nang makita ko ito na papunta sa parking lot ay agad kong hinilia si Olivia patungo roon.
"Oh, Gianna, Oliv...ia," gulat na aniya nang hinihingal na tumigil kami sa harapan ng motor niya na akma na sana niyang paaandarin.
"Hi," kumakaway na bati pa rito ni Olivia at nginitian naman siya ni de Silva.
"Alam mo ba kung nasaan si antipatiko?" walang paligoy-ligoy ko namang tanong.
"Antipatiko?" Salubong na ang mga kilay niya. "Sinong antipatiko?"
"'Yong kasama ng pinsan mo sa extension room."
"Ah! Hindi ko alam," aniya na napalinga pa.
"Alam mo ba kung ano'ng course niya?" si Olivia.
"Engineering—"
Hindi pa man siya tapos sa sinasabi ay tumalikod na kami.
"Thank you, de Silva!" sabay naming sigaw ni Olivia.
Mabibilis ang mga hakbang namin nang magtungo sa building nila antipatiko.
"Narito pa kaya 'yon?"
"Kapag wala na siya rito ngayon, siguradong bukas nandito 'yon."
BINABASA MO ANG
Unyielding Hearts (Hearts Series #2)
RomanceHindi naging madali ang buhay para sa isang Gianna Lopez na lumaki sa hirap. Mayroon siyang malaking pangarap para sa kanyang sarili at nangakong mabubuhay siya na walang lalaking makakapasok sa kanyang puso. Dahil para sa kanya ay isang napakalakin...