Prologue

820 9 1
                                    

KANINA pa naririndi si Raven sa pag-iiringan ng dalawang kaklase. Kung hindi lang kawalang respeto sa mga aklat, pinaliparan na sana niya ang mga ito ng isa.

"Malandi ka talaga, Ella! Ang lakas ng loob mong ipagkalat na nililigawan ka ni Axel. Ang itim-itim mo naman. Hindi kayo bagay!"

"At sino ang bagay? Kayo? Hoy, Donna, alam ng lahat na sangkaterbang gamot lang ang ipinagmamalaki mo para lang magmukha kang albino sa kaputian!"

"At least ako, maputi. Eh, ikaw? Ngipin mo lang ang maputi sàyo."

"At least ako, natural. "Eh, ikaw—"

"Manahimik na nga kayo," saway na niya sa mga ito. "Kung gusto ninyong magpaulan ng laway, doon kayo sa labas."

Nasa magkabilang panig ang mga ito kaya hindi niya gaanong mapagtuunan ang pinag-aaralang leksiyon sa susunod nilang klase. May meeting ang mga faculty teachers nang mga sandaling iyon kaya libre ang buong klase nila sa kung ano ang nais nilang gawin hanggang sa susunod na subject. Ang iba nilang kaklase ay nagpunta sa canteen at ang karamihan naman sa mga kaklase nilang lalaki ay naglalaro ng basketball—na ang ginagamit na bola ay papel—sa corridor. Siya nga lang sa klase nila ang may hawak na libro at nag-aaral. At siya na nga lang marahil ang pinakamatinong estudyante sa paaralang iyon, natuturete pa siya sa dalawang kaklase na pareho namang nagsisinungaling.

"Siya ang sawayin mo, Raven," wika ni Donna. "Dahil 'yan ang reyna ng kalandian dito."

"Ang mabuti pa, Raven, isaksak mo na lang sa bunganga ng uling nàyan ang mga libro mo."

Malakas niyang ibinagsak sa armchair ang aklat na hawak niya at hinarap ang mga ito.

"Sinabi nang manahimik kayo! Kung hindi ninyo maisara iyang mga bibig ninyo, huwag kayo rito!" Agad natahimik ang mga ito pati na rin ang ibang kaklase nilang natitira sa silid nila na nagkukuwentuhan, at the top of their lungs. "Para kayong mga tanga! Lalaki lang, pinagtatalunan pa ninyo. Kung nag-aaral na lang kayo, may silbi pa ang ibinibigay na baon sa inyo ng mga magulang ninyo."

Pagkasabi niya niyon ay nakarinig siya ng pagtawa sa pintuan. Nang lumingon siya ay nakita niyang naroon ang dahilan ng pag-aaway ng hindi lang nina Donna at Ella kundi ng iba pang mga babae sa eskuwelahang iyon.

"Hala! Lagot kayo," anito kina Donna at Ella. "Ginalit ninyo si Rachel Valoree Encina—"

"Don't you call me 'Rachel Valoree'!" Mabilis niya itong nilapitan at pinitserahan. "Sa papel lang nabubuo ang pangalan ko. Itong gulong ito ang intindihin mo." Iniharap niya ito kina Donna at Ella. "Fix this! Now!"

"Opo, Miss President. Huwag kayong masyadong mainit dahil pumapangit kayo." Sinapok niya ito. "Aray! Ikaw talaga, Raven, hindi na mabiro." He turned to the two girls and flashed them that devastating smile of his. "'Libre ko kayo ng snacks."

Mabilis pa sa alas-kuwatro na humingi sa kanya ng paumanhin ang dalawang kaklase na namula sa hiya. She rolled her eyes as she returned to her seat. Wala talagang kadala-dala ang mga babae sa eskuwelahang ito, iiling-iling na sabi niya sa sarili.

"You owe me one, Raven," wika pa ni Axel, saka sinabayan ang dalawang kaklase palabas ng classroom.

Hinubad niya ang eyeglasses bago hinilot ang kumikirot na sintido. Axel Drake de Roque. She never thought that a guy with so much name could give her such a never-ending headache.

Unang kita pa lang niya rito, two years ago, hindi na niya ito nagustuhan. Taglay kasi nito ang dalawang katangiang pinakaaayawan niya sa isang estudyante: too good-looking and a repeater. Nabalitaan pa niyang dalawang beses itong nag-aral sa first year at second year. Pangatlong taon na nitong hindi pagpasa nang lumipat ito sa eskuwelahan nila and became her constant classmate, to her dismay. So far, hindi na ito bumabagsak sa klase pero hindi pa rin makahabol sa average level ang mga grades nito. Sa halip na mag-aral ay lagi itong nagbubulakbol. Palibhasa ay galing sa isang de buena familia.

Once And Again - Sonia FrancescaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon