"NAG-AWAY ba kayo ni Papa Pogi?" pukaw ni Minerva sa atensiyon ni Raven nang umagang iyon.
"Hindi," tugon niya na hindi inaalis ang tingin sa harap ng computer monitor niya.
"Ah, LQ kung gano'n."
"Walang dahilan para magkaroon ng LQ sa pagitan namin ni Axel, dahil wala kaming relasyon," naiiritang sagot niya.
"Eh, bakit sambakol ang mukha mo? Pati si Sir Axel, hindi maipinta ang hitsura. Alam mo bang nate-terrorize na ang mga tao sa labas sa ipinapakita ninyong ugali?"
Tumayo siya sa kinauupuan niya at isinara ang pinto ng opisina. Kalilipat lang nila roon dahil tapos nang i-renovate ang buong gusali. Ipinasya kasi ng administration na ipa-renovate na ang iba pang departamento since nagkakaroon na rin ng pagbabago sa linya ng mga tauhan ng Elite.
"Huwag mo akong sisihin," aniya nang balingan ito. "'Yang si Axel lang naman ang may malaking problema sa mundo."
"Ano ba talaga ang nangyari sa inyo, ha? Last week lang, eh, close na close pa nga kayo," curious na sabi nito.
Sumandal siya sa pinto. Halos dalawang araw na silang hindi nagkikibuan ni Axel. Nagsimula ang cold war nilang iyon noong naghiwalay sila, pagkatapos ng birthday party ni Janice. Sa tuwing maaalala niya ang palitan nila ng maaanghang na salita ng binata ay tila kumukulo na naman ang dugo niya.
"We had an argument last Sunday," sagot niya. "Pinagbawalan niya akong magpaligaw sa mga kaibigan niya kahit wala namang nangyayaring ganoon."
"And...?"
"I told him not to tell me what to do. Siya pa ang may ganang magalit!" Humalukipkip siya.
"Nagseselos 'yong tao, eh. Natural lang iyon."
"Hindi siya nagseselos," giit niya, huffing as she spoke. "Wala siyang karapatang magselos at pangunahan ang buhay ko! Hindi ko siya pinakikialaman kapag nakikipaglandian siya sa ibang babae kaya wala rin siyang dahilan para diktahan ako kung sino ang pakikisamahan ko."
"So, nagseselos ka rin pala." Tumangu-tango pa ito. "Hay, naku, mapapaanak ako nang wala sa oras sa drama ninyong dalawa."
"I'm not jealous!" matigas na tanggi niya.
"Hey, you're in love with Sir Axel. Okay lang na magselos ka kapag may ibang babaeng lumalapit sa boyfriend mo."
Minerva hit her weakest point. She was in love with Axel. Kaya siya nawawalan ng kontrol sa kanyang emosyon at lumilihis sa katwiran ang mga sinasabi at ginagawa niya.
"Wala naman kaming relasyon ni Axel," malumanay na sabi niya na tanda na rin ng kanyang pag-amin. "Kaya hindi niya ako puwedeng pigilan kung sino man ang gustong manligaw sa akin."
"Teka, akala ko ba ayaw mong nagpapaligaw?" tila naguguluhan nang sabi nito.
Hindi siya sumagot. Bagkus ay bumalik na lamang siya sa likod ng kanyang desk at pahapyaw na binasa ang mga papeles na naroon. Nang umupo rin ito sa bakanteng silya sa harap ng mesa niya ay hindi na siya nakatiis.
"Sa tingin mo, nagselos talaga si Axel?" alanganin niyang tanong ngunit punung-puno ng pag-asa ang kanyang puso. "Sa tingin mo—"
"May gusto rin siya sàyo? Oo naman. Para saan pa ba ang pagwawala niya ngayon?"
Nakagat niya ang ibabang labi. "Ewan ko, Minerva. Nahihirapan akong paniwalaan ang sinasabi mo, although, inaamin kong natutuwa ako kung totoo nga ang hinala mo." Naalala niya ang pagiging magiliw ni Axel sa mga babae kahit noong nasa high school pa lang sila. Hindi pa rin ito nagbabago at ipinakita nito iyon noong birthday ni Janice. "He likes women in general. 'Yong mga ipinapakita niya ngayon sa akin, nakita ko na noon."
BINABASA MO ANG
Once And Again - Sonia Francesca
Romance"Minamahal kita kahit wala ka sa tabi ko... kaya makasisiguro kang mas mamahalin kita ngayong naririto ka na. Welcome back to my life again."