Madilim. Kasing dilim ng umagang naghihintay sa akin.
Ito na siguro ang sinasabi ni Kuya--dulo ng mundo.
Nalingat lang ako nang marinig ko ang boses ni Jack. Malakas at nagawa nitong umibabaw sa halo-halong ingay sa paligid, sa kabilang banda ay kasing hina rin ito ng isang bulong, nagawa ako nitong palingunin na ang akala ko ay nasa tabi ko lang siya.
Pero wala akong nadatnan--guni-guni lang--hindi na siya babalik.
Kadiliman ang sumalubong sa 'kin pagbaling ko sa harapan. Hindi ko man lang nalaman kung paano 'yon nangyari.
Pakapa-kapa kong binalik ang gulok sa kaluban. Kahit ang pagyuko ko para pakiramdaman ang sahig ay kakapa-kapa rin.
Pagod na ako.
Kusang tumukod ang mga kamay ko sa lapag at dahil hindi ko na rin nakayanan ang bigat ng aking katawan ay hinayaan ko na lang ang sarili na matumba.
Malamig ang sahig--parang yelo itong nakadampi sa pisngi. Hindi ko na ginalaw ang mga kamay at binti. Sa gitna ng nakakabinging katahimikan ay unti-unting nagsasara ang namimigat kong talukap. Kahit ang paggapang ng lamig sa buo kong katawan gawa ng basa kong damit ay hindi ko mabigyan ng pansin.
Hala, Kuya, 'di ba bawal ka niyan?
Napadilat ako sa nagsalita, kanina pa 'yon dumadaan sa tainga. Lumalakas ito sa bawat pag-ulit at ngayo'y tuluyan nang nakuha ang aking atensiyon.
Tumihaya ako at pinakiramdaman ang pinanggalingan ng boses. Madilim at tahimik pa rin ang paligid, walang kaluskos o kahit na ano--baka panaginip lang.
Nakatulog nga siguro ako. Hindi ko mantantiya kung ilang oras akong nakadapa kanina. Matagal-tagal siguro dahil kaunti na lang ang pangangalay ng aking katawan, kaunti na lang ang panghahapdi ng mga sugat. Ang problema ko na lang ay ang kumakalam kong sikmura--nakakapanghina. Sana kinain ko na lang 'yong binigay ni Frankie.
Nasa'n na kaya sila?
Pumikit lang ako saglit at bigla na lang pumasok sa isip ko ang pagpamulsa ni Harold. Bwisit 'yon, alam ko namang 'yong panyo na naman ang kukunin niya--patutulugin na naman ako. Ano bang akala nila sa 'kin?
Binuntong-hininga ko na lang ang inis. Mabuti na rin itong nakalayo na ako--baka hindi ko sila matantiya't sila ang pagtatagpasin ko.
Pero...
Nakagat ko ang pang-ibabang labi dahil nararamdaman ko pa rin dito ang mainit na halik ni Frankie.
Nasabunutan ko ang sarili. Hindi ito naging sapat kaya't tinakip ko ang buhok sa mukha at mariing pumikit para hindi ko na makita ang kahihiyang nagawa ko sa kan'ya.
Hala, Kuya, 'di ba bawal ka niyan?
Natigilan ako sa nagsalita na naman. Kahit wala naman akong maaaninag sa mistulang gitna ng karimlan ay luminga pa rin ako dahil parang nasa tabi ko lang ang boses.
Siguro nga'y walang tao dahil wala pa ring ibang ingay bukod ro'n sa narinig ko. Pero may maliit na ilaw na nanggaling sa aking tagiliran--masyadong maliit at halos isang dangkal lang ang nalakbay ng liwanag.
May natagpuan akong umbok nang kinapa ko ang bahaging 'yon. Alam kong nasa loob 'yon ng bulsa kaya't binunot ko na rin doon.
Ito pala 'yong garapa na natagpuan ko no'ng nakaraan. Nilapit ko 'to sa mukha para usisain ang pinagmulan ng liwanag.
Kakaiba. Mga ulap ang nasa loob nito--parang totoo dahil gumagalaw ang mga 'to na kasingkatulad ng ulap sa langit.
Unti-unting tumingkad ang liwanag sa loob, kasabay rin nito ay ang paghawi ng mga ulap. Hindi ko alam kung bakit parang pamilyar ang ganitong kaganapan. Kasingkatulad ng paghinga, pag-inom ng tubig, paggising sa umaga--parang pang-araw-araw na gawain lamang.
BINABASA MO ANG
Issa Ilusyunada
FantasySi Isabelle ay isang magandang dilag na umay na umay na sa trabaho niya bilang tagabunot ng uban kina Aling Maria. Gusto niya ring gumala, pumunta sa bayan katulad ng kaibigan niyang si Barbara. Kaso ang nanay niyang oso ay kontra-bulate at ayaw siy...