36 » pamilya montecristo

43 2 22
                                    

Ito na naman tayo at gumegewang-gewang sa kadang-kadang na sapatos. Habang hawak-hawak ni Juanita ang kaliwa kong kamay ay bitbit ng kanan ko ang ibang tela ng napakahabang bestida—binabagtas ang kahabaan ng pasilyo papunta sa silid-kainan.

Nakipagtalo pa ako sa kanya kanina. Sana 'yong kulay kahel na lang—'di-hamak na mas mababa ang takong no'n. Pero pinilit talaga ako sa puti, hindi naman daw bagay ang napili ko sa kulay asul na damit. Kahit hindi naman nakikita sa sobrang haba ng saya ay talagang pursigedo siya—parang pamimilit lang ng amo niya sa mga bagay na hindi naman dapat.

Sa huli ay pumayag na lang ako—mapapagalitan daw siya ng Donya pag hindi magkasundo ang mga kulay na ginamit—kasalanan ko pa kung malatigo 'to nang wala sa oras.

Hindi rin ako mapakali. Kahit maganda ang malawak na hardin sa labas ng maarko at matatangkad na bintana. Kahit makukulay ang mga bulaklak na nakaayos na parang entrada ng isang palasyo—hindi ko masyadong mabigyan ng pansin. Hindi mawala sa isip ko, nagalit kaya ang unggoy na 'yon?

Kahit naman wala akong gusto sa kanya, pero wala sa ugali ko ang manakit ng damdamin. Kaya ko nga hindi sinabi, kahit papano ay hindi nanggaling sa'kin—bahala siya sa buhay niya. Kaso—dati pa talaga akong nagduda, kanina ko lang napatunayan na naririnig niya ang mga iniisip ko.

Pakiramdam ko tuloy isang hukuman ang pupuntahan ko.

Parang nadadagdagan ang bigat nitong sapatos habang palaki nang palaki ang maarkong pinto na ang tangkad ay halos sukdulan na ng kisame. Para itong may mga galamay na kahit hindi ako gumalaw ay pupulupot ang mga 'to sa katawan ko at hihilain ako papasok sa loob. At do'n sa loob ay may impakto na mamumukpok ng ulo at mang-uusig ng konsensiya.

Bakit nga ba ako ang natatakot e sila nga 'yong may kasalanan sa'kin? At bakit ba kailangan ko pang gawin 'to? Pwede naman siguro na sila-sila na lang ang mag-agahan—ayos lang naman kung sa kwarto na lang ako kumain. Hay. Bahala na nga.

Binaba ko ang hawak na tela at tinaas ang noo nang makalagpas na kami ni Juanita sa malaking pinto. Hindi basta-basta ang mga makakasalo ko at ayokong magmukhang basang sisiw sa harap nila.

Umawang ang bibig ko sa nang nasa looban na kami. Itong tinatawag nilang comedor ay tatlong beses ang laki at haba sa tinutulugan kong kwarto. Parang pinasadya para sa pangmaramihang tao dahil walang ibang muwebles kundi ang napakahabang hapag-kainan na nakabalandra sa gitna ng silid. 

Masyadong mahaba ang lamesa na maliit sa paningin ang tatlong nakaupo sa kabilang dulo. Hindi ko masyadong maaninag ang nasa kabisera at ang nasa kaliwang bahagi nito—pero napansin ko ang pagtayo ni Harold na galing sa pagkaupo sa kanang kamay ng kabisera. Suot ang itim na amerikana ay patakbo niya kaming tinungo. Nakakaduda ang liwanag ng mukha nito at ang ngiti na abot hanggang tainga.

"Mahal…" Kinuha niya kay Juanita ang kamay ko at sinabit ito sa bisig niya.

"H'wag mo nga akong matawag-tawag niyan at naiirita ako." Dumikit ako sa kanya para kaming dalawa lang ang nakakarinig. Kaso pinaningkitan ako ng mata. Nanatili ang mapang-asar nitong tingin sa nakadikit kong katawan sa tagiliran niya. Mabilis kong inusog ang sarili para nagkaro'n ng awang sa gitna namin. Letse, lahat yata ng ginagawa ko ay binibigyan ng malisya nito.

Sa iba ko na lang tinuon ang pansin habang binabaybay namin ang kahabaan ng lamesa. Hindi ko mapigilan ang sarili na mapasulyap sa mga obra na nakapaskil sa dingding. Iba-iba ang sukat, makukulay ang pagkapinta, at lahat ng mga 'to ay guhit ng mga tanawin. 

Takipsilim sa isang dalampasigan, apat na magkakatabing duyan sa isang parke, isang bangin sa gilid ng dagat, at may marami pa.

Hindi lang maalis-alis ang mata ko doon sa pinakamalaki. Isang kapatagan kung saan katulad na katulad ang hitsura nito sa baba ng bangin kung saan ako nakatira. Nando'n ang nagkalat na kulay dilaw at lilang bulaklak. Nando'n ang punso na tinubuan ng mga ligaw na damo, at kung lalakihan pa ng konti ang obra ay masasama na ang bahay ni Jack na katabi lang mismo nito. Hindi maalis-alis sa isip ko kung saan nila nabili o kung sino ang nagpinta ng obra.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon