Nagising akong lumuluha. Panaginip lang pala ang lahat.
Pero bakit gano'n? Bakit masakit?
Ang bigat sa dibdib na nakatayo sa harapan niya at pinagmamasdan siyang tahimik na umiiyak. Parang ang tagal naming hindi nagkita. Parang taon na gusto ko siyang yakapin nang mahigpit na mahigpit, sabihin sa kanyang tama na, nandito na 'ko.
Ang gulo. Panaginip lang 'yon, bakit masyado akong apektado? Kahit ngayo'y masakit pa rin.
"Aga ng gising natin ah."
Biglang tingin ko sa nagsalita. Ang daming bubuyog sa utak ko't hindi ko napansin na nasa labas na pala ako ng kwarto.
"Andito ka pala Kuya Lab, kailan ka lang dumating?" tanong ko sa aso sa harapan. Ang lapad lang ng ngisi niya at kita na ang lahat ng pangil. Napangiwi tuloy ako sa naninilaw nitong ngipin, nagsisipilyo pa kaya 'to si Kuya?
Nakatayo siya sa dalawa niyang paa at nakasandal pa sa pintuan ng sarili niyang kwarto. Para ngang may gyera sa likod e. Ang lakas ng dagundong ng metal rock daw kuno. Nakakabingi. Ang hirap talaga pag may rockers na kuya.
"Ano 'yang nasa mata mo? Umiiyak ka?"
"Huh? Ah—eh—wala Kuya—" Kusang tumalikod ang katawan ko sa kanya. Kunyari kong tinapik-tapik ang pisngi, at palihim na hinahapyawan nang punas ang mata. Ay kainis, narinig ko ang yapak niya papalapit.
"Wala 'to Kuya, muta lang─"
Tumigil si Kuya. Nagpatunog ng malutong niyang tsk.
"Maghilamos ka nga, kababae mong tao."
Nakahinga ako nang maluwang nang marinig kong naglakad na siya palayo. Hay, buti na lang.
Nagpunas ako nang maayos. Ayokong may makita siyang ebidensiya. Mahirap na, usisero kasi 'to si Kuya. Kumukurap-kurap, minasa-masahe ang pisngi, at sinuklay ang buhok ng daliri. 'Yan, pwede na 'yan.
"Kailan ka dumating Kuya?" tanong ko ulit sa kanya. Nakasalampak siya sa sahig at nagkakamot ng tenga. Masyadong mabalbon, akala mo e itim na balahibo na tinubuan ng aso.
"Kagabi lang." Bahagya siyang tumingin.
"Hindi na kita ginising. Labas pa lang rinig ko na 'yang hilik mo." At bumalik si Kuya sa pagkakamot.
"Yabang mo naman Kuya! Hindi ako naghihilik ah!" Binato ko siya ng maliit na unan na nadampot ko sa sofa.
"Kaninong hilik pala 'yon? Alangan sa 'kin." Nasalo ng bibig niya ang unan na lalo kong kinainis.
"Kumusta naman kayo rito?" pormal niyang tanong. Nakakainis din 'to si Kuya e. Pang-aasar lagi ang inaabot ko sa tuwing umuuwi siya. Mukhang wala nga yatang pasalubong.
"Kumusta si Nanay?" dagdag pa niya.
"Okay lang Kuya, lagi pa ring sunog ang pagkain. S'yempre, lagi ring daing," sagot ko habang naghahalungkat sa aparador ng pwedeng lutuin.
BINABASA MO ANG
Issa Ilusyunada
FantasySi Isabelle ay isang magandang dilag na umay na umay na sa trabaho niya bilang tagabunot ng uban kina Aling Maria. Gusto niya ring gumala, pumunta sa bayan katulad ng kaibigan niyang si Barbara. Kaso ang nanay niyang oso ay kontra-bulate at ayaw siy...