Dark Angel

17 0 0
                                    


Sa mundong ibabaw, may mga bagay na kahit gaano natin inaasam, hinding-hindi mapapasaatin.

Tulad ng pusong hindi ikaw ang minamahal, karangyaang hanggang kamatayang hindi makakamit o buhay na walang biyayang palugit. Bawat tao, may isang bagay na taos-puso nilang hinihiling sa Diyos o sa mga bituin sa langit. Nagsusumamo at naghihintay ng sagot.

Naranasan ko ang ganitong bagay. Sa murang edad, madilim na ang nakaguhit na buhay na sa paglaki ay aking gugunitaing alaala. Bayolente ang aking ama at sugarol ang aking ina. Mayroon akong nakakatandang kapatid na sa kasamaang palad ay namatay sa kalupitan ng aming tadhana. Pero bata pa ako para maintindihan iyon.

Isang araw, isang milagro ang dumating sa aking buhay. Natuklasan ng awtoridad ang aking kasawian, marahil ay sa tulong ng ilang kasambahay at ako ay sumama sa mga taong hindi ko kilala. Kahit ganon, mas naramdaman ko sa kanila ang kaligtasan na palihim kong ipinapanalangin. Isang gawaing itinuro ng aking kapatid habang siya'y nabubuhay pa.

Hiniling ko na sana ay mailayo ako sa mga taong nagpapahirap sa aking buhay at makahanap ng bagong tahanan, ng bagong kaibigan, at mabuhay sa ginhawa.

"Huwag kang susuko, Matthew. Balang-araw matitigil din ang lahat ng paghihirap natin. May tutulong sa atin, basta't maghintay lang tayo."

Nakangiti ang maamong mukha ni Kuya sa akin. Payapa ito, kasing-payapa ng malapad na damuhan o ng alapaap. May yumakap na init sa aking puso nang muli ko siyang masilayan.

"Oras na, Matthew." Huling sinabi niya bago nawala ang ilusyong nakapaligid sa akin.

×

"MATTHEW! Gising!"

Kasabay ng aking pagmulat ang nag-uunahang pagpatak ng ulan sa aking buong mukha. Malamig at kumikirot ang aking balikat.

"Matthew!"

Ikinurap ko ang malabong paningin ngunit ang pinakamalinaw na imaheng tumambad sa aking paningin ay pigura ng isang babae. Rinig ko ang kanyang paghikbi sa gitna ng ingay ng ulan at kulog. Nadagdagan ang bigat ng aking pakiramdam dahil sa kanyang pagtangis.

"Frey..." May panghihina sa aking boses. Dumaing ako, pinilit na umupo sa aking kinahihigaan.

"Don't move! May sugat ka. Maghintay ka lang, paparating na ang ambulansya."

Hindi ko maiproseso ng mabuti ang sinasabi niya. Parang lumilipad ang utak ko, hindi mapirmi sa isang bagay. Naglalakbay ito sa aking nakaraan, sa mga mapapait na alaala.

"Freya..." Tinawag ko ulit siya, na para bang masasagip ako noon mula sa kadilimang humihila sa aking hwisyo.

"Don't be afraid, nandito lang ako...You'll be okay, Matt."

Nagdulot ng ginhawa ang mga salitang iyon. Parang mahika, parang himala...binura noon ang pangamba sa aking puso. Ngumiti ang nanginginig kong labi at pinilit abutin ang kanyang imahe. Naramdaman ko ang kanyang kamay na sumalubong sa aking palad. Maliit ang kanyang kamay ngunit mainit ito at kaagad akong nabalot ng seguridad.

×

Nasa unang taon ako ng high school nang una kong makilala si Freja Calsua. Siya ang nakakatandang kapatid ni Frudo, kaklase ko.

"Ate!"

Nakatayo siya no'n sa kanilang garahe, kinukumpuni ang isang motor na medyo may kalumaan na. Nakasuot siya ng itim na sando at maikling maong na shorts kaya lumitaw ang magandang hubog ng kanyang katawan.

Hindi pa siya naki-kwento sa akin ni Frudo dahil kahapon lang naman kami nagkakilala. Ang alam ko lang, mayaman ang pamilya nila at malapit sila sa alkalde ng isla.

Dark AngelWhere stories live. Discover now