Chapter Fourteen

120 9 0
                                    

MALAYO pa sa baybay, pinatay na ni Mac ang makina ng Zodiac. Nagsimula silang magsagwan at matapos ang kalahating oras, lumundag na sila sa tubig at itinulak ang bangka sa likod ng mga batu-bato sa isang banda ng isla.

Maingat silang gumalaw. Dahil maliwanag ang sinag ng buwan, maaari silang mamataan kahit pa itim ang suot nilang uniporme.

Kung walang aberiya, nakapuwesto na sa labas ng resort ang mga sundalo ng Indonesian National Armed Forces. Malamang dumating na rin ang SEAL Team ni Mac. Si Fuentes ang target ng mga ito. Si Bryce ang sa Sentinels.

Isa-isa niyang tinignan ang kanyang mga teammates. Teammates. Teammates niya ang limang lalaki at isang babae na kasama niya ngayon. Hindi siya boss o trainer lamang ng mga ito. They were his team.

Tumango rin siya at nakatalungko silang lumapit sa perimeters ng resort. Napansin kaagad ni Mac ang helicopter na nakatigil sa isang helipad. May mga nagroronda rin doon, mga lalaking may hawak na matataas na kalibre ng baril. May mga Indonesian at may mga Pilipino.

Ang paalala sa kanila ng kanyang ama, gusto ng Amerika na mahuli nang buhay si Fuentes. Free for all na ang iba.

Mula sa pinagkukublian nila sa likod ng malalaking mga bato, nakita ni Mac na may dalawang guwardiyang lumapit sa bakod na kahoy. Marunong siyang mag-Bahasa kung kayat naintindihan niyang si Bryce ang pinag-uusapan ng mga ito. Sumenyas siya kay Cameron. Tumango ang pinsan at ipinasa ang instructions niya sa iba pang mga Sentinels.

Muli niyang binalingan ang dalawang guwardiya. Nagpaalam na ang isa habang naiwan ang isa pa na naninigarilyo. Lumapit si Mac dito. Walang tunog ang kanyang mga yabag. Walang kaalam-alam ang guwardiya na nasa likod na pala nito ang kamatayan.

Mabilis na inikot ni Mac ang isa niyang braso sa leeg ng lalaki at walang ingay itong namatay nang baliin niya ang leeg nito. Sinalo niya ang katawan ng lalaki at hinila iyon para itago sa gilid ng mga batuhan. Sa di kalayuan, nakita niyang hinihila rin ni Cam ang katawan ng isa pang guwardiya.

Pilit niyang itinulak patungo sa likod ng kanyang isip ang pag-aalala para kay Bryce. Hindi niya kailangan ng distractions ngayon. Mahal niya ang babae pero kung mayat maya ay iisipin niya ito, sigurado niyang magiging mahirap ang misyon na ito, ang pinakamahalagang misyon ng buhay niya.

NAGISING si Bryce na nangangalay ang buong katawan. Nakahiga siya ng patagilid sa isang malambot na bagay pero hindi niya maigalaw ang kanyang mga braso. Doon niya napansin ang malamig na bakal na nakapalibot sa kanyang pupulsuhan. Naka-posas siya.

Nahihilo pa siya pero nagpumilit siyang maupo. Nasisinagan lamang ng ilaw ng buwan ang malawak na silid kung saan siya naroon. Mukha itong hotel room. Naka-upo siya sa gitna ng isang malaking kama, at maliban sa mga posas, para lang siyang bisita sa isang eksklusibo at mamahaling resort.

Nasaan siya?

Sinubukan niyang tumayo pero umikot ang mundo at napaluhod siya. Nasagi niya ang side table at nahulog ang lamp na naroon. Gumawa iyon ng ingay. Mabilis na nagbukas ang pinto at sumindi ang ilaw. Parang karayom na tumusok sa mga mata niya ang liwanag niyon. 

Nakatayo roon ang isang matangkad na lalaki na malaki ang pangangatawan. Naka-suot ito ng maong na pantalaon, t-shirt at jacket, at may nakasabit na assault rifle sa isang balikat. Lumapit ito sa kanya at hinila siya patayo. Itinulak siya nito pahiga sa kama habang may sinasabi. Hindi niya maintindihan ang mga salita pero base sa pagkilos ng mga kamay nito, pinapahiga siya nito at sinasabing manatili siya sa kama bago ito mabilis na lumabas.

Pumikit si Bryce. Umiikot talaga ang kanyang paningin. Saan ba siya dinala ng mga galamay ni Fuentes?

Umusog siya at naramdaman ang pagsilid ng isang bagay sa kanyang dibdib. Ang dog tag ni Mac. At least alam niyang mahahanap siya ng mga Sentinels. Kumirot ang kanyang puso nang maisip si Mac pero pilit niyang iwinaglit sa kanyang isip ang binata. Hindi iyon ang tamang panahon para sa mga personal na bagay.

Sentinels Book 6: Immortal BelovedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon