CHAPTER THIRTEEN
NATIYAK niyang nabasa nito ang isinulat niya sa card base sa pagkakangiti nito. Tinatawanan ba siya ng binata? Namumula ang pisnging ibinalik niya sa envelope ang card.
"Happy birthday," sabi nito na hindi nawawala ang pagkakangiti.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya.
"Hindi mo alam?"
Gusto niyang lihim na mainis. Itatanong ba niya kung, alam niya?
"Akala ko'y nasabi ko na sa 'yo minsan na pag-aari ng pamilya namin ang tindahang ito at ang iba pa na nasa ibang lugar."
Pagkapahiya naman sa sarili ang nadama niya nang maalalang ito nga pala ang tindahang sinabi sa kanya ni Dan noon.
"Ang akala ko pa naman, namili ka rito dahil alam mong narito ako," sabi ni Dan na ngayon ay hindi na nakangiti at waring nahulog sa pag-iisip. "Dahil imposible namang isipin kong aksidente na naman kaya tayo nagkita ngayon."
Gusto niyang sabihing aksidente nga ngunit alam naman niyang hindi na nga iyon magiging kapani-paniwala. Inilayo na lamang niya ang sagot.
"Nagandahan ako sa isang hikaw na ibinibenta n'yo."
"Kaya... iniregalo mo sa sarili?"
Tingin niya ay hindi naman nanunudyo si Dan sa pagkakatingin sa kanya.
"Birthday mo nga ba?"
Nahihiyang tumango siya.
"At nagsi-celebrate kang mag-isa?"
"Kakantiyawan ako sa Hi-Marc kapag ipinagsabi kong birthday ko,"
"Wait..." sabi ni Dan at lumapit sa isang babae sa counter na hindi nakaunipormeng paris ng mga salesladies. May sinabi rito si Dan at bumalik na sa kanya.
"Tena," sabi nito at inalalayan pa siya sa siko.
"S-saan?" takang tanong niya.
"Palagay ko'y ngayon na ang pinakatamang panahon para matuloy ang dinner natin na hindi natuloy noon."
Ibinuka niya ang bibig para magprotesta, sabihing kumain na siya.
"C'mon, Linda," at bahagyang humigpit ang pagka- kahawak nito sa siko niya. "You owe it to me. Minsan man ba ay humingi ako ng pabor sa pagdadala sa Hi-Marc ng mga kostumer? Ito na lang ang bayad na hihingin ko. Tutal, birthday mo naman,"
Dahil sa sinabi ni Dan ay napilitan siyang magpaunlak. Ano na nga ba ang pakikisalo rito sa hapunan kumpara sa pabor na nadala nito sa pinagtatrabahuhan niya?
"Huwag na tayong lumayo," sabi niya nang palabas na sila.
Patay-malisyang binawi niya ang siko at mag-isang lumakad.
"I know of a good place here," sabi ni Dan.
Pumanhik sila sa second level at lumakad hanggang sa dulo ng SM. Ipinasok siya ni Dan sa isang Chinese restaurant. Easy Dragon, sabi ng wari'y naglalagablab na pulang karatula sa labas.
Bago sa kanya ang mga nakasulat sa menu kaya si Dan na ang binayaan niyang umorder para sa kanila. Parang pamilyar na ang binata sa mga nakasulat sa menu nang umorder.
"Hindi mo sinabi agad na birthday mo," sabi nito nang makalayo ang weyter.
"Sana'y nakapaghanda man lang ako ng kahit anong regalo."
"Hindi ko talaga ipinagsasabi ang birthday ko."
"Si Sophie... alam ba niya?"
Tumango siya, iniiwas ang tingin sa wari'y nag-aaral na namang pangmasid ng kaharap.
"Palagay ko, may pinag-awayan kayong dalawa."
Napatingin siya rito.
"Oo. Wala lang sa inyong gustong magsabi sa akin kung ano. Pero sigurado akong may hindi kayo pinagkasunduan. Well, kung gusto ninyo iyong maging sekreto ay labas na siyempre ako."
Inihain sa mesa ang mga inorder ni Dan. Nalula siya sa dami ng iba't ibang pagkaing nasa harapan. May mga kulay- dilaw na kanin na may mga sugpo. May maiitim at tila madulas, hiwa-hiwang karne. May waring lumot sa ibabaw ng tingin niya'y fresh squid meat. Ginaya niya si Dan at sinimulan ang soup.
Akala niya hindi siya makakakain nang husto dahil sa kinaing cake. Nagtaka siya na magana siya at pati ang mga pagkaing inakala niyang hindi niya magugustuhan dahil sa ayos ay kinain niya at naibigan.
Maraming natira sa mesa nang matapos silang kumain. Nanghihinayang siya pero nahihiya naman siyang sabihin kay Dan na ipabalot iyon.
"Ano'ng gusto mong dessert?" tanong ni Dan nang nililigpit na ng weyter ang mesa.
"Wala," sabi niya. "Uubusin ko na lamang itong softdrinks ko."
Humingi ng black coffee si Dan.
"Saan kaya ang ladies room dito?" tanong niya.
Itinuro ni Dan ang dulong panig ng restoran. "Gusto mong samahan kita?"
"Hindi na," sabi niya at tumayo na "Excuse me."
Tumayo si Dan at naupo lamang nang palayo na siya. Gusto lang naman niyang tiyaking ayos pa ang mukha kaya nagtungo sa ladies room. Naglagay siya ng kaunting pulbos nang makitang bahagyang nangingintab ang dulo ng ilong niya. Bahagyang-bahagya pinahiran niya ng lipstick ang mga labi. Ayaw naman niyang mahalata ni Dan na nag- ayos siya kaya nagtungo sa ladies room.
Pagbalik niya ay ubos na ni Dan ang kape. Nagmamadaling inubos na rin niya ang natitirang softdrink sa baso. Nang maubos iyon ay nagtatanong ang tinging sinulyapan niya si Dan.
"Let's go," ang sabi nito.
"Nabayaran ko na'ng kinain natin."
Akala niya ay babalik na si Dan sa tindahan. Nagtaka siya nang magyaya pa itong bumaba sa hagdan nang makarating sila ng ibaba. Ang alam niya ay basement na ang ilalim, parking lot.
"Ihahatid kita," ani Dan na hindi humihingi ng opinyon kundi sinasabi talaga ang gagawin.
Tututol sana siya pero nakaramdam siya ng wari'y panlalabo ng tingin. Inaantok siyang di niya mawari.
Lumalaganap ang panlalambot sa buong katawan niya at parang bibigay ang mga tuhod niya. Nasa dulo na sila ng hagdan nang maramdaman niyang bumigay ang sarili.
Naramdaman niya ang maagap na pagsambot ni Dan.
BINABASA MO ANG
HINDI SINUSUBOK ANG PAG-IBIG (COMPLETED)
RomanceMalinaw ang usapan ng mag- kaibigang Linda at Sophie: idadaan nila sa pagsubok ang sino mang lalaking magugustuhan ni Sophie. P.S: All Credits goes to the Writer/Publisher of the Books. Nang dumating sa buhay ni Sophie si Dan, nag-iba ang takbo ng h...