Mahigit isang linggo na rin akong namamalagi sa Isla Eos. Walang araw na iniwan ako ni Piolo. Mabuti na lang ay dala niya ang kanyang laptop kaya naman nagagawa niya parin ang kanyang trabaho. Nahihiya na nga ako dahil pakiramdam ko ay nakaka-abala ako sa kanya.
Hanggang ngayon ay wala parin akong balita tungkol kay Ethan. Hindi naman tumatawag o text si Ethan jay Piolo.
Sa ilang araw na pamanalagi ko rito ay madalas ko ring pinag-iisipan kung magpaparamdam na ba ako kay mom. Ilang taon ko na rin kasi silang hindi nakakausap at nakikita. Hindi ko alam kung paano ako haharap sa kanila.
Mas nagiging malapit na nga ako kay Piolo dahil kami lang din naman ang palaging magkasama. Pakiramdam ko ay payapa at malaya ako dito. Minsan ay nakararamdam parin ako ng takot na baka mahanap ako ni Ethan pero sa t'wing nararamdaman ko 'yon ay nandito si Piolo para sa akin.
"Everything okay?" Sambit ni Piolo habang naglalakad palapit sa akin.
Ngumiti ako sa kanya. "Tapos ka na?" Tanong ko at nakangiti siyang tumango. "Kain na tayo. Luto na dinner natin." Pag-aya ko sa kanya.
"Hay, Kiara. Patatabain mo yata ako sa mga luto mo." Aniya matapos kumain. Naka-ilang sandok kasi siya ng kanin. Mabuti nalang at brown rice ang kinakain namin kaya hindi ito gano'n kabigat kumpara sa white rice.
"Makakapag-workout ka naman, 'no." Aniko ko at pabirong umirap.
"Ayan ka na naman sa mga mata mo. I thought you were a sweet girl when I first saw you." Aniya habang napapa-iling pa.
"Sweet girl naman talaga 'ko, ah." Mayabang na sabi ko. Pinagkrus ko pa ang aking mga braso at mataray na tumingin sa kanya. Tanging tawa na lamang ang naisagot niya at nagprisintang siya na ang maghuhugas ng plato.
Tahimik akong nanonood ng TV nang mag-ring ang phone ni Piolo. Inutusan niya akong sagutin 'yon kaya naman agad ko itong kinuha.
"Hello?" Bungad ko.
["A-Ah... Hello, boss?"] Sagot ng isang lalaki mula sa kabilang linya. Ibinigay ko agad ito kay Piolo dahil baka importanteng tawag ito.
"Yes, Drew?" Sambit ni Piolo habang nagpupunas ng kamay. "Gago, she's not." Natatawang sabi pa nito. Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila kaya naman bumalik na ako sa panonood.
"Kiara." Tawag sa akin ni Piolo kaya naman napalingon ako sa kanya. "I need to go. We had an emergency in the office. We had a client who wants to press charges against us." Aligagang sabi niya. Agad siyang naghanda at mabilis na umalis.
Pagkaalis niya bumalik din ako sa panonood.
Malalim na ang gabi nang matapos ang pinapanood ko kaya naman napag-pasyahan ko ng i-lock ang mga pinto. Pumasok na ako sa aking kwarto pagkatapos. Nalinis ko na rin kasi ito matapos ang ilang araw na pamamalagi ko rito. May mga gamit parin ngunit naka-ayos ang mga ito kaya maaliwalas parin itong tignan.
Patulog na ako nang magring ang aking phone. Dahil si Piolo lang ang nakakaalam ng number ko ay alam kong siya agad ito.
["Kiara?"] Pagtawag niya sa aking mula sa kabilang linya.
"Oh? Ayos ka lang dyan?" Tanong ko.
["Yes. But I think I wouldn't be able to go home tonight."] Aniya na may pag-aalala sa kanyang boses. ["Make sure to lock all the doors and windows, okay? I'll be back as soon as I settle this."]
"Okay, ingat ka d'yan." Sagot ko bago pinatay ang tawag.
HALOS tanghali na akong nagising kaya naman agad akong lumabas para tignan kung umuwi na si Piolo. Paglabas ko ay dismayado ako dahil hindi pa siya umuuwi.
Nagluto na lang ako ng itlog at nagsaing ng kaunti at pagkatapos ay kumain.
Nanood lamang ako ng TV pagkatapos kong maghugas ng plato. Mabuti na lang ay hindi gaanong mainit ang sikat ng araw ngayon kaya naman naisipan kong mag-swimming sa dagat. Hindi ko parin kasi nasusuot ang two-piece na binili namin ni Piolo no'ng nakaraang pumunta kami sa bayan.
Agad akong nagbihis at excited na lumabas ng bahay. Nagsunblock na rin ako upang hindi ako mangitim at ma-sunburn.
Katamtaman lang ang temperatura ng tubig kaya naman napakasarap lumangoy dito. Ito ang unang beses na nagswimming ako dito.
Mag-isa kong in-enjoy ang magandang tanawin at masarap na simoy ng hangin.
Napakasarap ng simoy ng hangin. Ang bawat alon na dumadampi sa balat ko ay napakasarap sa pakiramdam. Ramdam ko ang pagiging malaya. Ramdam ko ang payapang lugar na ito ay gano'n din ang nararamdaman ng puso ko. Ang lahat ng ito ay dahil sa kabutihan ni Piolo. Ang taong hindi ko inaasahang makatutulong sa akin na makawala sa ilang taong bangungot na dinadanas ko.
Tumingin akong muli sa magandang tanawing nakapaligid sa'kin. Isa isang bumagsak ang aking mga luha. Inalala ko ang lahat ng pinagdaanan ko sa kamay ni Ethan. Ang lalaking akala ko ay mamahalin ako ng buong-buo at hindi ako kayang saktan. Ang lalaking akala ko ay siyang magpaparamdam sa akin ng kapayapaan ngunit siya ang naging sanhi sa lahat ng trauma at takot na nararamdaman ko.
Ang naging dahilan ng sakit na nararamdaman ng puso ko. Ang lalaking naging dahilan kung bakit ako nakaranas ng bangungot na hindi ko inakalang mararanasan ko. Ang lalaking akala ko'y mamahalin ako ngunit naging kabaligtaran ito.
Ipinilig kong muli ang aking ulo. Hindi ko na dapat pa iniisip 'yon. Nakawala na ako sa malulupit niyang kamay at hindi ko na hahayaan pang mabalik ako sa gano'ng sitwasyon ulit. Hindi ko na hahayaan pang maging punching bag ako ng isang lalaking hindi kayang kontrolin ang emosyon niya.
Hindi na, Kiara. Dahil lalaban ka.
Hindi ko na hahayaan pang agawin muli ng lalakingn 'yon ang kapayapaan at kalayaan ko. Hindi ko na siya hahayaan pang saktan ako.
Ngumiti ako at pinunasan ang mga luhang pumatak mula sa aking mata. Nagtampisaw ako sa tubig na parang bata na ineenjoy ang karagatan.
'Salamat, Piolo. Salamat sa pagtulong sa akin na maging malaya at payapa muli.'