SA ILANG ARAW na paghihintay sa itinakdang araw, nalubos ang kaligayahan ni Amanda. Oo nga't walang katagang namumutawi sa labi ni Vincent tungkol sa kung ano na ang damdamin nito sa kanya, napagtagumpayan naman nitong ipadama sa kanya na parang may katugon na rin sa puso nito ang damdaming katulad ng sa kanya.
Iyon ang naisip ni Amanda hanggang sa dumating ang araw ng kasal nila. Pakiramdam niya'y wala na siyang mahihiling pa.
"Alam mo ba, Amanda, ikaw na yata ang pinakamagandang babae na ikakasal na naayusan ko," kumekembot na pahayag ng baklang beautician na nag-ayos sa kanya.
Suot na niya ang magandang trahe de boda na yari sa mamahaling lace. Naaadornuhan ito ng mga sequins at nagkikislapang palamuti, sariwang orkidyas ang pinaka-headdress niya.
Itinaas ng baklang beautician ang mahaba niyang buhok na hinayaang may malaglag na ilang hibla sa may gilid ng pisngi niya. Lalo siyang naging kaakit-akit sa ayos niyang iyon. At sa kanyang pagkakatitig sa salamin, nasabi niya sa sariling may dahilan din naman si Vincent na pumayag sa kagustuhan ng ina nito. Hindi ito agrabyado.
Buo na sana ang kumpiyansa niya sa sarili. Nang biglang dumating ang isang babaeng may hatid na masamang balita.
"Señorita, may bisita po kayo." Sumungaw sa pintuan ang katulong.
"Hindi mo ba sinabing paalis na ako? Pumunta na lang siya 'kamo sa reception," mungkahi niya.
"Kailangan kitang makausap." Biglang sumungaw sa likod ng katulong ang babae na noon lamang niya nakita.
Maganda ito, halatang mayaman at sopistikada kung manamit. Halata sa kilos at pananalita ang pagkaaristokrata.
"Gusto kong magkausap tayo nang masinsinan, 'yung tayong dalawa lang." Nilinga nito ang katulong at ang beautician.
"Sige," kinakabahang pagsang-ayon ni Amanda. "Iwanan muna n'yo kami."
"Ako si Alyssa, ka-live-in ni Vincent sa Amerika," pakilala nito nang sila na lamang ang nasa loob ng silid.
"So, isa ka pala sa naging ka-live-in ni Vincent." Nag-uumpisa na siyang mairita. "Ikakasal na kami. I think, nag-usap na kayo nang mahusay ni Vincent bago kayo naghiwalay."
"Nagkakamali ka," anito, larawan ng isang tusong kalaban. "Magkasama kami kagabi at hanggang kaninang umaga. Magkatabi kaming natulog at magkaniig sa buong magdamag. Hindi ka ba nagtataka kung bakit nag-check in pa siya sa Westin Philippine Plaza, samantalang puwede namang dito na siya magmula ngayong umaga?"
"So, what exactly do you mean?" Gayunpama'y pilit niyang itinago ang pagkagimbal sa natuklasan.
"Dapat sana'y hindi ko sasabihin ito, ngunit naaawa ako sa 'yo. Ginagamit ka lang niya. Alam ko ang kuwento ng buhay n'yo dahil ang lahat ay ipinagtatapat niya sa akin. Ganoon niya ako kamahal. Ang balak niya, pakakasalan ka niya para makuha ang mana. Tapos, papatayin ka niya."
"Hindi totoo 'yan!" Kumawala ang galit sa bibig niya. "Kung totoo ang sinasabi mo, bakit mo ito ipinagtatapat sa akin? Hindi ba't makakasira ito sa balak niya?"
"Dahil mahal ko siya. Ayaw kong maging kriminal siya." Pinalamlam pa ng babae ang kanyang mukha.
"Paano ko paniniwalaan ang sinasabi mo, samantalang damang-dama ko nitong mga huling araw na hindi lang pera ang hangad niya sa pagpapakasal namin? Mahal na niya ako."
Sa kaunting pag-asa ay nanangan siya, kahit pa nga biglang sumibat sa isip niyang siya lamang ang nagpalagay na ganoon na nga sila ni Vincent.
"Kung kilala mo si Vincent, malalaman mong nagsasabi ako ng totoo. Lahat ay kaya niyang gawin para sa kayamanang sa paniwala niya ay para sa kanya lang. Hindi kita pipiliting maniwala. Ang sa akin lang, makabawas sa bigat ng konsyensya ko kung saka-sakali. Magpapaalam na ako, pag-isipan mo." Iyon lang at umalis na ang babae.
BINABASA MO ANG
Mahal Kita, Saktan Mo Man Ako - Jorina Reyes
RomansDapat munang magpakasal si Amanda kay Vincent bago nila kapwa matanggap ang kanilang mga mana. Ayaw sana niyang pumayag dahil wala naman siyang interes sa mamanahin. Pero interesado siya kay Vincent, kaht na alam niyang may girlfriend na ito...