Chapter 10

827 15 2
                                    

ALAS-ONSE NA NG GABI nakauwi si Amanda. Inabutan niya si Vincent na tulog na. Nag-shower muna siya bago nahiga sa tabi ng asawa. Iningatan niyang huwag makagawa ng kilos na sukat ikagising ng lalaki.

Hindi kumikilos ang lalaki. Na sa katotohanan ay nakikiramdam lamang. Timping-timpi ang kalooban nito, gustung-gustong komprontahin ang babae.

Tulog na si Amanda nang bumangon si Vincent. Matiim na pinagmasdan ang kagandahang nakalatag sa tabi niya. Ang kagandahang inaakala niya ngayong makamandag pala.

Kinuha nito ang bag ng babae na nakapatong sa ibabaw ng tokador. Magbabakasakali siyang baka may matuklasan siya roon kung pakikialaman niya ang gamit nito.

At hindi nga nagkabula ang hinala. Nakuha niya sa bag nito ang resulta ng pregnancy test. Nanlalambot siyang napaupo sa gilid ng kama. Ito ba ang iniiyakan ni Amanda sa dibdib ng lalaking kinatagpo sa mall?

At kaninong anak ang batang dala-dala nito ngayon? Kanya ba o sa lalaking kasama ng asawa kanina?

Napasuntok sa palad si Vincent. Malalalim na buntunghininga ang sunud-sunod na hinugot upang pakalmahin ang sarili.

Tumayo siya at nilapitan ang asawang natutulog. Tiim-bagang na muli niyang pinagmasdan ang kagandahan nito. Kagandahang noon pa man ay hindi na niya makalimutan kahit anong pagpipilit ang kanyang gawin noong nasa Amerika pa siya.

Napadilat si Amanda sa pakiramdam na may nagmamasid sa kanya. Namulatan niya ang galit na titig ng asawa.

"Vincent, bakit?" Agad ay naghinala siya na ito na ang gabing hinihintay niya. Ang araw na papatayin na siya nito.

Takot siya. Ngunit hindi para sa kanya, kundi mas higit sa kaligtasan ng batang nasa sinapupunan niya.

Hindi umimik ang lalaki. Nagsindi ito ng sigarilyo at nagbuga ng usok.

Na lalong nagdulot ng ibayong tensyon at takot kay Amanda.

Tumayo siya sa pagkakahiga. Lalaban siya. Kahit ikamatay nilang mag-ina, lalaban siya. Ngunit wala ang marahas na kilos sa anyo ng lalaki. Pabuntunghiningang naupo ito at tumitig sa asawa.

"Sana, Amanda, kung talagang ayaw mo sa akin, sana'y sinabi mo. Bakit kailangang saktan mo ako nang ganito?"

Napamaang si Amanda sa sinabi ng lalaki. Nalilito na nga siya'y lalo pa siyang naguguluhan sa sinabi nito.

"Ipapaayos ko na kay Attorney ang manang paghahatian natin. Malaya ka na."

"Vincent, ano ba'ng pinagsasabi mo?" Nawala ang takot sa dibdib ng babae.

"Bago tayo ikasal, nakuha ko ito sa mga gamit ni Mommy." Isang nakatuping sulat ang iniabot ni Vincent kay Amanda.

Sa aking mga anak,

Ang naunang sulat na binasa sa inyo ni Atty. Salvador ay walang katotohanan. Ang sa akin lang naman ay baka sakaling matutuhan ninyong tanggapin ang isa't isa. Ngunit kung hindi ninyo masusunod ang habilin ko, ay walang bisa ang testamentong aking iniwan. Paghahatian pa rin ninyo ang kayamanang naiwan ko.

Gayunpaman, na kay Vincent na kung papayag siyang bigyan si Amanda ng kaparte sa kayamanang naiwan. Hindi naman legal ang pagkakaampon ko kay Amanda kaya't totoong wala siyang karapatan sa mga naiwan ko.

Ang bahaging ito'y nakasaad din sa testamentong iniwan ko, ibinilin ko nga lamang kay Atty. Salvador na saka na basahin.

Muli, patawad, mga anak.

Nagmamahal, A ng inyong ina

Napakapit sa gilid ng kama si Amanda. Parang mauuyot ang kanyang pakiramdam. Bigla rin ang dating ng realidad sa kanyang pang-unawa. Matagal nang alam ni Vincent ang tungkol sa sulat, bakit hinayaan pa rin nitong ituloy ang kanilang kasalan?

Mahal Kita, Saktan Mo Man Ako - Jorina ReyesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon