Chapter 9

432 8 0
                                    

KUNG PAANO nakatagal si Amanda na kapiling sa iisang silid at kasiping sa iisang kama ang taong alam niyang maaaring pumatay sa kanya, siya na lamang ang tanging nakakaalam. Sa loob ng ilang araw matapos nilang umuwi sa malaking bahay, lumala nang lumala ang takot sa dibdib ni Amanda.

Pakiramdam niya sa kanyang bawat pagtulog ay baka hindi na siya magising kinabukasan. Sa bawat pagkain na iabot sa kanya ni Vincent, pakiramdam niya'y palaging may lason.

"Sweetheart, may sakit ka ba? Ilang araw ko nang napupuna na matamlay ka," puna ni Vincent sa kanya. Kasalukuyan silang lulan ng kotse papunta sa opisina.

"Wala. Wala lang akong ganang kumain," matabang niyang tugon.

"Magpatingin ka kaya sa doktor? Baka kung ano na 'yan," nag-­‐‑aalalang sabi nito.

"Wala ito. Naninibago lang ako sa buhay may-asawa." Ipinikit niya ang mga mata at ipinahalata sa katabi na ayaw niyang makipag-usap.

"Baka naman naglilihi ka na?" sabi nito sa himig na nagbibiro. Napadilat si Amanda. Mahigit isang buwan na nga pala siyang hindi nagkakaroon.

"Magiging Daddy na ba ako?" Lumarawan ang katuwaan sa mukha ng lalaki nang makitang natigilan siya.

"Hindi, pagod lang ito." Ipinasya niyang huwag na munang sabihin dito ang nabuong hinala.

NANG TANGHALING IYON, ipinasya niyang sumaglit sa doktorang kaibigan. Tama nga ang hinala niya. Kaya pala ilang linggo na siyang napaghihilo, nagbunga na ang mga pagniniig nila ni Vincent.

"Congratulations, Amanda! Ilang linggo ka pa lang nakakasal, nagbunga na agad?" biro ng doktora. Namula si Amanda sa biro ng kaibigan.

"Ikaw naman, uso na ngayon 'yon," pairap niyang tugon dito.

DAHIL HINDI NIYA DALA ang sariling kotse, nagtaksi na lamang siya pabalik sa opisina.

"Saan ka galing?" salubong ang kilay na sita ni Vincent. Kanina pa ito sa opisina ni Amanda.

"Ano'ng ginagawa mo dito?"

"Sagutin mo muna'ng tanong ko, saan ka galing?" inis na giit nito.

"Tumawag kanina si Claudia, nagpasama sa pagbili ng regalo sa boyfriend." Sa kalituhan ay naidahilan niya.

"Katatawag ko lang kay Claudia, hindi raw kayo nagkikita mula nang ikasal tayo." Lalong tumiim ang anyo nito.

Natamemeng bigla si Amanda. Hindi talaga siya marunong magsinungaling.

"Saan ka galing?" may kalakasang tanong nito.

"Kailangan bang lahat ng lakad ko ay alam mo? Okay, I was bored. Ipinasya kong mag-­‐‑ikut-­‐‑ikot sa mall. Satisfied?" iritable niyang tugon. Hindi niya ipagtatapat sa kanyang asawa ang kalagayan niya hangga't hindi nasisiguro ang kanyang kaligtasan.

Nabigla man sa sagot niya ang lalaki, pinili nitong tumalikod at lumabas ng opisina.

Sa kauna-­‐‑unahang pagkakataon, hindi sila sabay kumain at hindi sabay umuwi. Maaga siyang lumabas ng opisina at nagtaksi patungong SM Megamall.

Litung-­‐‑lito ang puso't isip ni Amanda. Ang isang bahagi ng puso niya'y nag-­‐‑uutos na sabihin kay Vincent na magkakaanak na sila. Ngunit ang utak niya'y tumututol. Para ano pa, tiyak namang walang halaga kay Vincent ang nasa sinapupunan niya.

"Amanda!" Isang baritonong tinig ang tumawag sa kanya. Hindi niya kilala ang lalaki, ngunit parang pamilyar sa kanya.

"Hindi mo na ba ako natatandaan, Amanda? Ako si Anton," nakangiting saad nito.

Paano nga ba niya ito makikilala, gayung ang Anton na kilala niya'y yaong binatilyong nanlilimahid noon, gula-­‐‑gulanit ang kasuotan, payat at mahaba ang buhok na laging pinag-­‐‑iipitan ng kinukupit na pera.

Ang Anton na kaharap niya ngayon ay malayung-­‐‑malayo sa Anton noon. Guwapung-­‐‑guwapo ito at matikas na matikas sa suot na abuhing tuxedo. Malaki na rin ang pangangatawan at tumangkad pa kaysa dati.

"Anton! Ikaw nga ba?" Magkahalong galak at pagtataka ang gumuhit sa anyo ni Amanda.

"Ako nga. Ang ganda-­‐‑ganda mo na ngayon. Kumusta ka na?"

"Heto, mabuti. Ikaw, kumusta na? Mukhang asensado ka na, a? Ano'ng nangyari sa grupo?" sunud-­‐‑sunod niyang tanong.

Kumulimlim ang mukha ni Anton, napatiim-­‐‑bagang.

"Bakit?"

"Doon muna tayo sa loob ng restaurant. Marami akong ikukuwento sa 'yo tungkol sa nangyari sa amin mula nang mawala ka." Niyaya nito si Amanda sa Cafe Elysee.

Nagimbal siya sa balitang sinabi ni Anton. Diumano'y pinahirapan ang grupo nang malaman ni Bartolo na nakatakas siya. Pilit na pinagtatapat ang mga ito kung saan siya itinago. Nang walang makuhang impormasyon, ikinulong sila at ilang araw na hindi pinakain.

Hanggang bumigay ang murang katawan nina Eddie at Merle. Namatay ang mga ito sa sobrang pahirap. At si Anton, dahil sa tibay ng dibdib, ay nakatakas at nakaligtas nang kupkupin ng isang social worker.

Kaalinsunod niyon ang pagkabuwag ng sindikato. Pinag-­‐‑aral ng social worker si Anton. At ngayon nga ay kaharap na niya at matagumpay na sa buhay.

Hindi napigilan ni Amanda ang mapahagulgol nang maisip na siya ang dahilan kung bakit kinailangang mamatay ang dalawang kaibigan.

"Kasalanan ko. Kung hindi ako tumakas, hindi nila kayo parurusahan," halos magkandabuhul-­‐‑buhol ang hiningang sabi niya sa pagitan ng pag-­‐‑iyak.

"Shh! Huwag mong sisihin ang sarili mo," alo ni Anton. Nang hindi nito mapatahan si Amanda, minabuti nitong yakapin ang kababata't hayaang umiyak sa sariling dibdib.

Ngunit ang pag-­‐‑iyak na iyon ni Amanda ay hindi lamang para sa mga kaibigang namayapa, kundi sumalit din sa isip niya ang kapalarang nakatakda niyang sapitin sa kamay ng lalaking pinakasalan.

Umiyak siya nang umiyak sa dibdib nito. Hinayaan niyang maubos ang luhang kay tagal niyang hindi napalaya sa pakiramdam na wala siyang kakampi.

Wala siyang kamalay-­‐‑malay na nang mga sandali ring iyon ay nasa di-­‐‑kalayuan lamang si Vincent. Nagbabaga ang paningin nito. Pigil na pigil ang damdamin sa inaakalang kataksilan ng babaeng itinakda ng sariling ina.

Salamat na lamang at nakapag-­‐‑isip-­‐‑isip pa si Vincent. Sa halip na sugurin ang dalawa, ipinasya nitong lisanin na lamang ang lugar.

"I'm okay. Pasensya ka na, ha? Hindi ko napigilan ang sarili ko. Nagkahalu-­‐‑halo kasi ang problema ko," sabi ni Amanda.

Nang mapayapa ang kalooban ay kusa na siyang lumayo sa lalaki. Naisip niya na nasa publikong lugar nga pala sila at maaaring may makakita sa kanila.

"Bakit, may problema ba?" tanong ni Anton.

Ipinagtapat ni Amanda sa kausap ang lahat, pati na ang pagpapakasal niya sa anak ng taong kumupkop sa kanya. Pero inilihim niya ang balak ni Vincent.

Natuwa ito sa naging buhay niya. Bagama't nagtataka kung bakit mukha siyang aburido.

Mahal Kita, Saktan Mo Man Ako - Jorina ReyesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon