Chapter 1

1K 15 0
                                    

PUMAILANLANG ANG MALAMYOS na panimulang himig ng piyesa sa organo. Nagsimulang lumakad nang marahan ang babaeng ikakasal. Magandang-maganda ito sa suot na traje de boda, nakaabrisiyete sa amang naghahatid dito sa harap ng altar.

Si Maila. Walang pagsidlan ang puso sa kaligayahan.

"Oh, promise me that someday you and I..."

Sa may altar, magkakahalong emosyon ang nadarama ng naghihintay na groom. Awa sa sarili at sa babaeng laman ng isip nang mga sandaling iyon, at galit sa babaeng pakakasalan.

Si Keith. Larawan ng pagkatalo at paghihimagsik ng kalooban.

"...Where we can be alone and faith renew..."

Di-kalayuan sa altar, nanghahapdi ang mga mata sa namumuong luha, buong kapanglawang nakatutok ang paningin ng isang babae kay Keith.

Si Cecille. Nang mga sandaling iyon ay parang tinutusok ng pagkarami-raming karayom ang puso.

Si Keith, ang kanyang si Keith, ikakasal sa ibang babae.

Parang hindi pa rin niya matanggap. Dahil masakit tanggapin.

Buhay na buhay pa ang eksenang iyon sa kanyang isip...

"N-NAPIKOT AKO, Cecille..."

Sinabi man iyon nang walang katatagan ni Keith, parang pagsabog iyon ng bombang tumulig sa pandinig niya.

Gulilat siyang napatitig sa katipan, binabasa sa mukha nito ang katotohanan ng sinabi. Pagkuwa'y pinanlamigan siya ng mga palad at pinangatalan.

"K-Keith...?" Ang pagtatanong ay nasa kanya ring mga mata, buong panlulumo. "Bakit, ano ang nangyari?"

"T-tinawagan niya 'ko sa opisina..." Halatang pinatatatag ni Keith ang tinig. "Hindi ko siya napahindian nang ipakiusap n'ya sa akin na... i-simplify ko ang accounting procedure niya."

Lumunok si Keith at tumingin sa lapag. "Wala akong kamalay-malay na may binabalak pala siyang hindi maganda. Hindi sumagi sa isip kong magagawa niya 'yon. Alam kong may inilagay siya sa inumin ko... maaaring isang bawal na gamot, dahil pagkaraan ay nakaramdam ako ng hindi ko mapigilang pagkaagresibo. Alam ko ang nangyayari, pero hindi ko makontrol ang aking sarili."

Kumunot ang noo ni Keith. Huminga muna siya nang malalim saka nagpatuloy.

"Nagising na lang ako pagkatapos na nasa silid na niya kami... parehong hubad at magkatabing nakahiga sa kama..." Gumalaw-galaw ang pilipisan ni Keith. "Noon ko na-realize na may nangyari sa amin... na nilansi niya ako. Sinamantala niya ang pagkawala ko sa sarili."

Nagpapaunawa ang tingin sa kanya ng katipan.

"Hindi ko kagustuhan ang nangyari, Cecille. Pinikot niya 'ko, pinikot..."

Nararamdaman ni Cecille na nagsasabi ng totoo si Keith, pero ano pa ang magagawa nila? Nabasag ang namumuong luha sa sulok ng kanyang mga mata at naglandas iyon sa kanyang mga pisngi. Isang hikbi ang kumawala sa kanya.

"Hindi ko siya mahal, Cecille. Ikaw ang mahal ko. Hindi ko siya puwedeng pakasalan," puno ng pagtutol ang boses na sabi ni Keith.

Pero alam niyang wala nang magagawa pa ang anumang pagtutol ni Keith. Nangyari na ang nangyari, at laban man sa kalooban ni Keith, kailangan niyang panagutan ang namagitan sa kanila ni Maila. Hindi maaaring hindi. Dalaga si Maila. Kahit sa pisikal na katotohanan.

"C-Cecille...?" tawag-pansin sa kanya ni Keith.

Buong pagsisikap na kinalmante niya ang sarili.

"M-masakit ang nangyari, Keith... K-kung masakit sa 'yo, mas ang sakit sa akin." Huminga muna siya nang malalim upang paluwagin ang naninikip na dibdib. "Pero matatanggap ko... kailangan kong tanggapin... dahil 'yan ang pinakamabuting magagawa ko, natin, hindi ba?"

Mabilis na umiling si Keith. "Hindi. Magtanan tayo, Cecille. Magpakalayu-layo tayo, d'on sa hindi nila tayo masusundan."

Naintindihan niya ang silakbo ng emosyon ni Keith kaya naging pabigla-bigla ito sa pagpapasya. Si Keith ang direktang involved sa nangyaring hindi nito kagustuhan kaya hindi na nito naisasaalang-alang pa ang di-katumpakan ng nasabing desisyon. Siya ang dapat na magpakahinahon, ang dapat na magpakatatag.

Kahit na nga kung tutuusin, mas ang sakit na ibinigay ng pangyayari sa kanya.

Mabigat sa loob ang pag-iling niya. "H-hindi, Keith. Hindi tama ang gusto mong mangyari. Hindi mo man ginusto ang nangyari, hindi mo maitatatwa ang katotohanang may pananagutan ka na sa kanya."

"Pero paano tayo, Cecille? Paano ang pag-ibig natin?"

Napalunok siya. Pero pinapanaig pa rin niya ang katatagan.

"N-nasabi ko na nga, kailangan lang sigurong tanggapin natin, Keith. Baka nakatakda talagang mangyari ang ganito. Hindi natin hawak ang ating mga kapalaran."

"Hindi ko siya mahal, ikaw ang mahal ko," pagpupumilit ni Keith. May bakas na ng lumalabong pag-asa.

"Alam ko, at kahit paano, nagiging konsolasyon ko 'yon sa masakit na nangyari. Pero wala na tayong magagawa pa, Keith."

Mailap ang mga matang waring may kinokonsidera si Keith.

Buong pagsisikap niyang pinapanaig ang paninindigan sa sinabi. Kahit may kirot sa kanyang dibdib. Kahit parang pinipiga ang puso niya.

Si Keith ang bumasag sa katahimikang namagitan sa kanila.

"S-sige..." Tumangu-tango ito sa kabila ng nakabakas na paghihirap ng loob. "Kung natanggap mo... tatanggapin ko na rin. Kaya lang..." Tumigas ang mukha ni Keith. "Pakasalan ko man siya, hinding-hindi makakasama ang puso ko. Magiging asawa lang niya ako sa turing, pero hinding-hindi sa damdamin. Dahil ikaw lang ang mahal ko, Cecille, at hindi ka mapapalitan sa puso ko."

Nanuot iyon sa kaibuturan ng puso niya, at muling nagsikip ang kanyang dibdib. Timping-timpi niya ang emosyon.

Keith... daing ng puso at isip niya.

Tingin niya ay waring may gustong gawin si Keith, pero pagkuwa'y yumuko lamang ito at parang may mabigat na pataw ang mga balikat na marahang tumayo. Buong lungkot siyang tinitigan, at sa gumaralgal na boses ay sinabi, "H-huwag mong iaalis sa isip mo... mahal kita, pinakamamahal..."

Laglag ang mga balikat, mabibigat ang mga hakbang na tinungo ni Keith ang pinto.

Parang sasabog ang dibdib ni Cecille. Parang pinatay na rin siya ni Maila sa pagkamatay ng puso niya.

Si Maila.

Sa dibdib niya ay may bumalikwas na poot kay Maila. Nagngalit ang kanyang mga ngipin sa pagnanasang makapaghiganti. Ang kagustuhang maipalasap kay Maila ang ibayong sakit na ibinigay nito sa kanila ni Keith.

Sa kanya, lalo na.

NARINIG NI CECILLE ang boses ng paring magkakasal kina Keith at Maila. Hindi na niya ginustong saksihan pa ang tanawing iyon na nagbibigay lamang ng matalim na kirot sa kanyang puso.

Habang palabas ng simbahan ay patuloy na pinupuno ng pagkasuklam kay Maila ang kanyang dibdib.

Hindi siya nag-iisa sa pagtatanim ng poot sa babae.

Si Keith man ay may nabubuong balak sa isip nang mga sandaling iyon.

Humanda ka, Maila. Nakuha mo ang gusto mo, pero tikman mo naman ang ganti ko, at parang ganti na rin ni Cecille!

BUONG KASIGLAHANG PAPASAKAY NA si Maila sa bridal car nang may makita siya sa kabilang daan, sa hanay ng mga nakaparadang kotse roon. Saglit siyang natigilan.

Nakatayo si Dennis sa tabi ng sasakyan nito. Larawan ng pagkatalo. Buong lungkot na nakatingin sa kanya.

Napalunok si Maila.

Sana Mahalin Mo Rin Ako - Olivia MorenoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon