Chapter 3

386 11 0
                                    

"IKAW NA..." alanganin pa waring sabi ni Maila.

Bahagyang kumunot ang noo ni Keith.

"Mayamaya na lang, wala naman akong dapat ipaligo agad, eh," parang may ibig ipakahulugang sabi ng lalaki sa matapang na boses.

Umilap ang mga mata ni Maila. Walang imik na tinungo nito ang built-in cabinet upang kumuha ng isusuot.

Hindi napigilan ni Keith ang sarili na hindi mapatingin sa mapuputing alak-alakan ng babae. Nang makakuha si Maila ng isusuot, ibinagsak nito ang tuwalya sa lapag. Walang panloob. Magsusuot pa lang. Pabiglang ibinaling ni Keith ang tingin, pinagagalitan ang sarili sa nagbangong kahinaan.

"Shit!" mariing sabi sa sarili at saka tumayo. Tinungo ang banyo.

Nakapagbihis na si Maila nang matapunan nito ng tingin ang bote ng alak sa ibabaw ng side table, at ang kopitang may kaunti pang laman. Umiinom si Keith?

Naging pensive agad ang babae. May ibig sabihin iyon. At halos nahuhulaan na niya ang dahilan. Masama ang loob ni Keith.

Napalunok si Maila. Ngayon binubundol ng apprehension ang dibdib niya sa ibubunga ng ginawa niyang pamimikot kay Keith. Sumirit sa isip niya si Cecille. Tuksong naglaro sa kanyang balintataw ang anyo nito: luhaan, punung-puno ng panunumbat ang mga mata sa ginawa niyang pang-aagaw.

Nangatwiran ang isang bahagi ng budhi niya. Oo, sa mga mata ng tao ay maaaring mali ang kanyang ginawa, pero sinunod lamang niya ang utos ng kanyang puso. Isa siyang babaeng nagmamahal nang labis at ipinaglaban lang niya ang kanyang pag-ibig. Ito ang hindi ginawa ni Cecille. At sinong nagigipit na tao ang hindi kakapit sa patalim?

"Patawad, Cecille, pero mahal ko rin kasi siya, eh. Baka mas higit pa sa pagmamahal mo." Bahagyang napanatag ang loob ni Maila. Napatingin siya sa pinto ng banyo.

"Si Keith. Anong magnet nga ba ang mayroon ito upang mahalin niya nang ganito? Gayong kung tutuusin, di-iilang manliligaw ang may higit na katangian. Naging tampulan na nga siya ng tukso ng mga kaibigan noon nasa college na sila.

"ANO BA, MAILA, sino na ba ngayon?"

Laging tanong sa kanya. "Excuse me," pairap na sasabihin niya. "One-man woman yata ako, 'no?" Sabay-sabay ang bulalas. "Mai naman! Don't tell us na si Keith pa rin ang nasa puso mo hanggang ngayon?"

Ngingiti lang siya, taas-kilay. "Ang tibay naman ng fighting spirit mo! Hanggang ngayon ba namam?"

"Kay Cecille na siya, Mai, buung-buo. Body, heart and soul. Naghihintay ka pa rin?"

"Sobra na 'yan, Mai. Ano ka, magpapakamartir dolorosa?"

Hindi siya napipikon. "Wala akong magagawa, TL ko siya, eh."

Hindi pa rin siya titigilan ng mga kaibigan. "Ano na nga'ng sabi ni Shakespeare, Cyd?"

"'Love is blind, and lovers cannot see the follies that they themselves commit.'"

Hindi pa rin siya napipikon. "Mine is an endless love," nagwawalang-bahala niyang sasabihin.

"May magsisingit kay Dennis. 'Wala ka nang maipipintas. Guwapo, matalino, galing sa mabuting pamilya. At mahal na mahal ka.'

"Very ideal na maging nobyo.'

"At habulin ng chicks. Ang suwerte mo nga, siya ang naghahabol sa 'yo.'

"Ang kaso'y hindi ko siya mahal." Si Maila.

Bakit nga ba hindi niya magustuhan si Dennis gayong taglay nito ang mga katangiang hanap ng mga babae? Hindi mahirap mahalin si Dennis.

Dahil tumatangging magmahal sa iba ang puso niya. Ramdam niya, si Keith talaga ang one and only sa kanyang puso.

"Hindi ba kakatuwang maghintay ka sa isang bagay na hindi naman nagpapahintay sa 'yo?" natatandaan pa nga niyang sabi ni Dennis.

Sana Mahalin Mo Rin Ako - Olivia MorenoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon