Chapter 6

383 9 0
                                    

Naliliyo pa rin si Keith. Walang katatagan ang lakad na tinungo niya ang mahabang sofa. Ibinagsak niya ang katawan doon. Dito na lang siya matutulog. Parang hindi na niya kayang magpunta pa sa silid.

Walang anu-ano ay nadama niya na parang biglang may gustong umahon sa kanyang sikmura. Dali-dali siyang tumagilid ng higa at bahagyang inilawit ang ulo sa gilid ng sofa. Sumuka siya, nagdadahak.

Nang matapos ay inilapat niya ang likod sa sofa at ipinikit ang namimigat na mga mata.

May naramdaman siyang papalapit. Namumungay ang mga matang sinino niya ito. Si Maila, puno ng pag-aalala ang mukha. Hirap siyang napabangon.

"Ba't gising ka pa?"

"N-narinig ko ang pagsusuka mo. Sandali."

Humangos si Maila sa silid. May dala nang bimpo pagbalik. "Eto, gamitin mo."

Kinuha iyon ng lalaki at pinunasan ang bibig.

Nagpainit ng tubig ang babae. Nang lumabas ay may dala na itong maliit na palanggana ng maligamgam na tubig.

"H-humiga ka, pupunasan kita."

Humiga si Keith. Ayaw niya ang gagawin ni Maila, pero alam niyang makakabuti iyon sa pakiramdam niya kaya hindi na siya tumutol. Nakapikit si Keith kaya nararamdaman na lamang niya ang marahang pagpunas ni Maila ng bimpo sa kanyang mukha. Nakaramdam siya ng bahagyang ginhawa. Napreskuhan siya. Hinayaan niyang magpatuloy ang babae sa ginagawa.

"G-gusto mo ng mainit na kape?" tanong ni Maila pagkuwan.

Marahan siyang nagdilat ng mga mata. Saka lamang siya naging aware sa suot nito. Hindi niya iyon napansin kanina. Manipis ang suot na pantulog ni Maila, aninag ang ikinukubling kariktan.

Napatingin siya sa mukha ng babae. Nakatingin din sa kanya si Maila, waring may binabasa sa mukha niya.

Bakit hindi niya amining magandang-maganda si Maila? Marahan siyang tumango. Kung bilang sagot sa alok ni Maila o bilang pag-amin sa kanyang sarili na maganda at kaakit-akit ang babae, hindi niya matukoy.

Tumayo si Maila at muling nagtungo sa kusina. Natitigilang sinundan ito ng tingin ni Keith. May nagbabangong pagnanasa na hinagod niya ng tingin ang magandang hubog ng katawan ng babae. Sa makurbang balakang na bilog na bilog. Sa mapuputing alak-alakan na inililitaw ng maiksing pantulog. Sa makikinis na binti.

Ginapangan siya ng init sa buong katawan. Naantig ang kanyang pagkalalaki. Pero isang bahagi sa isip niya ang dumuro sa kanya. Akala ko ba'y galit ka sa kanya? Hindi ba't sinabi mong gaganti ka? Bakit isang tingin lang sa katawan niya'y pinanghihinaan ka na? Hanggang salita ka lang pala, eh.

Bigla siyang natauhan.

Sine-seduce siya ni Maila. Sinadya nitong ganoon ang isuot para akitin siya. Dinadaan nito sa sexual attraction ang pagkuha sa simpatiya niya.

No way. Hindi siya makukuha ni Maila sa ganoong paraan.

Bakit, puwedeng-puwede naman niyang kunin ang karapatan niya bilang asawa ni Maila. Nang wala siyang ibababang pride, o ikokompromisong pangako. Magugustuhan pa nga iyon ni Maila, natitiyak niya.

Napangisi si Keith. Bakit nga hindi? Pagbalik ni Maila ay may dala na itong puswelo ng kape.

"Sa kuwarto mo na lang dalhin 'yan, d'on ko na iinumin." Tumayo siya at nagpatiuna na sa silid. Natitigilang napasunod si Maila. Inilapag niya ang kape sa ibabaw ng headboard ng kama.

"L-lilinisin ko lang muna 'yong ano sa sala." Ang suka ni Keith ang tinutukoy niya.

Umiling si Keith. "Bukas na, matulog na tayo."

Sana Mahalin Mo Rin Ako - Olivia MorenoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon