01: Sacarias

22 3 1
                                    

MARAMING tao ngayon sa karinderyang pinagtatrabahuhan ni Zarina. Tanghalian na kaya maraming mga tricycle at jeepney driver ang dumumog para magtanghalian. May iilan ring construction worker na nakaupo na sa loob, naghihintay ng pagkain nila. Isa ito sa panahon at pagkakataon na maganda para sa negosyo dahil madaming bumibili at kumakain, pero mahirap para sa mga empleyado. Lalo pa't puro mga lalaki at maton ang mga kakain ngayon. Halo-halo na ang amoy sa nadadaanan niya habang naghahatid ng mga pagkain at nagpupunas ng lamesa.

Pawis, semento, gasolina at sigarilyo ng mga hindi masabihang bawal ang paninigarilyo sa loob ng karenderya. May naamoy pa siyang alak. Iyon lagi ang naamoy niya at tinitiis dahil parte na 'yon ng trabaho. Malapit sa construction site ang pwesto ng kerinderya at malapit sa paradahan ng mga tricycle at jeep kaya dito ang takbo ng karamihan kapag kainan na.

“Zarina! 'Yong caldereta para kila John, pwede na!” sigaw ni Justin na siyang taga-luto nila mula sa kusina.

Agad na naglakad siya papunta sa maliit na pahalang na bintana na pinagpatungan ng mga pagkaing luto at pwede nang ilagay sa kaniya-kaniyang mesa. Kinuha niya ang kaldereta doon at mabilis pero maingat na naglakad papunta sa mesa nila John. Nakilala niya na lang halos lahat dahil sa dalas ng pagkain ng mga ito rito. Si John ang pinakabata sa kanila, bente-sais anyos, at ito ang foreman sa construction. 'Di lang halata ang edad sa itsura dahil hinayaan nitong tumubo ang bigote at mahaba rin ang buhok na may pagkakulot. Malayong-malayo sa kung gaano kahina ang boses at kung paano ito umakto.

“Si Itay?” tanong niya habang inililipat ang mangkok mula sa tray palapag sa mesa. At pasadyang dumukwang ng kaunti dahil alam niyang mahihirapan siyang intindihin ito kung malayo siya. Mahiyain si John at halos pabulong na kung magsalita.

“Hmm? Sabi niya ay sabay na sila nila Ka-Ricky lalabas,” kunot ang noong ani nito at napalibot ng tingin sa loob ng karenderya. “Wala pa ba sila?”

“Baka mas marami ang trabaho ni Itay kaysa sa iba ha,” biro niya kahit na alam niyang hindi gano'n ang nangyayari.

“Ganda! Pahinging sabaw!” nakangiting tawag ng isa pang construction worker at nakaangat pa ang kamay nito hawak ang mangkok na parang tasang maliit lang sa laki ng kamay nito. Tipid na ngumiti rin siya bago lumapit at inabot 'yon.

“Ginawa niyo na namang tubig 'yong sabaw, Mang Arnok,” biro niya. Napahalakhak naman ito.

“Aba! Napakasarap naman kasi ng pagkakatimpla!”

“Ako lang 'to, Mang Arnok!” sigaw ni Justin galing sa kusina, ang taga-luto rito sa karenderya.

Mababait ang mga trabahador. Mga mukhang barumbado pero napakatotoo ngumiti. Hindi niya alam kung dahil ba sa kilala nito ang tatay niya kaya mababait ito sa kaniya o sadyang gano'n talaga sila.

Pare-pareho silang napatigil sa ginagawa at sinundan ng tingin ang itim na kotseng dumaan sa harap ng karenderya, papasok sa site.

“Si engineer ba 'yon?”

“Bago na ulit ang kotse ah?”

“Kagagaling lang ni Engineer dito kahapon ah?”

“Baka 'yong nagpapatayo ng gusali?”

Iba-iba ang naging reaksyon ng mga tao pero nagpatuloy na sa pagkain kalaunan. Habang siya'y sinundan pa rin ng tingin ang kotse hanggang sa makapasok sa harang ng site.

238 WDT

Nanliit ang mata na tinignan niya ulit ang plate number nito. Sinusuri kung tama ba ang pagkakakita niya, pero iyon talaga. Kumpara sa mga normal na plate number na nakikita niya ay iba ang kulay no'n. Kulay pilak 'yon, kumikislap kapag natatamaan ng sinag ng araw, at may simbolo pa sa dulo ng mga letra na hindi niya nakita nang maayos.

Montevon's BrideWhere stories live. Discover now