WALA na sa dating puwesto ang maliit na mesa at upuan sa sala. Apat na lalaki ang nasa loob ng bahay at pilit na inilalabas ang mga gamit nila.
Mabilis na lumapit siya sa umiiyak na kapatid. Yakap-yakap nito ang picture frame ng Tatay nila. Isang malakas na suntok sa dibdib niya ang itsura ng kapatid niya at bahay nila ngayon.
“Palugit-palugit! Hindi! Lumayas kayo!” rinig niyang sigaw ni Aling Nonay na palabas galing sa kwarto nila.
Bakit nasa kwarto nila ito? Masamang tinignan niya ang naniningil na ginang.
“Ano? Ano? Kung makatingin ka nang masama ah? May ipinagmamalaki ka na? Ha?!” pinanlakihan pa siya ng mata ni Aling Nonay.
“Hindi ho ba napag-usapan na natin 'to, Aling Nonay?”
Kita niya ang pag-iwas nito ng tingin. “Oo! At sa tingin mo hindi ko malalaman na nawalan ka ng trabaho? Anong aasahan ko sa'yo?” nakataas ang kilay na tanong nito at sinenyasan ang mga lalaki na ipagpatuloy ang ginagawa nila.
“Kakamatay lang ho ni Itay, Aling Nonay!” sigaw ni Siri.
“Aba! Idadahilan niyo pa rin 'yan saakin? Ilang linggo na ba? Kung magluluksa kayo ng isang taon, lumayas kayo rito!”
“Kunting araw lang ho na palugit pa, Aling Nonay. Iyon lang hinihingi ko sainyo. Susubukan ko hong makahanap ng trabaho.”
“Dalawang buwan ang hindi pa nababayaran ng Tatay niyo! Tapos dadagdagan niyo pa? Swerte niyo naman kung pagbibigyan pa ulit? Ano tingin niyo sa mga sarili niyo?!”
Sa galit ay inabot nito ang paso sa gilid at ibinato sa pagitan nila. Pareho silang napatalon sa gulat sa ingay na gawa no'n.
“Dalawang araw.” may diing aniya. “Dalawang araw, Aling Nonay. Didiskartehan ko. Kapag hindi ako nakapagbigay, kusa na ho kaming aalis.”
Hindi pa rin kumbinsido na tumingin ito sa kanila bago pa-irap na tumalikod. Sumunod naman ang mga lalaki.
Tahimik na inayos nila ang mga nagulong gamit. Dahil mag-aalas nuebe na ng gabi ay napagkasunduan nilang ipagpabukas na ang pag-aayos ng ibang kalat. Dinala niya ang basag na paso sa basurahan sa labas nang makita niya ang mga lalaking papapasok sa bahay nila.
“Oh? Anong meron?” nagtatakang tanong niya.
Si Mang Arnok ay may hawak na isang case ng alak. Si Tiyo Angelo naman may hawak na yelo. Si Tiyo Ricky ay may bitbit na dalawang plastik ng tsitsirya at si John na huling pumasok sa tarangkahan, walang dalang kahit ano. Hindi niya alam kung dahil lang ba sa gabi na at maliwanag ang ilaw, pero mukhang pumusyaw na ang kulay ni John. Umayos ang kulay nito dahil mag-iisang buwan na ring natigil ang trabaho nila sa construction na babad sila sa arawan.
Agad na naglakad siya pasalubong sa apat. Kung nabalitaan nito ang nangyari sa kanila, mas mabuti nang hindi nila makita ang wala pa sa ayos na loob ng bahay nila.
“Ika-13 ngayon ng pebrero. Araw ng mga puso, araw ng pagtatrabaho rin 'yan sa mga kagaya natin. Gaya ng dati lang,” ini-angat ni Mang Arnok ang bote ng alak na hawak niya.
Itinaas naman ni Tiyo Angelo ang yelo na hawak nito, “Gaya lang ng dati!”
Nawala sa isip niya kung anong petsa na ngayon. Sa nangyari kanina at sa nakaraang mga linggo ay parang naging mabilis ang takbo ng oras.
Naalala niya laging nag-iinuman ang tatay niya kasama ang mga kaibigan at katrabaho nito isang araw bago ang mismong araw ng mga puso. Napangiti siya. Tumingin siya kay Siri.
“Kumuha ka ng pitsel at baso sa loob,” utos niya na agad namang sinunod ng kapatid.
Tumayo siya at lumapit sa lamesa sa maliit na bakuran ng bahay na inuupahan nila. Inalis niya ang ilang gamit ni Siri doon.
YOU ARE READING
Montevon's Bride
General FictionZarina is a breadwinner, a graduating student, and unstable. Drunk and broken, running away from their schools' wedding booth wearing the long white dress that her best friend lend to her, ended up in a church and mistaken as a bride who was about t...