NAKAHALUKIPKIP si Siri at masamang tinignan ang lalaking bitbit ang karton galing sa kwarto nila. Nilapitan niya ito at hinila papasok sa kwarto. Isinara niya ang pinto bago hinarap ang kapatid.
“Sa'n nila dadalhin 'yong mga gamit natin?”
Salubong ang kilay nito at hindi tumitingin sa kaniya.
“Siri,” pagkukuha niya ng atensyon ng kapatid ngunit mas humaba lang ang nguso nito.
“Ikinasal ka nang hindi ko alam,” may tampong turan nito bago lumingon sa kaniya.
“Paano si Kuya Drek? Kaya ba hindi na siya pumupunta saatin kasi wala na kayo?”
Parang asin ang katanungan ni Siri na inilagay sa sariwang sugat sa puso niya.
“Umayaw na si Drek, Siri,” pag-aamin niya. “Kung ayaw na no'ng tao, ano pa ang magagawa ko?”
Kita niya ang lungkot sa mata ni Siri. Kahit siya'y nakaramdam ng lungkot sa nasabi. Parang sinukuan na niya rin ang tatlong taon na relasyon nila ni Drek. Meron naman siyang magagawa pero sa nangyayari ay hindi na siya maglalaan pa ng oras para maghabol o kausapin man lang ulit si Drek.
“Kaya may bago ka na agad? Mahal mo?” tanong nito.
Gusto man niya ngumiwi ay pinigilan niya. Paanong mahal e wala pa ngang bente-quatro oras simula nang makilala niya iyon. Hindi niya pa nga maalala ang mukha ng lalaking pinakasalan niya.
“Mahal mo?” pag-uulit ni Siri.
Pumasok sa isip niya ang singsing.
“Sobra,” naisagot niya.
Sobrang mahal naman talaga ng singsing na iyon.
“Mahal ka?”
Natigilan siya pero agad na nakaisip ng pang-depensa.
“Grabe ka naman! Anong gusto mong sabihin? Hindi kamahal-mahal ang ate mo?”
“Syempre, kamahal-mahal ka ate! Gusto ko lang malaman dahil baka umayaw din 'yan bigla!”
Hindi pupunta rito sina Harold kung hindi siya importante. May kailangan ito at siya ang pwedeng umayaw at hindi ang Boss na 'yon.
“Hindi naman ako gano'n ka-tanga sa pag-ibig, Siri. Kung nakita kong katulad siya ni Drek aabot ba kami sa kasalan?”
Nakurot niya ang sarili dahil sa kasinungalingan na sinasabi niya sa kapatid.
“Dapat lang, deserve mong mahalin ng totoo. Pangmatagalan ka!”
Natawa siya. “Bakit naiiyak ka?”
“Kasi naman! Bakit umayaw na si Kuya Drek? Maalaga ka, masakripisyo!” dabog nito.
Nakangiting lumapit siya at yinakap ang kapatid. Hinigpitan niya 'yon.
“Ate! Hindi na ako makahinga!”
Bihira lang ito magbukas ng saloobin at natutuwa siya dahil sa mga positibong sinabi ni Siri tungkol sa kaniya.
Napakalas siya ng yakap nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto niya. Gulat na napatingin siya sa singkit na lalaking nakatayo doon. Naka-lab gown at may stethoscope na nakasabit sa leeg.
“Sino ang hindi makahinga?” tanong nito.
Si Miya ay nakikisilip sa gilid ng pinto.
“Ako po?” lito pa ring sagot ni Siri. Tumingin ito sa kaniya, nagtatanong ang mga mata kong sino ang lalaking ito.
“Tell me more,” kinuha nito ang ballpen sa bulsa sa parteng dibdib at maliit na papel sa bulsa sa tagiliran. “Anong nararamdaman mo?”
Lalapit sana ito sa kapatid niya nang biglang lumitaw si Harold sa likuran nito at hinila ang singkit na lalaki palabas ng kwarto.
YOU ARE READING
Montevon's Bride
General FictionZarina is a breadwinner, a graduating student, and unstable. Drunk and broken, running away from their schools' wedding booth wearing the long white dress that her best friend lend to her, ended up in a church and mistaken as a bride who was about t...