02: Trabaho

12 1 0
                                    

NAKAYUKO lang si Zarina habang nakapameywang naman sa harapan niya ang lalaking manager ng milk tea house na pinagtatrabahuhan niya. Ilang minuto na siya nitong tinititigan, kinakalma ang sarili. Ramdam niya ang pagpipigil nito sa sarili na bulyawan siya.

“Hindi kami kumuha ng magtatrabaho rito na papasok lang sa oras na gusto nila,” may diing pagsisimula nito.

“Pinagbigyan ko ang isa o dalawang ulit na pagiging late mo, pero sobra na, Zarina!” hindi na nito napigilang pagtaasan siya ng boses.

Mag-tatatlong linggo na siya rito. At halos kalahati ata ng bilang ng mga araw ng pagtrabaho niya dito ang huli na pagpasok niya. Siya ang nag-aasikaso ng almusal at baon ng kapatid niya. At mahirap rin ang paghanap ng sasakyan papunta dito.

At huli na naman siyang dumating ngayon.

“Hinayaan kitang pumasok ulit matapos mong um-absent ng tatlong araw, naiintindihan ko kasi kalilibing lang ni Sacarias no'n.”

May kung anong sumakit sa dibdib niya nang marinig ang pangalan ng tatay niya.

Mabilis na ini-angat niya ang ulo mula sa pagkakayuko at sinalubong ang mata ng galit na manager.

“Naiintindihan ko po,” pagtatapos niya ng usapan.

Kung aalisin man siya sa trabaho, kaya niya marinig 'yon. Pero kung ipapasok pa nito ang tatay niya at sa nangyari sa mga nakaraang linggo ay ibang usapan na 'yon. Iniiwasan niyang maalala na naman iyon at makita ang sariling umiiyak habang may kapatid siyang umaasa sa kaniya.

“Maraming salamat po sa tatlong linggo, Sir,” ngumiti siya rito. Kita niya ang pagbago ng emosyon sa mukha nito.

Naikuyom niya ang kamao. Awa. Ayaw niyang makakita ng emosyong iyon sa kung sino man at sitwasyon nila ang dahilan.

Tumikhim siya.

“Malaking tulong po 'yon. Huwag po kayong mag-alala. Maraming salamat sa pag-unawa at pasensiya. Mauna na po ako,” paalam niya.

Tumalikod na siya at hindi na hinintay pang sumagot ang manager.

Dumiretso siya pauwi at naabutan pa ang kapatid na palabas palang ng bahay. Nagkagulatan pa silang dalawa.

“Ba't nandito ka pa?” tanong niya sa kapatid.

“Alas nuebe pasok ko ngayong araw,” sagot ng kapatid at inabot sa kaniya ang susi. “Ikaw? Ba't bumalik ka?”

Kinuha niya ang susi at dumiretso na sa pinto.

“Natanggal ka sa trabaho mo sa milk tea house?”

Natigilan siya. Kahit hindi niya sabihin ay alam na agad nito.

Humarap siya dito para sana magdahilan, pero natigilan ulit siya nang makita ang kapatid na nakababa ang tingin sa sapatos nito.

“Dapat pala pinaalala ko sa'yo ang schedule ko para hindi ka na nag-abala pang gumawa ng gawaing bahay.”

“Siri,” pagkukuha niya ng atensyon nito. Nakasimangot naman na nag-angat ng tingin sa kaniya ang kapatid.

“Kung maaga man ako nakapasok ngayon, walang nang magagawa 'yon,” natawa siya. “Nangyari na ang nangyari! Ano ka ba! Ang dapat nalang nating gawin ay umusad—magpatuloy, kaya bilisan mo na dahil mag-aalas nuebe na!” pabirong tinulak niya ito.

Bumuntong-hininga naman ang kapatid niya at humarap sa kaniya.

“Sabay na tayo? Pang-hapon ka ngayon pero malapit na exam niyo, 'di ba? Mag-rereview ka?”

Umiling siya, “Aayusin ko resume ko, kasama sa pag-usad 'yong paghanap ng bagong trabaho,” ngumiti siya.

May dumating nang tricycle kaya wala nang nagawa ang kapatid niya.

Montevon's BrideWhere stories live. Discover now