NAPAKUNOT-NOO si Zisette nang pagmulat niya ay si Laura ang nasalubong ng kanyang mga mata. Alalang-alala ito. Inilibot niya ang paningin sa loob ng suite na iyon.
"Bakit nandito ka?" tanong niya nang muli itong balingan.
"Ma'am Zisette, patawarin mo na ako. Hindi ko naman kasi alam na ganoon pala ang binabalak ni Ma'am Anastacia."
Lalong nangunot ang kanyang noo. Hindi niya maunawaan ang sinasabi at inihihingi nito ng tawad. "Hindi ko alam ang sinasabi mo," aniya. "Pero kung idedetalye mo, makukuha ko siguro."
Hindi ito mapakali. Tumikhim muna ito bago nagsalita. "Kasi, noong tumawag ka sa mansyon at makausap ako, totoo talaga yung sinabi kong dadamputin ka ng mga pulis kaya minadali kitang pumunta kaagad doon. Tamang-tama naman na narinig ni Ma'am Anastacia ang pakikipag-usap ko sa 'yo.
"Kaya yun na nga, pinakiusapan niya ako na kapag nasa library room na kayo ay lalapit ako at sasabihin kong kakausapin siya ni Ma'am Vally. Ayaw kong gawin iyon kahit bibigyan niya raw ako ng limang libo piso. Pero nang takutin niya ako at sabihing paaalisin niya ako sa mansyon, pikit-mata ko na lang na sinunod ang utos niya.
"Ma'am Zisette, hindi ko talaga alam na ganoon pala ang nangyari. Ikinuwento lahat ni Sir Dieses sa akin kaninang pagdating niya sa mansyon. Nagkasagutan nga sila ni Ma'am Anastacia, e. Nagwala si Sir Dieses. Pinagbabagsak niya yung mga antiques na plorera sa sala."
Wala siyang maapuhap na sabihin. Mataman lang siyang nakatitig sa mukha nito.
"Kaya nga nang sabihin ni Sir Dieses na bantayan kita rito at titira na ako sa apartment ninyo para may mag-aasikaso sa inyo ay hindi na ako tumanggi."
"Nasaan na si Dieses?" sa wakas ay nakuha niyang itanong.
"Magkasabay kaming umalis ng mansyon kanina. Ang paalam niya sa akin ay dadalhin niya lang sa apartment ang mga gamit ko. Baka mayamaya lang ay nandito na 'yon."
Napapikit siya.
"Ma'am Zisette, bakit mo inamin kay Sir Dieses na binigyan ka ni Ma'am Anastacia ng kalahating milyon kahit hindi naman totoo?"
Tiningnan lang niya ito. Gusto niyang tanungin kung kanino iyon nalaman ni Dieses pero nagsawalang-kibo na lang siya. Marami siyang katanungan sa kanyang isip pero gusto niyang ito mismo ang sumagot.
TATLONG araw siyang na-confine sa ospital bago siya pinayagan ni Brent na makalabas. Nanlumo siya nang hindi dumating si Dieses para sunduin siya. Bagkus, sina Rom, Loyd, at Jeck ang umasiste sa kanila ni Laura.
"May meeting ang mga ESO officers kaya hindi ka niya masusundo." Hawak ni Loyd ang kanyang braso pasakay sa Besta van ni Dieses.
Malungkot siyang tumango. Magkakatabi sila nina Rom at Laura sa likuran ng van samantalang si Loyd ang nagmaneho katabi ang walang kibong si Jeck. Pagdating sa apartment ay dumiretso siya sa kanyang kuwarto matapos makapagpaalam sa tatlo.
"Gusto mo bang maghanda ako ng mamemeryenda mo?" tanong ni Laura nang puntahan siya.
Tumango siya. Nang makaalis ito ay inilabas niya ang kanyang cellphone. Itinago niya iyon dahil ayaw niyang tawagan siya ng kahit na sino. Ayaw niyang may makatuklas ng kahabag-habag niyang kalagayan.
Pero ngayon, pagod na siya sa pagtatago. Kailangan na niyang ipagtapat sa kanyang pamilya ang lahat-lahat.
NAGPATULOY sila sa ganoong sitwasyon. Madalas ay hindi pa rin doon natutulog si Dieses sa apartment. Sa tuwing tatanungin niya si Laura kung nagpapaalam man lang ba ito ay palagi namang iling ang sagot nito sa kanya.
Hanggang sa magbukas na ang second semester. Sa tuwina ay pumapasok siyang matamlay. At madalas din ay nakikita niya ang Besta van nito sa parking lot ng engineering department.
BINABASA MO ANG
Sapat Na Ang Makasama Ka - Jennette Herrera
Romance"Napakababa na ng tingin ko sa 'yo, Zisette. Nagkamali ako ng babang inibig." Noon lamang niya nakitang nagalit si Dieses. Hindi siya nakaimik. "Paano mo nagawang pumunta sa bahay at pagbantaan sina Mama na ipakukulong ako kapag hindi nila ibinigay...