Wattpad Original
Mayroong 1 pang libreng parte

Chapter 3: Mistaken Identity

914 19 1
                                    

Malalaki ang hakbang ni Erin patungo sa escalator ng mall na hunting ground niya. Nakasuot siya ng malambot na jeans at maluwag na kamiseta para itago ang kumakapal na bilbil. Plano niyang bumili na rin ng panibagong jeans dahil humahabol ang deposito ng carrot cake sa pigi, hita, at singit niya. Kahihiga niya yata iyon habang lumalamon at nagpaplano ng mabangis na paghihiganti. Naka-shades din siya, running shoes (sakaling may makasalubong na sexy man na balak siyang dalhin sa pulis), at shoulder bag ng self-defense assortment: pepper spray, malalaking karayom na nasa sewing kit, nail file, at condoms. 

Naglilibot na siya sa sale ng jeans nang may mabilis na mahagip ang mata niya at 3 o'clock: lalaking may nakaiinit ng ulong side profile, naka-moss green na boyfriend shirt, at nakaakbay sa payat at makinis na balikat ng isang hindi pamilyar na babae.

Nanigas ang tuhod ni Erin. Gayundin ang panga. Bago pa niya mamukhaan nang tuluyan si Adrian ay rumaragasa na sa ugat ang kumukulong dugo niya.

Mabilis siyang naglakad palabas ng clothing store habang nakatutok ang mata sa lalaki. Hindi ito maaaring makawala!

Isisigaw na sana niya ang pangalan nito nang lumiko ito sa isang pasilyo. Patakbo siyang humabol. Pagsilip niya sa pasilyo ay wala na ito. Tinagos niya ang buong West Wing ng mall pero walang Adrian.

Naglaban ang ngipin niya sa panggigigil. Paanong nakatakas nang gano'n sa kanya ang lalaki? Mabilis naman siyang tumakbo. Hindi rin nawala ang mga mata niya rito.

Lumalabo na ang mata niya sa luhang nagbabantang bumagsak nang nasulyapan niya ang parehong kulay ng kamiseta sa isa sa mga tindahan. Lumabas ang lalaki roon habang nakaakbay pa rin sa isang babae. Parang tutuloy ang mga ito sa North Wing. Agad siyang pumihit at humabol.

Tumutulo ang luha niya kasabay ng bawat hakbang niya. Ang payat ng babaeng kasama ni Adrian! Kung kailangan lang pala niyang pumayat para pakasalan, puwede naman siyang magpapilit mag-exercise! Kung kailangan lang niyang maging mas sexy pa, magagawan naman ng paraan. Bakit siya iniwan nang walang paalam? Bakit kailangang maging desperada siyang humahabol?

Hindi siya makasigaw sa sama ng loob na nakabara sa lalamunan niya. Kaya ang hindi masabi ng bibig niya, iginalaw ng paa niya.

'Masaya ka ngayon, ha? Masaya ka sa payat? Shit, Adrian, lintek lang ang walang ganti!' sa isip ay sabi niya sa lalaking walang malay sa paghabol niya.

Umiksi ang agwat sa pagitan nila. Dalawampung hakbang pa.

Sampu.

Lima.

Dalawa.

Pahablot niyang binaklas ang braso ni Adrian na nakaakbay sa babaeng kasama nito. Pagkatapos ay kinamal niya ang payat na braso ng babae at puwersahan itong ipinihit paharap.

"Malandi kang babae ka! Higad! Mang-aagaw!" sunod-sunod na sigaw niya sa malabo sa luhaang mga mata. Pinalipad niya ang palad sa pisngi nito.

Ni hindi nakasagot ang babae sa pagbaling ng mukha nito pakaliwa at pakanan. Ni hindi ito nakaaray. Napaatras ito at ilang ulit na muntik mabuwal sa suot na high heels. Pero mahigpit siyang nakahawak sa braso nito kaya hindi ito makatakas sa atake niya.

Napaatras din yata si Adrian dahil nawala ito sa field of vision niya. At wala siyang naririnig na anumang reklamo o pag-awat mula rito.

Nananakit na ang kamay niya sa kasasampal sa babae pero hindi siya tumitigil. Wala na rin siyang naririnig maliban sa bugso ng dugo niya. Pero sa tagiliran ng mga mata niya ay nakikita niya ang pagtitipon ng ilang mga taong nanonood at ang mga kumpulang mabilis na lumalampas naman sa kung saan siya nagpapalambot ng panga ng malandi. Maya-maya pa, may pumigil sa magkabilang braso niya. Napatanga ang nahihilo pang malandi sa kung sinumang nasa likod niya at umaawat.

The Hate List (De Guia 1: ERIN)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon