Chapter 191

297 17 3
                                    


Hindi ko na mabilang kung ilang minuto na akong nakaupo. Hindi ko na rin namamalayan na ilang beses ko nang tinitipa ang aking hintuturong daliri sa desk na nasa silid lang namin ni Otis. Nakapangalumbaba ako at nakatingin sa malayo. Sa kabila ng nakakabinging katahimikan sa buong silid. Alam kong pasimple lang nakatingin sa akin sina Ramas, Raymound, ang mga ladies-in-waiting ko na sina Nesta, Faila at Regie. Si Berrian naman ay nakatayo mismo sa aking gilid, mukhang nagtataka na rin kung ano ang tumatakbo sa isipan ko ngayon.

Gustuhin ko man ihayag sa kanila kung ano ang mga pinag-iisip ko ay pinipigilan ko lang. Dahil alam ko na iniisip nila na imposible rin kung gagawin ko ang bagay na 'yon.

Sandali...

Mabilis kong sinulyapan sina Ramas at Raymound. Napaitlag sila sa ginawa ko. Mabilis din nilang binawi ang kanilang tingin saka nilihis 'yon sa ibang direksyon pero hindi ako nagpatinag. Mataimtim ko silang tinititigan. Sa ginawa ko ngayon ay kulang na lang ay pagpawisan na sila nang matindi.

Bigla akong tumayo na halos matalon sila sa gulat. Humakbang pa ako palapit sa mga personal kong tagabantay. Inilapit ko ang mukha ko sa kanila, animo'y sinusuri ko sila ng mabuti na siya naman ang paghakbang nila paatras. Mukhang mas nakakagulat nga itong ginawa ko. Agad rin ako tumayo ng tuwid at humalukipkip sa harap nila. Hinihilot-hilot ko ang aking magkabilang sentido. Ang sunod kong ginawa ay sinulyapan sina Nesta, Faila at Regie.

"Nais ko sanang magpahangin sa hardin. Makikisuyo akong maghanda ng meryenda at iilang tsaa doon, Regie. Lalo na't isama ang buong Pamilyang Imperyal sa paghahandaan." biglang utos ko.

Suminghap siya saka malapad na ngiti. "Wala pong problema, kamahalan!"

"Salamat."

Masaya siyang umalis sa silid na ito. Sunod kong tiningnan ay sina Ramas at Raymound. "Kailangan ko ang presensya nina Prinsipe Hadden at Prinsesa Eglantine, gayundin ang Duke Godefroy. Pakisabi na hintayin nila kami sa hardin. Dadaanan ko muna ang mahal na emperador."

Sa sinabi kong utos ay agad silang yumuko. Payapa rin silang umalis sa silid. Sunod kong nilingon ay sina Nesta at Faila.

"Pakisabi na nais namin makasama ang magkakambal." sunod kong utos.

Yumuko silang dalawa. "Masusunod po, kamahalan." at sabay na silang nagmartsa palabas ng kuwarto.

Nagpasya na rin akong lumabas at sumunod na rin sa akin si Berrian na tahimik lang kami inoobserbahan.

"Mukhang malalim ang naiisip ninyo, kamahalan." hindi niya mapigilang magpuna.

"Malalaman ninyo rin sa oras na nasa hardin na tayo." kaswal kong tugon habang tinatahak namin ang pasilyo ng Palasyo.

Simula ng araw ng nakabalik na kami dito sa Palasyo ay hindi rin maiwasan na napasubsob kami sa trabaho. Lalo na't tambak ito. Kaliwa't kanan din ang dinaluhan naming meeting ni Otis, na mas lalo siya naging abala sa trabaho niya ngayon bilang emperador. Nakarating din sa akin ang balita na nais magdaos ng mga kasapi sa aristokrata ng opisyon na koronasyon para sa aming dalawa, pati ng malaking piging bilang tagumpay laban sa mga halimaw at demonyo. Hindi na sila makapaghintay na mahalal kami bilang mga bagong pinuno ng bansa at ng Imperyo na ipinamana ni Emperador Audrick.

Ang totoo ay wala pa sa prayoridad ko ang bagay na 'yan. Sa katunayan ay nagagawa ko pa rin isingit sa oras ko ang libro na binabasa ko noong natagpuan ko sa Cyan. Marami pa akong gustong malaman a mundong ito. At doon ko napagtanto, malawak pala ang mundo na ito kaysa sa inaasahan ko. Pero bago 'yan...

Tumigil lang ako nang nasa tapat na ako ng pinto n mismong opisina ni Otis. Kumatok ako ng tatlo. Hahawakan ko sana ang doorknob kaso naunahan ako nang tumambad sa akin ang isang pamilyar na lalaki sa harap namin.

I'm Born as an Eryndor! (Book 1-3) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon