KINAUMAGAHAN, marahang pinatakan ni Enola ng halik ang pisngi ng mahimbing na natutulog na asawa.
"Nalulungkot ako ngunit masaya naman dahil nalaman ko na ang katotohanan. Nanghihinayang nga lang ako sa halos pitong taon na nagkalayo tayo, hindi kita natulungan sa pag-alaga sa mga anak natin at hindi ko nasubaybayan ang paglaki ng mga bata kasama ka. Ngayon, gagawin ko ang lahat upang magsama na tayo ulit nang walang kinatatakutan. Itatama ko ito, hintayin mo ako," bulong niya sa tulog na asawa.
Ilang saglit pa, napagdesisyunan na niyang bumangon. Mabilis siyang naligo at nagbihis ng panlakad. Habang tulog pa ang lalaki ay iniwan niya ito sa kuwarto.
Sa sala, nadatnan niya ang dalawang anak. Agad niyang nilapitan ang mga ito at niyakap.
"Mommy! Salamat naman po at okay ka na. Alalang-alala kami sa iyo, yesterday."
"Umiyak po kami ni Kuya Rainier, akala namin nawalan ka ng malay dahil sa pagod sa pakikipaglaro sa amin."
"Babies, pasensya na dahil masyado kayong nag-alala sa akin at hinding-hindi ako mapapagod sa pag-aalaga't pakikipaglaro sa inyo, kaya huwag kayong mag-isip ng gano'n."
"Saan ka po pala pupunta?"
"May importante lang akong lalakarin, Baby Rainier. Sa lolo niyo ako pupunta, saglit lang ako."
"We will wait for you po."
Matapos halikan sa mga noo ang dalawang bata ay lumakad na siya. Nagpahatid siya sa kanilang driver papunta sa kanilang bahay.
SA KABILANG banda, kasalukuyang nasa basement si General Madrigal sa kaniyang bahay. Doon lahat nakaimbak ang mga luma niyang gamit, at mga lumang alaala.
Hinanap niya ang isang lumang album. Nang makita niya ay agad niyang tiningnan ang mga larawang naroroon. Mga lumang larawan ng kaniyang anak na si Enola, kasama ang isang lalaking pinakamamahal nito: si Thunder.
“Ilang taon na ang lumipas, pero hindi ko pa rin alam kung tama ba ang ginawa ko para mapanatili kang ligtas. Patawarin mo ‘ko anak,” mahinang bulong ng matanda.
Makalipas ang ilang minutong ginugol sa basement, bumalik na siya sa loob at umupo sa couch upang magbasa ng dyaryo. Nang biglang dumating ang anak niyang si Enola.
"Oh, ang sabi mo sa akin palagi mo akong dadalawin. Bakit ngayon ka lang? May kalayuan ba ang bago mong tirahan dito at umabot pa ng ilang buwan bago mo naisipag bisitahin ako? Madalang ka ring tumawag sa akin, ang last call mo ay two weeks ago pa," saad niya sa anak.
Umupo si Enola sa katapat na upuan niya. "Itay, may asawa't anak ako."
Bahagya siyang nagulat sa narinig. "Ano kamo?"
"Ang sabi ko po, may asawa't anak ako."
"At kailan pa—"
"Asawa't anak na itinago niyo sa akin pitong taon na ang nakararaan."
Umayos siya ng upo at tinitigan ang anak. "Naalala mo na ang lahat?"
"Hindi ko naalala, pero natagpuan ko na sila. Bakit... bakit hindi niyo sinabi sa akin na may nagdurusa akong asawa at may nangungulila akong mga anak? Bakit niyo po iyon ginawa?!"
"Dahil mapanganib ang mga Sarmento, Enola! Bukod sa militar, may mga kaaway pa silang iba na masasama ang loob at mga wanted na may maruruming negosyo! Nangangamba ako na baka madamay ka sa kaguluhang mayroon sila!"
"Kaya pati ang mga anak ko nagawa niyong itago sa akin?”
“Marurumi ang dugong dumadaloy sa mga batang ‘yon! Dugong mafia!”
“Nasa kanila rin ang dugo niyo!”
“Masasama ang angkang Sarmento, Enola!”
“Pero iba si Thunder, Itay. Matagal na niyang iniwan ang pamilya niya at ang negosyo niya ay hindi lumago sa maruming paraan. He became a billionaire by his own struggles. Hinding-hindi niya rin hahayaan na may mangyaring masama sa 'kin at sa mga anak namin."
"Sila ba ang kasama mo ngayon? Sila ba ang dahilan kung bakit umalis ka sa bahay na ito?"
"Opo. At kahit pagbawalan niyo ako ay nanaisin ko paring makasama sila hanggang sa malagutan ako ng hininga. Hindi ko na hahayaang maulit pa ang nangyari noon. Kung hindi niyo sila itinago sa akin ay baka natutukan ko pa ang paglaki ng mga apo niyo."
Napapikit at napabuntong hininga na lamang si General Madrigal.
Tumayo si Enola sa pagkakaupo. "Aalis na ako. Simula ngayon mamumuhay na ako kasama si Thunder at ang mga anak namin."
Pagkatalikod niya sa ama, napahinto naman siya sa planong paghakbang nang makita ang lumuluha't hapong-hapo na si Thunder sa pintuan ng bahay na kararating lamang.
"T-Thunder, anong ginagawa mo rito?"
Hindi sinagot ng lalaki ang kaniyang tanong, bagkos humakbang ito palapit sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.
"Akala ko iniwan mo na naman ako. Kung hindi ko pa nakausap ang mga anak natin ay hindi ko malalaman na rito ang punta mo. You scared the hell out of me. Muntik na akong mabaliw sa pag-aalala."
"Bakit mo naman naisip na iiwan kita ngayong alam ko na ang lahat?"
"Ewan ko, maybe because I am traumatized the last time you left. Hindi ko na kakayanin kapag naulit pa iyon."
"Hinding-hindi iyon mauulit."
Kumalas sila sa pagkayayakap at pinahid ang mga luha ng isa't isa bago binalingan ang matandang nanood.
"Thunder Sarmento, wala akong ideya na nakuha mo na naman sa akin ang anak ko. Ang galing mo talagang dumiskarte," saad nito kay Thunder.
"Long time no see, General Madrigal. Sinusundo ko po ang asawa ko. However, hindi maayos ang pagkuha ko sa kaniya sa mga nagdaang taon kaya ngayon ay aayusin ko na..."
Bigla na lamang lumuhod si Thunder sa harap ng matanda na ikinataranta ng asawa.
"Thunder, anong ginagawa mo?" tanong ni Enola at pilit pinapatayo ang lalaki ngunit matigas ito.
"General Madrigal, hinihingi ko po sana ang basbas niyo upang makasama ko ulit ang nag-iisa niyong anak."
Umawang ang labi at nangilid ang luha ni Enola sa narinig. Ilang saglit pa, namalayan na lang niya ang sarili na nakaluhod na rin sa tabi ng asawa.
"Itay, pumayag ka na po. Hindi kami tatayo rito hangga't hindi namin naririnig ang oo niyo."
Pinagmamasdan ng matanda ang dalawa at biglang bumalik sa alaala niya ang mga nangyari sa nakaraan. Ang pagiging sakim niya na makuha ang malaking reward kapag nahuli ang pamilyang Sarmento, ang paghihigpit niya sa anak nang malaman na may relasyon ito kay Thunder, ang pagtago niya rito, ang hindi niya pagtanggap sa mga apo at ang kaniyang saya noong hindi makaalala ang anak. Nagsisisi siya sa mga ginawa niya.
Bumuntong hininga ang matanda. "Ngayong nagkaalaman na, ano pa ba ang magagawa ko? Wala na hindi ba? Hindi ako makapaniwala na ang isang miyembro ng angkan ng mga mapagmataas na Sarmento ay heto ngayon sa harap ko, nakaluhod. Pumapayag na ako, basta huwag niyo lang ipagkait sa akin ang mga apo ko, gusto kong bumawi sa kanila."
Sa narinig ay labis ang tuwa ng mag-asawa. Ilang beses silang nagpasalamat sa matanda dahil sa wakas magiging legal na rin sila sa mga mata nito.
"Maraming salamat, General Madrigal. Pinapangako kong poprotektahan ko ang anak at mga apo niyo."
"Inaasahan ko iyan."
_____
Please support this story by clicking the star icon and leave a comment if you want.For more stories, kindly follow me.
—STAYANGNIE
BINABASA MO ANG
Suddenly Became A Wife And A Mommy
RomanceIyong namili ka lang ng napkin, tapos may nag-kidnap sa 'yo at paggising mo, may guwapong asawa at kambal na anak ka na pala! Papaano nangyari 'yon?! This is the love story of Enola, the teacher who suddenly became a wife and a mommy. Status: Comple...