ISANG araw ay kasama ni Tiare si Larson sa paglilipat ng kanyang mga gamit sa mansion. Mga damit lang karamihan ang kanyang inimpake.
"Ito na ba lahat?" tanong ng pinsan, nakamata sa dalawang malalaking maleta.
"Basically. Pag may iba pa akong kailangan dito sa bahay e balikan ko na lang. Malapit lang naman."
Hindi umimik si Larson, bahagyang kumunot lamang ang noo.
"O, bakit?" sita rito ni Tiare saka siya umupo sa sofa. Kapag ganoon ang facial expression ni Larson ay alam niyang may gusto itong sabihin, nagpipigil lang.
"Nagtataka lang ako na lilipat ka pa sa mansion, puwede ka namang dito na lang mag-work."
"I grabbed the offer to get away from here, Larson," pag-amin niya.
"Hindi pa rin sila tumitigil?"
Umikot ang eyeballs ni Tiare. "Nakita mo ba kanina kung paano humaba ang leeg ng kapitbahay ko nang makita tayong magkasama? Akala siguro boyfriend na naman kita. Mga buwisit talaga!"
Tumawa si Larson saka humalukipkip at sumandal sa dingding.
"So what kung magkaroon man ako ng boyfriend? Pinagtataksilan ko ba iyong patay?" gigil pang sabi niya. "To think na— Ugh!" Nakuyom na lamang niya ang mga palad.
"Hey, relax," pagpapakalma sa kanya ni Larson.
Alam ng pinsan ang kwento ng kanyang buhay. She got married at twenty-five, widowed at twenty-six. Kasamang namatay ng kanyang asawa ang mistress nito sa isang vehicular accident. Bumangga sa railing ng kalsada ang kotseng minamaneho ni Municipal Councilor Leonard Aldana isang gabi. Dead on the spot ito kasama si Jenna, ang assistant-secretary nitong matagal nang nababalitang karelasyon nito.
Tiare's marriage started shaky and ended in tragedy. Isang buwan pa lamang silang kasal noon nang nahuli niya si Leo na kausap sa cellphone si Jenna. Leo said it was just strictly business but Tiare heard him say things not business-related. Isa pa, dis-oras na iyon ng gabi. Walang inamin si Leo, sinabi pa nitong she was just being unreasonable and paranoid.
God knew how she wanted to believe him, pero nangyari na kasi iyon sa kanya noon. Her first boyfriend in college cheated on her, too.
She distrusted Leo from then on, lalo pa nang nadagdagan ang mga ebidensiya ng panloloko nito sa kanya. Unexplained credit cards charges, classic na marka ng red lipstic sa kuwelyo nito, amoy ng women's perfume na nakadikit sa katawan nito, mayroon pang pulang thongs sa drawer ng office table nito. At nakasagap din ng mga balita ang kaibigan at co-teacher niya noon na si Rissa, na magkasamang kumakain daw sa restaurant sa labas ng bayan sina Leo at Jenna, at magkasamang nag-shopping at pumasok sa sinehan.
Minsan na niyang kinastigo si Jenna, hindi rin ito umamin at nauwi lamang iyon sa mas matinding away nilang mag-asawa. Tiare told him she would leave, Leo said she couldn't threaten him like that. Nag-impake siya sa gabing iyon at umuwi sa bahay ng kanyang mga magulang. Isang linggo ang lumipas nang mangyari ang aksidente.
Matapos mahakot ang mga personal niyang gamit noon ay hindi na niya binalikan pa ang bahay ng kanyang yumaong asawa. Sabi ng pamilya nito ay wala raw siyang karapatan sa bahay dahil hindi iyon conjugal property. As if hindi naman siya lalayas kahit conjugal pa iyon, she hated the memories. And she hated Leo's family na kapitbahay lang nila. Alam ng mga ito ang kalokohan ng anak pero may gana pang magalit sa kanya. Kesyo she wasn't grieving enough daw. Maraming buwan nang patay si Leo pero dapat ay naka-black outfit daw siya palagi hanggang sa babang-luksa.
Kilalang conservative at religious ang pamilya ni Leo, may kapatid pa itong isang pari. But she had found out later on na halos mga ipokrito naman ang mga iyon. Iyong tiyo na lang nito, ilang babae na ang naanakan sa labas at ayaw pa ring hiwalayan ng misis na martir. May gana pa ang bruha na ilagay sa Facebook bio nito ang 'strong independent woman'.